lifeworksgestaltlogobase

About Me

Aking larawan

I teach and practice Gestalt therapy, Career decision coaching, and Family Constellations work. As well as Australia, I teach workshops and training in China, Japan, Korea, the USA & Mexico. I am author of Understanding The Woman In Your Life, a book of advice for men about relationships with women. In my work as director of Lifeworks I provide therapy,  training and supervision. I am a Phd candidate, studying the interpersonal dynamics of power, and am currently director of an MA in Spiritual Psychology for Ryokan College, an accredited online institution based in LA.

Miyerkules, Agosto 27, 2014

Case #29 - Paglaki bilang isang galit na batang babae

Binanggit ni Mary ang pagkakaroon ng tampo sa kanyang ama. Tinanong ko ang dahilan; nakipagdiborsyo raw kasi ito sa kanyang ina noong siya ay apat na taong gulang pa lamang.
Inusisa ko ang field na ito. 20 taon na ang nakaraan nang ito'y mangyari, at sampung beses niya pa lamang nakikita ang kanyang ama mula noon. Kakaunti lamang ang alam niya tungkol dito.
Naniwala siya na ang kanyang ina ang biktima dito - nagkaroon kasi ng kabit ang kanyang ama, at matapos ay nagpakasal muli.
Hindi niya sinubukang kausapin ito noong tumanda na siya. Nang tanungin ko kung bakit, sinagot niya na dinala kasi nito dati ang kanyang anak na babae mula sa kanyang pangalawang asawa, at sobrang nagselos si Mary nang lambingin ito ng kanyang ama.
Sinabi ko sa kanya na hindi ang isyu ng divorce o ang kanyang sama ng loob dito ang pagtutuunan ko ng pansin (dahil hindi naman talaga ito ang sentro ng kanyang mga isyu). Sa halip, ang pagtutuunan ko ng pansin ay ang kanyang pagiging adult, at ang pagtulong sa kanyang alamin kung ano ang dapat niyang gawin sa kasalukuyan.
Nagdalawang-isip siya noong una, ngunit malinaw ang aking mga patakaran.
Nagkwento ako sa kanya tungkol sa aking sariling divorce, tungkol sa naging pag-uusap namin ng aking pinakamatandang anak na babae noong tumanda na siya, at ang maling impormasyon na matagal niyang pinaniwalaan.
Sinabi ko na handa akong suportahan siya sa pagbuo ng kanyang sariling pakikipag-usap sa kanyang ama, ngunit hindi dapat siya manatili sa isang posisyon na walang magawa, mala-biktima, at mahina.
Namana niya ang mga kuwento ng kanyang ina, at naapektuhan siya ng mga ito. Ngunit bilang isang tao na nasa tamang edad na, maaari niyang alamin ng direkta mula sa kanyang ama ang bersyon nito ng kuwento. Hindi niya pa ito nagagawa, kaya ginawa kong pokus ang pag-usad papunta dito, hindi ang pag-uusisa pa ng nakaraan.
Maganda ring idagdag na habang nag-uusap kami, gumagamit si Mary ng isang maliit at pambatang boses, at mayroon siyang mga mannerism. Sinabi ko na naiintindihan ko siya at nakikiramay ako sa kanyang di-pagkakasundo sa kanyang ama, ngunit lumipas na ang mga iyon at maski therapy ay hindi na makakatulong upang ibalik ang mga nawalang taon..
Kailangan naming manatili sa pagiging trahedya nito sa kasalukuyan, at humanap ng mga maaaring gawin o mapagkukunan ng lakas habang nandoon.
Mahirap itong sabihin, ngunit kung hindi ko ito ginawa, tutulungan ko lamang siyang manatili sa kanyang walang katapusang paghahangad sa isang bagay na nakalipas na.
Nakakatulong minsan ang pakikiramay, ngunit minsan ay mas kailangan ang mga malinaw na patakaran, at umusad kaysa paulit ulit na lumingon sa  pinanggalingan. Sa kanyang pagiging "maliit na bata", wala siyang mapagpipilian, at wala siyang kakayahang lumapit patungo sa kanyang ama.
Noong bata raw siya, palagi niyang pinapalo ang kanyang ama tuwing nakikita niya ito. Malinaw na galit siya, at sinabi ko na normal lang naman ang kanyang reaksyon. Ngunit wala parin siyang nahahanap na ibang paraan upang makipag-ugnayan dito, at galit parin siya na para bang maliit na bata.
Kaya nagmungkahi ako ng isang eksperimento: tatayo siya sa isang bahagi ng kuwarto, at kunwari ay katabi niya ang kanyang ina. Mula dito ay lalakad siya "papunta" sa kanyang ama, siguro upang makipag-usap o tumayo lamang sa tabi nito.
Tila malaking hamon para sa kanya ang mungkahing ito, at natakot siya. Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang palakasin ang kanyang loob, ngunit binigyan ko parin siya ng kakayahang mamili. Pinaalala ko sa kanya ng maraming beses na 24 anyos na siya. Pinakiusapan ko siyang tigilan ang pagsasalita na tila maliit na batang babae, ituwid ang kanyang likod (sinabi niya kanina na palaging sumasakit ang kanyang likod), at umusad papunta sa pagiging taong nasa tamang edad na at may kakayahang pumili.
Unti unti ay pumayag din siyang gawin ang eksperimento. Lumakad siya ng paisa-isang hakbang, at nangailangan siya ng maraming suporta sa bawat hakbang upang hindi malaglag. Sa wakas ay naabot niya rin ang kinaroroonan ng kanyang ama, at may pinakiusapan ako upang magkunwari bilang kanyang ama.
Tingin niya ay imposible para sa kanya ang kausapin ito. Kaya tinanong ko kung ano ang kanyang nararamdaman, at na gawin niyang pangungusap ang mga pakiramdam na ito. Mga kalahating dosenang emosyon ang ginawa naming pangungusap upang magkaroon siya ng mga sasabihin. Nangailangan pa siya ng pagpapalakas ng loob upang mailabas ang mga salitang ito. Sa katunayan ay tila nahihirapan siyang huminga, at nang banggitin ko ito, sinabi niya na produkto raw siguro ito ng kanyang hinanakit sa atensyon na binibigay ng kanyang ama sa isa pa nitong anak na babae.
May mga bagay sana siyang nais tanungin dito, ngunit sinabi ko na mga pahayag lamang ang maaari niyang sabihin dito. Binanggit ko na may bias na ang mga tanong niya, at pinaalala ko sa kanya ang mga dahilan kung bakit niya gustong lumapit dito.
Sa wakas ay kinausap niya na ito; sinabi niya na siya ay galit at nasaktan, ngunit sa kabila ng lahat at nagagalak parin siyang makita ito. Karamihan ng mga sinabi niya ay may kinalaman sa kanyang hinanakit at sa kanyang mga takot. Sinabi ng kanyang "ama" na nagagalak din itong makita siya; hindi raw ito ang inaasahan niyang sagot.
Napakahirap para sa kanya ng buong proseso. Kinailangan kong padaliin ang eksperimento sa pamamagitan ng pagpapaalala sa kanya na isa lamang itong therapy group; wala talaga doon ang kanyang ama at ina, at naglalakad lamang siya sa ibabaw ng sahig na gawa sa bamboo - wala nang iba. Binawasan nito ng kaunti ang kanyang pangangamba. Sinamahan ko siya sa bawat hakbang upang gumabay, sumuporta, at manghamon upang manatili siya sa kanyang pagiging "adult".
Isa itong halimbawa ng "safe emergency" sa Gestalt experiment, kung saan sinusuong natin ang isang teritoryo na karaniwan ay mahirap pasukin habang nagbibigay ng kinakailangang suporta.
Nakakatulong itong bigyan ng bagong karanasan ang isang tao.
Ngunit hindi prescriptive ang ganitong klase ng mga eksperimento, at sinasabihan namin ang mga kliyente na huwag isipin na kailangan nila ang mga eksperimentong ito; sa halip, dapat ay tingnan nila ito bilang mga simpleng pagtuklas ng kanilang awareness at choicefulness.

Biyernes, Agosto 22, 2014

Case #28 - Ang nagsasalitang pantalon

Tinalakay ni Nancy ang kanyang samu't saring isyu. Pakiramdam niya raw ay malayo sa pagiging totoo sa sarili ang kanyang pag-uugali. Nagka-anak siya sa kanyang unang asawa, ngunit parang wala lang din ang relasyon nila dahil bihira lamang silang magsama.
Nagkuwento rin siya tungkol sa kanyang pangalawang pag-aasawa - nagkaroon siya ng maraming aborsyon; gusto ng asawa niya ng isa pang anak, ngunit ayaw niya na. Naging masaya siya sa kanyang pangalawang asawa, ngunit minsan ay tinatago niya rito ang kanyang pagdalo sa mga workshop. Nagkuwento siya tungkol sa kanyang pagiging mahina sa pisikal na aspeto, at sa kagustuhan niyang baguhin ito.
Sinabi ko sa kanya na sunod sunod ang pagbuhos ng kanyang isyu; tila walang isyu na sapat ang lalim upang mapagtuunan ng tamang pansin. Sinabi niya na nahirapan din ang iba niyang therapist sa pagtukoy ng isyu na kanilang pagtutuunan ng pansin.
Tinanong ko kung ano ang kailangan niya mula sa akin: "Magpaligtas," tugon niya. Pinaliwanag ko na matutuwa sana akong subukang iligtas siya, ngunit mukhang hindi ito umuubra; matutuwa rin sana akong tulungan siyang lumakas, ngunit mukhang hindi rin iyon umuubra ngayon.
Sa simula ng sesyon, pinansin ko ang kanyang mga pantalon - mayroon itong makulay at kumplikadong disenyo. Maraming beses ko itong pinansin. Napansin ko rin ang kanyang bibig - marami siyang expression. Madalas niyang kagatin ang kanyang labi, o ilabas ang kanyang ngipin sa isang partikular na paraan.
Nagkomento ako sa mga bagay na ito. Wala siyang awareness sa kanyang bibig, at hindi siya interesado sa kanyang mga pantalon.
Matapos ang kaunting talakayan, bumalik ako sa pagpansin sa kanyang pantalon, at minungkahi na tingnan namin kung matutulungan kaya kami nitong pumili ng isyu na bubunuin.
Tinanong ko kung anong aspeto nito ang pinakagusto niya. May pinakita siyang parte sa bandang bukong bukong na may tatlong magkakaibang kulay. Nilarawan niya ang mga ito bilang mga maiinit at malalamig na kulay.
Kaya pinaako ko sa kanya ang "pagkatao" ng bawat kulay na iyon, at pinalarawan ang kanyang sarili ayon sa mga kulay na iyon. Naglarawan siya ng isang sarili na mainit, masigla, entusiyastiko, at kumikinang. Pagkatapos ay isang sarili na mahinahon, mahilig magbulay bulay, at gustong mapag-isa. Sunod ay isang saril na malamig, mapagkalkula, at rasyonal.
Tumugon ako sa bawat isa sa mga paglalarawang ito. Pagdating sa huling paglalarawan, agad siyang nag-react - sinabi niya na hindi ito OK para sa kanya, at na sinisisi niya ang kanyang sarili.
Lumitaw na marami siyang batayan ng kung ano ang dapat, kaya naging "mali" ang bahaging iyon. Tinanong ko kung saan nanggaling ang mga batayang ito - sa kanyang ina raw. Kaya kumuha kami ng isang unan upang tumayo para sa kanyang ina, at kinausap niya ito. Inihayag niya dito ang kanyang koneksyon, pati narin ang kanyang mga hangganan, sa kanyang batayan ng mga dapat gawin.
Nariyan din ang kanyang dating biyenan na naging "ideal" para sa kanya sa iba't ibang paraan, ngunit mas puno pa ng mga batayan ng "dapat" gawin. Pinalagay ko ang kanyang biyenan sa unan, at muli ay inihayag niya ang kanyang mga koneksyon, pati narin ang kanyang mga hangganan.
Paulit ulit kong binalikan ang malamig/mapagkalkulang bahagi ng kanyang sarili upang subukang ipakita sa kanya na hindi ito mali. Tuwing hindi siya sumasang-ayon, tatanungin ko kung mas gusto niya bang madiktahan ng mga "dapat", at ang sagot niya ay "Hindi".
Sa wakas ay nakinig narin siya sa akin, dahil nagkwento ako sa kanya tungkol sa aking mapagkalkulang sarili. Sinabi ko na kung ako ay nasa work o business mode, magiging kumportable ako sa parteng iyon ng kanyang pagkatao. O kung ako ay nasa aking malamig o mapagkalkulang mode, ayos lang sa akin ito. Ngunit kung pakiramdam ko ay bulnerable o nangangailangan ako, maaaring masaktan ako.
Nakayanan niyang makinig sa akin ng hindi sumasabat, at intindihin ang aking pagpuri sa kanya. "Pero isa itong bahagi ng pagkatao ko na gusto kong baguhin dahil maaari itong makasakit ng mga tao," sabi niya. "Mas interesado ako sa pagtanggap mo nito bilang bahagi ng pagkatao mo, at kapag nagawa mo iyon, mararamdaman ko na ligtas ako sayo," tugon ko.
Naintindihan niya na ang mahalaga ay hindi ang pagtanggal o pagbago sa bahaging ito, kundi sa simpleng pagtanggap ng presensya nito.
Nahirapan akong simulan ang aktwal na sesyon. Tuwing nagsisimula siyang tumukoy ng isang malinaw na figure, bigla itong nag-iiba. Ito mismo ay kapansin pansin - ang kanyang palipat lipat na pokus. Pinili kong huwag muna itong pagtuunan ng pansin dahil wala pang sapat na ground sa pagitan namin. Pinag-isipan kong subukan ang pagiging "tagapagligtas", ngunit nagpasyang huwag na lang dahil hindi naman ito nagtagal bilang isang figure.
Kaya imbis na makipaghabulan kakahanap ng malinaw na tema, bumalik ako sa kung ano ang figural para sa akin - ang kanyang pantalon. Na wala itong kahalagahan sa kanya ay nangangahulugan na maaari tayong makahanap ng bagay na lulutang mula dito, sa kabila ng kanyang pagtangging magpalitaw ng malinaw na figure. Agad agad ay tumukoy siya ng tatlong mahahalagang bahagi ng kanyang sarili.
Inusisa ko ang mga ito sa pamamagitan ng relasyon - tumugon ako sa bawat isa sa mga ito.
Lumutang ang kanyang pagkadi-kumportable sa pangatlong bahagi, at malinaw itong tumuturo sa trabaho na kailangang gawin - harapin ang mga "dapat", at ang pinanggalingan nito.
Matapos niyang gawin ito, nakayanan niyang dalhin ang bahagi niyang iyon sa relasyon niya sa akin, at sa kanyang sarili.
Ang resulta ay ang natural na kinahahantungan ng isang Gestalt na proseso - integration.

Martes, Agosto 19, 2014

Case #27 - Pagiging moral

Mayroong maliit na kumpanya si John. Ang isyu niya ay ang kanyang pagiging moral na tao. Sa mundo kung saan pwede ang kahit ano, mayroon siyang mga prinsipyo na matibay niyang pinaninindigan. Ganito rin siya pagdating sa kanyang pamilya - sineseryoso niya ang kanyang mga tungkulin, nirerespeto niya ang kanyang mga magulang, at sumusunod siya sa mga tradisyon.
Ngunit nabibigatan na siya. Minsan ay pinagdududahan niya ang pagiging magandang bagay ng kanyang pagkamoral, at nag-aalala na baka sa huli ay pumalpak ang kanyang negosyo dahil hindi siya handang maging mandaraya, gaya ng kanyang mga kalaban.
Una kong pinaalala sa kanya ang mga bentahe ng kanyang paraan ng pamumuhay, ngunit hindi siya gaanong naapektuhan nito. Nag-aalala siya na baka hindi siya matulungan nito sa totoong mundo, ngunit nais niya paring panatilihin ang kanyang istriktong moralidad.
Kaya nagpatukoy ako sa kanya ang dalawang magkasalungat na tao - isang karakter mula sa kasaysayan na moral, at isang karakter na walang sinusunod na batas.
Pumili siya ng dalawa. Pinaako ko sa kanya ang karakter ng bawat isa, at pinagawa ko siya ng dayalogo sa pagitan ng dalawang karakter na ito. Napakahirap daw para sa kanya nito at hindi niya mapanindigan ang kanyang mga karakter. "Hindi ba pwedeng pag-isahin ko nalang sila?" tanong niya. Pero hindi ganoon kadali ang integration...
Habang nasa matuwid na karakter siya, sinabi niya na sinusunod niya lang ang malalim at mahabang tradisyon ng pagiging Tsino, habang ang isa pang karakter ay walang ginawa kundi ilagay sa panganib ang mga prinsipyo na iyon.
Naging malinaw na ang isyu - ang pagiging mahalaga sa kanya ng pagrespeto sa tradisyon, isang malalim na katangian ng kulturang Tsino.
Kaya minungkahi ko na iwan niya na ang parehong karakter, sumandal sa kanyang upuan, at kausapin ang bawat karakter. Kinilala niya ang kagandahan ng tradisyon, ngunit inamin niya na may matututunan din siya mula sa isa pang karakter.
Malaking hakbang ito para sa kanya.
Pinaisip ko sa kanya ang eksenang ito: kunwari ay isa siyang emperor na may dalawang tagapayo, ngunit sa huli ay kanya parin ang huling salita.
Gumaan ang pakiramdam niya matapos marinig ito, at sa wakas ay nakita niya na ang halaga ng kanyang "panibagong tagapayo".
Binanggit niya na may ganitong dimensyon ang kanyang personal na buhay,  kung saan masyado niyang sineseryoso ang lahat at na pakiramdam niya ay wala na siyang pahinga.
Kaya tumukoy kami ng dalawa pang tagapayo - isa na magpapaalala sa kanya ng kanyang mga responsbilidad, at isa na walang respeto sa kinauukulan, iresponsable, at mahilig magsaya.
Muli, gumaan ang loob niyang isipin na bagamat may dalawa siyang tagapayo, sa kanya parin manggagaling ang huling desisyon. Pinatukoy ko siya ng isang kakilala na swak sa karakter ng taong mahilig magsaya, at binanggit niya ang kanyang pinsan. Dati, negatibo ang tingin niya sa pinsan niyang ito, ngunit ngayon ay gumanda na ang tingin niya dito, at papayag na siyang gumugol ng oras upang makasama ito.
Ginamit namin ang pagpapahalaga ng Gestalt sa polarities, kung saan ang bawat katangian ay palaging mayroong kabaligtaran. Ang lubos na pananatili sa iisang dulo lamang ay hahantong sa isang split. Mahalaga sa Gestalt process ang integration - dapat itong maabot sa pamamagitan ng aktwal na pakikipag-ugnay sa magkabilang dulo ng polarity, at hindi lamang sa pamamagitan ng intelektwal na pag-intindi.
Hindi siya hiyang sa karaniwang anyo ng eksperimento (direct dialogue), kaya dapat ay palagi tayong maging handang baguhin ang disenyo ng eksperimento ayon sa pagtugon ng kliyente.

Sabado, Agosto 16, 2014

Case #26 - Pagbibigay at pagtanggap

Gustong gusto ni Tracy na bumabiyaheng mag-isa. Gusto niya ang pakiramdam ng pagiging independent. Minsan kada ilang linggo lamang siya umuuwi, at ayos na ayos iyon para sa kanya. May sarili siyang tirahan sa siyudad. Bagay daw ito sa kanyang asawa, dahil mataas ang kanyang mga pamantayan, ngunit sigurado na magkakaroon ng mga pag-aaway dahil sa kanyang uri ng pamumuhay.
Pakiramdam niya ay pag-aari niya ang kanyang buhay, at ngayon na malaki na ang kanilang anak, wala na siyang aatupaging responsibilidad sa kanyang pamilya. Maligayang maligaya naman siya sa kanyang paraan ng pamumuhay at sa kanyang trabaho.
Ngunit nababahala siya dahil nagsimula siyang makaramdam ng taranta tuwing nasa bahay siya, matapos ang maikling panahon.
Upang mas usisain ang pakiramdam na ito, nagtanong ako tungkol sa kanyang mga magulang. Marami siyang kalayaan noong bata pa siya - abala sa maraming anak ang kanyang ina, at tinatrato siya na "parang lalaki" ng kanyang ama, habang nagiging malambing parin sa kanya. Ngunit tuwing nakakakuha siya ng atensyon, kadalasan ay pressure lamang ito na maging magaling, o maging mabait na bata. Ang punto ay ito - ang sitwasyon ay palaging "either-or". Either makakatanggap siya ng atensyon, o ng kalayaan;walang gitna.
Kaya nagmungkahi ako ng eksperimento upang usisain ang ganitong sitwason sa kanyang asawa.
Tumayo kami at humarap sa isa't isa. Ang nakataas na kamay ay nagpapakita ng paghahangad ng atensyon, at ang ang kamay na nanunulak palayo naman ay nagpapakita ng kalayaan.
Nabagabag siya kaagad. Ayaw niya raw mapunta sa posisyon ng paghahangad ng atensyon - masyado raw itong nakaka-pressure at nakakararanta.
Tinanong ko kung gaano kadalas niyang nararanasan ang paghahangad ng atensyon mula sa kanyang asawa, ng may buong pahintulot niya. Sinabi niya na naghahangad siya ng mas maraming pang kalayaan, bukod pa sa kung ano na ang mayroon siya. Tinanong ko kung gaano karami. Pag-uwi ng dalawang beses lamang isang taon at ilang araw lamang na pananatili sa bahay, at ang kakayahang gawin kung ano man ang ibig niya sa kanyang oras, tugon niya.
Hindi ito ang aking ideal na modelo ng isang relasyon, ngunit handa akong tanggapin na baka ito ang ideal para sa kanya.
Base sa pagkakasundong iyon, nagpatuloy kami. Gusto niya na saglit lamang na manatili sa posisyon ng paghingi ng atensyon, at agad siyang lumilipat sa posisyon ng paghahangad ng kalayaan. Sinabi niya na hindi talaga kumportable para sa kanya ang paghahangad ng atensyon mula sa kanyang asawa.
Kaya binaliktad ko ang sitwasyon. Ako ang magiging asawa, at nilagay ko ang kamay ko sa posisyon ng paghingi ng atensyon. Agad niya akong tinulak palayo ng malakas.
Lumutang ang maraming hinanakit. Pakiramdam niya kasi na tuwing magkasama sila ng kanyang asawa, palagi itong may kailangan sa kanya, at na palagi siyang nagbibigay nang hindi nakakatanggap ng kapalit. Kaya lumabas ang galit niya, at naging malinaw ang paulit ulit na proseso sa relasyon nila - Itutulak niya itong palayo, mangangailangan ito, itutulak niya nanaman itong palayo, at uulit nanamang muli ang proseso.
Kaya minungkahi ko na magdagdag kami ng isa pang hand position: pagbibigay. Malinaw na wala na siyang maibibigay pa. Ngunit kinuha ko ang posisyon ng pagbibigay bilang kanyang asawa, at pinagawa ko sa kanya ang posisyon ng paghingi ng atensyon, o ang posisyon ng pagtanggap.
Nagpalutang din ito ng pagkalungkot. Pakiramdam niya kasi ay hindi siya nakatanggap mula dito kailanman, at na masyadong maraming taon na ang lumipas kung saan bigay lamang siya ng bigay.
Pinapunta ko siya sa kasalukuyan, at pinanamnam ko sa kanya ang karanasan ng pagtanggap, matapos niyang ipahayag ang kanyang hinanakit. Pumayag siya, at naging malalim ang epekto ng karanasan ng pagtanggap sa kanya. Ngunit agad siyang hindi napakali - iniisip niya kasi na kapalit ng pagtanggap ay ang muling pagbibigay, at kinakatakutan niya iyon.
Naging malinaw ang isang mas malalim na aspeto ng proseso.
Kaya iminungkahi ko na magsalitan kami. Magbibigay ako sa kanya, tatanggap siya, at kapag hindi na siya mapakali, magpapalit kami. Maaari siyang magbigay upang "bayaran" ang kanyang "utang" at makakatanggap ako, pero kung kumportable lamang ito para sa kanya.
Naging mabilis ang kanyang rhythm ng pagpapalit, at ilang segundo lang kaming nanatili sa bawat posisyon. Ngunit naging kumportable siya dito at pakiramdam niya ay hindi sumobra ang pananatili namin sa bawat posisyon.
Marami siyang napagtanto sa karanasang ito, at binigyan siya nito ng isang karanasan na matagal niya nang inaasam asam, ngunit sinukuan na.
Ang mahalaga dito ay hindi ang pagiging "fix" o "cure" nito para sa sitwasyon, kundi ang katotohonan na inungkat nito ang kanyang awareness at nagbigay sa kanya ng mas malalim pang awareness sa kanyang sarili, sa kanyang konteksto, sa kanyang partisipasyon sa proseso, at sa isang panibagong karanasan.
Ang mga bagong karanasan na lumalabas mula sa mga Gestalt experiment ay hindi mga "solusyon", ngunit pinapalawak nito ang mundo ng isang tao at binibigyan sila panibagong perspektibo tungkol sa kung ano ang posible. Maaari rin itong magbigay ng isang nakakahilom na karanasan, na  maaaring bumawi para sa kawalan ng isang pangangailangan sa paligid.
Nagsimula sa pag-usisa ng konteksto ng field ang prosesong ito. Nang naging malinaw na ito, lumipat kami sa isang panibagong here and now experiment. Upang magawa ito, kailangan niyang maramdaman na hindi ito dinidiktahan ng kahit ano, at na baka ang kanyang rhythm talaga ang isyu dito.
Bilang isang kalahok sa eksperimento, mas mararamdaman ko kung nasaan na siya at kung ano ang kailangan niya, at mas maiintindihan ko ang kanyang karanasan.
Pinahintulutan din ako nitong tumugon sa mga panibagong paraan. Binago ko ang eksperimento upang isama ang pangatlong gesture ng "pagbibigay", dahil malinaw na ito ang kulang ngunit pinakamahalagang sangkap. Pinahintulutan siya nitong makaranas ng pagtanggap ng wala masyadong kapalit.

Lunes, Agosto 11, 2014

Case #25 - Sampung libong pana

Dalawang beses nang diborsyado si Mary, at ngayon ay nagsasama nanaman sila ng kanyang dating asawa, na ama rin ng kanyang anak.
Tinanong ko kung paano ito nangyari.
Dati silang magkasosyo sa negosyo, ngunit hindi sila nagkasundo sa paraan ng pamamalakad. Nang maglaon ay naging bayolente ito sa kanya. Nagpatuloy ito sa loob ng ilang taon.
Nang maglaon ay humingi ito ng diborsyo, at pagkatapos ay nagtangkang makipagrelasyon sa isa sa kanilang mga empleyado sa negosyo.
Ngunit nang tanggihan siya ng babae, nakiusap siyang pakasalan muli si Mary, at pumayag namin ito.
Nagpatuloy naman ang kanyang pananakit dito.
Matapos ang ilang taon, nakipaghiwalay ulit si Mary upang tigilan ang kalupitan nito.
Ngunit matapos ang ilang taon, nagsama ulit sila, at sa pagkakataong ito ay wala nang pananakit na nangyari. Ayon sa kanya, "satisfactory" na ang kanilang relasyon at hindi na siya miserable dito.
Ngunit habang kinukwento niya ang lahat ng ito, nakaramdam siya ng sakit.
Tinanong ko kung paano niya ito nakayanan; naalala niya raw ang mga pinagdaanan ng kanyang ina at lola (hindi pananakit)
Tinanong ko kung ano ang nararamdaman niya. "Parang may sampung libong pana sa puso ko," ani niya.
Pinansin ko na mas madalas niyang dibdibin ang sakit kaysa ilabas ito sa iba, at binanggit ko ang aking pag-aalala sa epekto nito sa kanya.
Tinanong ko kung ano ang karanasan niya sa pagkausap sa akin bilang isang lalaki - sinabi niya na pakiramdam niya raw ay ligtas siya.
Sinabi ko na lalaki ang naglagay ng mga pana na iyon, kaya bilang isang lalaki, gusto kong makatulong sa pag-aalis ng mga iyon.
Tinanong ko kung maaari ba akong lumapit upang mabagal na alisin, isa-isa, ang bawat "pana" sa kanyang puso.
Ginawa ko ito, nilagay sa lupa ang bawat "pana" na nahugot ko, at pinansin ko kung gaano siya nasaktan ng mga ito.
Tinanong ko kung ano ang nararamdaman niya. Marami raw siyang  nararamdamang sakit, ngunit may pakiramdam din ng ginhawa.
Kaya inulit ko ang prosesong ito ng dalawa pang beses, at bingyang pansin ang iba't ibang aspeto ng kanyang karanasan sa bawat pagkakataon.
Nakaramdam siya ng kaunting ginhawa, ngunit nakaramdam din siya ng pamamanhid sa kanyang mga kamay. Isa itong indikasyon na sapat na ang nagawa ng proseso sa ngayon.
Bilang panghuli, nagmungkahi ako ng ilang mga ritwal na maaaring niyang gawin para sa tatlong pana at sa kanya. Pinili niya ang paglibing.
Kaya nagsalaysay ako sa kanya ng isang kathang-isip na paglalakbay sa isang gubat, kung saan magkasama kami. Inilibing namin ang mga pana at iniwan ang mga ito sa lupa matapos magpaalam sa mga ito.
Nakaramdam daw siya ng gaan pagkatapos ng karanasang ito, at tila nabigyang pansin talaga siya sa lugar na iyon.
Binigyan ko siya ng takdang gawain: kailangan niyang ulitin ang prosesong ginawa namin sa kanyang isip, isang beses isang araw, sa tatlo pang pana, at pagkatapos nito ay gawing muli ang "ritwal" ng paglilibing ng mga ito.
Sa prosesong ito ay mas nakita ko ang kanyang field at nagkaroon ng mas buong pagkakaintindi ng kanyang konteksto. Sunod ay ginamit ko ang aking pagiging lalaki upang maging bahagi ng proseso ng paghihilom. Nagdahan dahan ako; inalam ko ang karanasan niya sa bawat hakbang ng proseso, at binigyan ko siya ng maraming pagpipilian.
Sineryoso ko ang metaphor niya tungkol sa mga pana, at ginamit ko ito upang simulan ang proseso ng paghihilom. Ang mahalaga ay hindi ang bilang ng mga panang "natanggal", o ang pagkawala ng pagkapermanente ng sakit, kundi ang katotohanan na nakabuo kami ng bagong simula; na malaki ang naidulot nitong pagbabago, at na ngayon ay kaya niya na itong harapin ng mag-isa.
Ang Gestalt experiment na ginamit dito ay direktang dinisenyo mula sa mga materyal at salita na nanggaling sa kanya, at gumana ito dahil sa relasyon na nabuo sa pagitan namin.

Biyernes, Agosto 8, 2014

Case #24 - Ang abandunadong sanggol

Ginamit ko ang simula ng sesyon upang bumuo ng koneksyon kay Jane. Napansin ko ang kanyang maladilaw/malaginto na pantaas. Sinabi niya na gusto niya ang mga mala-apoy na kulay dahil nagbibigay daw ito ng init, at nakakatulong sa kanya tuwing nalulungkot siya. Gustong gusto niya raw kasama ang mga tao na entusiyastiko o masigla; kung hindi raw ganito ang isang tao, wala siyang interes dito.
Tinanong ko kung anong isyu ang nais niyang pagtuunan ng pansin - ang sagot niya ay negosyo, ama, at nobyo. Pinapili ko siya ng isa, at negosyo ang pinili niya.
Ayos lang kahit ano ang piliin ng kliyente, dahil malamang ay ito nga ang pinakamahalaga.
Pinalinaw ko sa kanya ang kanyang isyu. Sinabi niya na masyado raw siyang makasarili - palagi niyang sinusunod ang gusto niya nang hindi iniisip ang iba.
Binigyang pansin ko ang mga positibong dulot ng ganitong ugali sa negosyo, ngunit naiintindihan ko rin kung paano ito makakaagrabyado sa iba.
Bigla niyang inamin na naghahangad lamang siya ng pagkilala, at na ampon lamang siya. Inabandona raw siya ng kanyang mga magulang sa ilalim ng isang tulay.
Maraming nabago para sa akin dahil dito. Ang kanyang pagbubunyag nito ay nangangahulugang kaya niyang ipagkatiwala sa akin ang mga bagay na personal at mula sa kaibuturan ng kanyang puso. Imbis na tingnan ito bilang isang piraso ng impormasyon lamang na maaari kong pakinabangan, mas sineryoso ko ito at tiningnan ito bilang isa sa kanyang mga malalalim na paraan ng paghingi ng pagkilala.
Naintindihan ko rin ang kanyang paghahangad ng init.
Tinanong ko kung ano ang nararamdaman niya, ngunit wala siyang masabi, bukod sa lamig na nararamdaman niya sa kanyang binti dahil sa air con.
Kaya tinanong ko, paano naman ang pakiramdam ng panlalamig sa isang relasyon? Ito kasi ang opposite polarity ng init na hinahanap niya sa isang relasyon.
Ngunit ayokong bigyan masyado ng oras ang pag-uusap tungkol dito. Kaya sunod kong tinanong kung gaano katagal siyang iniwan sa ilalim ng tulay. Hindi niya raw alam, kaya pinahula ko na lamang sa kanya. Isang araw daw siguro.
Siyempre, malamang ay nilamig siya sa loob ng panahong iyon.
Matapos palutangin ang memorya ng malungkot na karanasang ito, gusto kong siguraduhin na may ibang mangyayari. Tinanong ko siya kung maaari ba akong lumapit, at kung maaari niya bang ilagay ang kanyang ulo sa aking balikat.
Sinabi niya na oo, ito talaga ang matagal niya nang inaasam asam.
Kaya ginawa nga namin iyon, at sinabihan ko siyang namnamin lang ang init hangga't kaya niya. Natagalan siya - hindi niya ito magawa noong una. Ngunit maya maya ay sinimulan niya rin; bumilis ang kanyang hininga, gaya ng isang sanggol. Maya ay maya ay bumagal din ito. Tinanong ko kung ano ang nararamdaman niya - mainit daw, ngunit malamig parin ang mga binti niya. Kaya tinakpan ko ito ng tela upang makapagpatuloy kami. May naririnig daw siyang mga tunog galing sa kanyang sikmura. Nagtanong ako tungkol sa isang kaugnay na karanasan, at nagkwento siya tungkol sa kanyang mga tangkang magbawas ng timbang at magdiyeta.
Malinaw na tungkol ito sa gutom, at posibleng konektado sa kanyang gutom para sa emosyonal na init. Kaya tinanong ko kung maaari ko rin bang ilagay ang kamay ko sa kanyang tiyan, at pinanamnam ko ulit sa kanya ang init.
Nanatili kaming ganito ng matagal at maya maya, sinabihan ko siya na bibitaw na ako.
Dumalo na raw siya sa napakaraming workshop, ngunit ngayon lang daw siya nakaranas ng ganitong klase ng pagtugon.
Ang proseso ng Gestalt ay ginagabayan ng pokus sa kasalukuyang relasyon, pati narin ng konteksto ng field at kung ano ang wala doon. Nagsama sama ang lahat ng isyung nabanggit niya - ang kanyang paghahangad ng pagkilala, paghahangad ng init, gutom at sobra sobrang pagkain, at ang kanyang pagkamakasarili.
Kaya binigyan ko siya ng "pagkilala" sa pinakamalalim na antas na kaya kong ibigay - non-verbal, at may kasamang paghipo - dahil karaniwang sa non-verbal na antas at sa paghipo nararanasan ng sanggol ang komunikasyon.
Tunay na nakakatulong sa therapy ang facilitative na estilo, ngunit ang mga pinakamalalim na pagbabago ay maaari lamang manggaling mula sa isang relasyon. Mahalaga na maintindihan mo ng maigi ang mga pangangailangang relasyonal ng isang kliyente, pati ang pagkakaroon ng kakayahang magpalitaw ng malalim ng bunga mula sa iyong pagtugon sa pangangailangan na iyon.

Miyerkules, Agosto 6, 2014

Case #23 - Ang lasenggong ama

May mga isyu si Mary sa kanyang ama.
Una kong ginugulan ng panahon ang pagbuo ng koneksyon sa kanya. Sinabi ko sa kanya ang aking karanasan sa kanya sa panahong naging  magkasama kami - siya ay entusiyastiko, bukas, at naging mainit ang aking pagtanggap sa kanya.
Tinanong ko naman kung ano ang karanasan niya sa akin. Pakiramdam niya raw ay relaxed siya, dahil mukhang palakaibigan ako.
Tinanong ko kung ano ang mga pagkakaiba at pagkakapareho namin ng kanyang ama.
Ang mga pagkakaiba: palagi nitong binabatikos ang kanyang paggastos, minsan ay nasosobrahan na ito ng inom, at nag-aalala siya dito kaya pinagsasabihan niya ito.
Ang mga pagkakapareho: Supportive ito at palaging pinapalakas ang kanyang loob.
Nagkukwento raw ang kanyang ina sa kanya ng mga reklamo at hinanakit nito sa kanyang ama,
Pinatukoy ko sa kanya ang mga nararamdaman niya sa kanyang katawan. Tila raw may nakabara sa kanyang dibdib, may tensyon sa kanyang likod at leeg, at kaunting paninikip sa kanyang sikmura. Gumugol kami ng oras sa kanyang paghinga papunta sa mga pakiramdam na ito.
Pagkatapos ay umakto ako bilang kanyang ama at sinubukang magsalita na gaya nito.
Bilang kanyang "ama", sinabi ko:
- "Wag ka nang makialam; sarili kong desisyon ang mga pinili kong gawin sa aking buhay; sarili mong buhay ang intindihin mo."
- "Nais kong maintindihan mo na aayusin namin ito ng ina mo sa sarili naming paraan, kaya wag ka na masyadong mag-alala sa aming relasyon."
- "Kung magrereklamo sayo ang ina mo tungkol sa akin, gusto kong lumayo ka at sabihin sa kanya na ayaw mo na itong marinig."
Matapos sabihin ang mga pahayag na ito, tinanong ko siya kung ano ang nararamdaman niya. Pakiramdam niya raw ay nakaginhawa siya.
Sa huli, sinabihan ko siyang ihinga ng malalim ang kanyang pakiramdam ng pagbitaw at ginhawa.
Nais niya rin sanang pag-usapan ang isa pang isyu niya sa kanyang ama, ngunit pinakiusapan ko siyang tumigil muna doon, at sa halip ay manatili muna sa kanyang pakiramdam ng ginhawa.
-
Sa prosesong ito direkta akong nagsimula sa relational ground, dahil alam ko na ang kanyang ama ang kanyang isyu, at nais kong tuklasin ang mga paraan kung saan ako'y nasa ganoon ding posisyon. Sa paggawa nito, madali kong makikita ang kanyang mga tunay na isyu, at malalaman ko kung naranasan ko rin ba ang mga ito.
Pinagtitibay ng mga pagkakaiba at pagkakapareho ang koneksyon namin ng kanyang ama, at pinaghihiwalay din kami dito, ngunit nagbibigay din ito ng punto kung saan maaari kaming maging konektado at bumuo ng pagkakapareho sa pagitan namin.
Malinaw na napipilitang maging "magulang" si Mary dahil sa sistema ng kanyang pamilya, at hindi ito nakabubuti para sa kanya.
Kaya sa pamamagitan ng pag-ako ng posisyon ng kanyang ama, nakayanan kong magpaabot ng isang mensahe tungkol dito na mas posibleng tumama sa kanya. May pagkakahawig ito sa isang family constellation statement.
Lutang naman talaga ang mga isyu sa alak, ngunit hindi natin ito kayang bunuin ng sabay sabay, at malinaw na mas kailangan niyang tigilan ang pagiging tagapagligtas ng kanyang ama. Kaya kung maririnig niya mula dito ang mensahe na nagpapatigil sa kanya, baka maudyukan siya nitong umatras at magsimula nang pagtuunan ng pansin ang pansarili niyang mga pangangailangan.
Ang kanyang ginhawa ay isang indikasyon na papunta kami sa tamang direksyon. Siniguro ng initial somatic checking na magkakaroon ako ng base line, at sa gayon ay mababantayan ang anumang pagbabago na mangyayari.

Sabado, Agosto 2, 2014

Case #22 - Ang lobo sa may pintuan.

Si Matt ay isang matagumpay na entrepreneur. Maraming oras ang ginugol niya sa pagkilala sa kanyang sarili, pagkuha ng iba't ibang mga kurso, pagbabasa ng mga self-help na libro, at pagpapaigi ng kanyang positibong momentum.
Kagagaling niya lamang sa divorce at nagkaroon ng bagong yugto ang kanyang buhay, sa pamamagitan ng isang bagong relasyon. Ang dati niyang asawa ay napakakritikal, lalo na pagdating sa kanyang buhay pinansiyal at sa kanyang trabaho. Bagamat matagumpay siya, at may negosyo na may kabuluhan sa lipunan, hindi siya mayaman. Palagi siyang binabatikos ng kanyang asawa dahil nakukulangan ito sa kanyang pinansyal na tagumpay.
Nilapitan niya ako matapos niyang makaranas ng panic attack habang nasa trabaho. Halos buong araw daw siyang naparalisa.
Mukhang isang pag-uusap sa pagitan niya at ng kanyang dating asawa ang nagdulot nito. Inudyukan kasi siya nitong kanselahin ang kanyang mga plano sa umagang iyon upang sunduin ang kanilang anak, dahil kailangan nitong iwan sa garahe ang kanyang sasakyan. Gaya ng karaniwang ugali nito sa pakikipag-usap kay Matt, naging malupit, mapanisi, at kritikal ito.
Bukod pa doon, may iba pang mga pangyayari - hindi niya nakuha ang isang malaking kontrata na kanyang inaasahan; nahuhuli ang kita ng ilan sa mga malalaki niyang account; marami siyang ginagawang positibong bagay, gaya ng pagsulat ng libro, upang pagandahin ang kanyang karera, ngunit wala ni isa sa mga ito ang umuubra; dinemanda siya ng isa sa mga dati niyang kasosyo; at panghuli, tiningnan niya ang kanyang account sa bangko at nalaman niya na $100 na lang pala ang laman nito.
Tinanong ko kung ano ang kanyang nararamdaman habang kinukuwento ang lahat ng ito sa akin. Paulit ulit niyang ibinabahagi ang kanyang mga ideya tungkol sa mga nangyayari at kinukwento ang iba pang mga nakalipas na pangyayari, ngunit pinigilan ko siya at pinalarawan lamang ang kanyang nararamdaman sa kanyang katawan.
Sinabi niya na habang nangyayari ang panic attack, pakiramdam niya raw ay nakagapos ang kanyang buong katawan. Ngayon, pakiramdam niya na siya ay bulnerable at takot, lalo na sa bandang dibdib.
Inanyayahan ko siyang pagtuunan ng pansin ang mga pakiramdam na ito.Nakaramdam daw siya ng init, at kaunting takot. Sinabi niya na para itong dayuhan na sumasalakay sa kanyang katawan.
Nagbigay siya ng isang analogy na dating ginagamit ng kanyang ama - isang lobo sa may pintuan.
Kadalasan, kapag mataas ang kumpiyansa niya sa kanyang sarili, ayos lang sa kanya ang pagharap sa mga pagsubok. Ngunit ngayon at wala na siyang kumpiyansa sa kanyang sarili, tila kaya na siyang "atakihin" ng lobong ito.
Sinabi ko na baka hindi na lamang nakatayo sa may pinto ang lobo - baka nakatayo narin ito sa harap niya.
Kaya inanyayahan ko siyang isipin na nasa ibabaw niya ang lobo. Sinabi niya na "natutuluan ako ng laway nito". Pinaisip ko sa kanya ang pakiramdam ng dinadaganan; pakinggan ang paghinga ng lobo at pakiramdaman ang laway nito na tumutulo sa kanyang mukha. Pinahinga ko siya ng malalim at maayos at sinabihan siyang pakiramdaman ang takot sa kanyang buong katawan. Binalaan ko siya na makakaramdam siya ng maraming enerhiya, at na kung sumobra na para sa kanya ang karanasan ay maaari niya itong itigil.
Ginawa niya nga, at tila kinokombulsyon siya habang ginagawa ito. Matapos ang ilang minuto ay binuksan niya ang kanyang mga mata; nagulat siya sa dami ng enerhiya na naramdaman niya sa kanyang katawan.
Sunod ay pinaisip ko sa kanya na siya ang lobo; nakatayo sa harap ni Matt at tumutulo ang laway. Sinabihan ko siyang kausapin si Matt at bigyan ito ng ilang mensahe.
Matapos ang ilang minuto, binuksan niyang muli ang kanyang mga mata. Tila marami siyang napagtanto. Sinabi niya, "Madunong pala ang lobong ito."
Napagtanto niya na para pala siyang tupa, at sa posisyong iyon siya ay mahina, mahinhin, bulnerable, at sira ang kumpiyansa sa sarili. Ang lobo naman ang kanyang naisantabing sarili na puno ng kakayahang bunuin ang mga pagsubok na kanyang hinaharap, hindi lamang sa kanyang personal na buhay kundi pati sa kanyang propesyon.
Sa prosesong ito, gumamit ako ng identification, at sinadya kong magsimula sa karanasan niya sa kanyang katawan. Inusisa ko ang pagkakalarawan niya sa kanyang mga nararamdaman bilang "dayuhang sumasalakay" dahil malinaw na hindi lamang ito simpleng takot - sa katunayan, sa sobrang grabe nito ay naparalisa na siya, at masasabi natin na isa itong tunay na delikadong karanasan.
Sa paraang Gestalt, direkta nating inusisa ang kanyang karanasan ng kapahamakan, kaakibat ang sapat na suporta. Sunod namang inusisa ang kabilang dulo ng polarity - ang "dangerous" niyang sarili - na siyang naghilom sa split ng kanyang pagkatao.

© Lifeworks 2012

Contact: admin@learngestalt.com

Who is this blog for?

These case examples are for therapists, students and those working in the helping professions. The purpose is to show how the Gestalt approach works in practice, linking theory with clinical challenges.

Because this is aimed at a professional audience, the blog is available by subscription. Please enter your email address to receive free blog updates every time a new entry is added.

Gestalt therapy sessions

For personal therapy with me: www.qualityonlinetherapy.com

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

© Lifeworks 2012

Contact: admin@learngestalt.com

Wikang:

HOME

Informed Consent & Rates

PROFESSIONAL TRAINING

Gestalt Therapy Defined

PROFESSIONAL SERVICES

PAYMENTS

OTHER STUFF

Links

Book:Advice for Men about Women

BLOGS

• English

Bahasa

Čeština

Deutsch

Español

Français

Greek ελληνικά

Hindi हिंदी

Magyar

Melayu

Italiano

Korean한국의

Polski

Português

Română

Russian Русский

Serbian српски

Chinese 中文

Japanese 日本語

Arabic العربية

English Bahasa Čeština Deutsch Español Filipino Français ελληνικά हिंदी Magyar Melayu Italiano 한국의 Polski Português Română Русский српски 中文 日本語 العربية

If you are interested in following my travels/adventures in the course of my teaching work around the world, feel free to follow my Facebook Page!

Can you translate into Filipino? I am looking for volunteers who would like to continue to make this translation available. Please contact me if you would like to contribute.

Interested in Gestalt Therapy training?

Contact us!

vinaysmile

I publish this blog twice a week. It is translated into multiple languages. You are welcome to subscribe

logosm1

Links

Career Decision Coaching

Here

and here

Lifeworks

Gestalt training and much more

http://www.depth.net.au

For Men

Here is a dedicated site for my book Understanding the Woman in Your Life

http://www.manlovesawoman.com

The Unvirtues

A site dedicated to this novel approach to the dynamics of self interest in relationship

http://www.unvirtues.com

Learn Gestalt

A site with Gestalt training professional development videos, available for CE points

http://www.learngestalt.com

We help people live more authentically

Want more? See the Archives column here

Gestalt therapy demonstration sessions

Touching pain and anger: https://youtu.be/3r-lsBhfzqY (40m)

Permission to feel: https://youtu.be/2rSNpLBAqj0 (54m)

Marriage after 50: https://youtu.be/JRb1mhmtIVQ (1h 17m)

Serafina - Angel wings: https://youtu.be/iY_FeviFRGQ (45m)

Barb Wire Tattoo: https://youtu.be/WlA9Xfgv6NM (37m)

A natural empath; vibrating with joy: https://youtu.be/tZCHRUrjJ7Y (39m)

Dealing with a metal spider: https://youtu.be/3Z9905IhYBA (51m)

Interactive group: https://youtu.be/G0DVb81X2tY (1h 57m)