lifeworksgestaltlogobase

About Me

Aking larawan

I teach and practice Gestalt therapy, Career decision coaching, and Family Constellations work. As well as Australia, I teach workshops and training in China, Japan, Korea, the USA & Mexico. I am author of Understanding The Woman In Your Life, a book of advice for men about relationships with women. In my work as director of Lifeworks I provide therapy,  training and supervision. I am a Phd candidate, studying the interpersonal dynamics of power, and am currently director of an MA in Spiritual Psychology for Ryokan College, an accredited online institution based in LA.

Linggo, Oktubre 26, 2014

Case #40 - Nangangailangan ng suporta, nangangailangan ng independence

May mga luha sa mata ni Martha, at kinakagat niya ang kanyang labi. Pinansin ko ito, at ginagawa niya raw iyon dahil sinusubukan niyang lunukin ang kanyang mga emosyon. Pinahinga ko siya ng malalim at inudyukan siyang maging present...at lalong tumulo ang kanyang luha.
Nagkwento siya, isang mahaba at masakit na kwento, ng may kasamang luha. Sa ibang lungsod nagtatrabaho ang kanyang ama. Lumipat sila ng kanyang ina at kapatid sa isang maliit na baryo habang wala ang kanilang ama, at kinailangan nilang makitira sa mga magulang ng kanyang ina. Ngunit binubule sila ng kanilang lolo...kung masyadong maingay ang mga bata, nagbabanta itong ipatapon sila sa labas ng bahay, at talaga namang nilalagay nito sa labas ang mga maleta nila. Ilang beses na itong nangyari. Bago pa iyon, nakitira na ang kanyang kapatid dito at tuwing bumibisita siya at ang kanyang ina, hahanapan nila ng pintas si Martha at ikukumpara siya sa kanyang kapatid.
Sa wakas ay lumipat narin sila sa sarili nilang bahay. Ngunit magandang babae ang kanilang ina, at madalas pumupunta sa bahay ang mga lalaki mula sa tindahan na pinagtatrabahuhan niya upang hanapin siya. Pinaaalis niya mga ito, ngunit isang beses ay nagpapasok siya ng isang lalaki, at nagkaroon sila ng relasyon. Palaging natatakot si Martha tuwing pumapasok ito sa bahay.
Nang mabuking ang relasyon na ito, naging kahihiyan sa maliit na komunidad na kanilang tinitirhan ang kanilang ina. Pati si Martha ay inaaway ng mga bata sa eskuwelahan. Nang bumalik ang kanilang ama, binugbog ng lolo't lola nila ang kanilang nanay...tila nagpatung-patong na ang mga trauma.
Isa itong kwento na puno ng sakit at pagdurusa. Habang nagkukwento ay hinawakan niya ang kamay ko at pinisil ito. Naupo lang kami ng ganoon hanggang sa gumaan ang loob niya.
May iba't ibang klase ng kwento sa psychotherapy. Ang iba ay luma, patay, paulit-ulit, at ang tanging silbi ay ang pagpapatuloy ng helplessness at pagkuha ng simpatya. Kailangang dalhin sa kasalukuyan ang mga kwentong iyon, at gawing buhay sa pamamagitan ng mga embodied na eksperimento at mga breathed-through na emosyon.
Ngunit ang kwento na ito ay buhay at 30 taong nang naghihintay na makwento. Sa tamang panahon ay lumabas ito ng tuluy-tuloy habang unti-unting nag-iintegrate.
Nang kumalma na siya, binitawan ko ang kanyang kamay at nanatili sa tabi niya.
Nagkaroon naman daw ng mga "ilaw" sa daan, ayon kay Martha. Ang intimacy nila ng kanyang ina at kapatid, kahit tinapay at beans lang ang kinakain nila minsan. Ang mga naging nobyo niya, lalo na ang pinaka-una, na naging mapagmahal at sumuporta sa kanya habang kinakaharap niya ang kanyang mga kalbaryo.
Nagpatuloy ang suportang ito sa kanyang asawa, na talaga namang malapit sa kanya, at mayroon silang mapagmahal na relasyon. Lahat ay maayos sa kanila. Yun nga lang, matapos ang 20 taon (at ngayon na malaki na ang kanilang mga anak) ay tila nagsawa na siya sa trabaho na naging tahanan niya noong una niyang iwan ang masalimuot na mga pangyayari sa kanilang pamilya.
Naghahanap siya ng bagong direksyon para sa kanyang personal na pag-unlad, pati ng pagbabago sa kanyang karera. Ngunit nakahawak parin sa kanyang kamay ang kanyang asawa. Naging maganda ang kanilang sitwasyon dahil tuwing nangangailangan siya ng suporta, agad itong binibigay ng kanyang asawa. Ngayon, gusto niya nang maging independent, ngunit nakahawak parin ito sa kanya.
Tinuro ko sa kanya ang parallel nito sa sesyon. Kinailangan niya ang presensya ko habang dinadaanan niyang muli ang trauma. Ngunit sa huli, nakayanan ko nang bitawan ang kanyang kamay, at tinabihan siya ng hindi na kumakapit pa.
Binigyan ko siya ng outline ng maaari niyang sabihin sa kanyang asawa, upang tulungan itong maintindihan at matanggap na kailangan niya ring matutong gumalaw sa mundo ng mag-isa, at siguro'y tulungan din itong harapin ang mga insecurity na posibleng lumabas dahil dito. Mabibigay din nito ang tamang klase ng suporta na kailangan niya mula dito - ang pagiging kumportable sa kanyang pagbalik at pag-alis.
Sa pamamagitan ng pagtalakay ng paksang ito sa sesyon, natutunan niya kung paano mas mag-mature at magbago, at sa gayon ay nakayanang harapin ang nagbabagong dynamic sa kanyang relasyon at sa kanyang posisyon sa buhay.

Huwebes, Oktubre 23, 2014

Case #39 - Ang malakas na florist

Noong nagtawag ako ng mga volunteer, tumayo kaagada si Fran. Binanggit ko sa kanya na dati, siya rin ang pinakaunang nagtanong.
Imbis na tanungin siya ng kung anu-ano, nagsimula ako sa mga koneksyon na mayroon na ako sa kanya - mga bagay na napapansin ko sa kanya, at ang aking pagtugon sa mga ganoong aspeto ng aking karanasan sa kanya.
Sinabi niya madalas daw siyang maunang magvolunteer, at sinabi ko na ganoon din ako. Agad itong gumawa ng ground sa pagitan namin. Tinanong ko kung ano ang trabaho niya - florist daw, ngunit gusto niyang gumawa ng sarili niyang florist shop at desidido siyang maging matagumpay dito. Nakikita ko na isa siyang matalinong dalaga na may kumpiyansa sa sarili, at sinabi ko na habang nakikinig ako sa pagkukwento niya ng kanyang mga plano, ay naniwala ako na kaya niya ngang gawin ito.
Muli, bahagi ito ng pagtatatag ng groundwork ng relasyon, at pagtukoy sa kung ano ang lutang sa proseso.
Tinanong ko kung ano ang paborito niyang bulaklak upang malaman kung ano ang figural para sa kanya. Sunflower daw, tugon niya. Kinuwento ko na gusto ko rin ito, at kinwento ko pati ang mga bagay na gusto ko tungkol dito. Sinabi niya na marami syang gusto - mga bagay na masaya, masigla, malakas, matangkad...
Parang may diin ang pagsabi niya ng "malakas", kaya tinanong ko kung sa anong mga paraan niya nararamdaman na malakas siya. Pinaliwanag niya na talagang malakas siya, at na masaya siya sa ugali niyang iyon, ngunit pakiramdam niya ay maaari siyang maging destructive tuwing galit siya.
Kaya inimbitahan ko siya sa isang "therapeutic wrestling", kung saan tumayo kami sa harap ng isa't isa at nagbuno gamit ang aming mga palad. Naging masaya ito, at pinahintulutan siyang maramdaman ang buong pwersa ng kanyang aggression sa isang ligtas, mapaglaro, at contactful na paraan. Pinakita rin sa kanya ng eksperimento na maaari ring maging positibo ang galit at aggression, at hindi lang palaging negatibo. Lumika ito ng mas maraming ground sa pagitan namin.
Sinabi ko na hindi palaging kinikilala ang mga malakas na babae sa lipunan, at sa paraang ito ay tumukoy ako ng mga potensyal na contextual factors upang makita kung ano ang karanasan niya sa mga ito. Sinabi niya na minsan pakiramdam niya ay masyadong malakas ang paglapit niya, at sa gayon ay nakakalula ng mga tao. Humingi ako ng halimbawa, at nagkuwento siya tungkol sa isang taxi driver na ayaw gumamit ng metro, na nasigawan niya. Naiintindihan ko ang kanyang reaksyon, at binanggit na baka ganoon din ang gawin ko. Ngunit hindi parin siya natutuwa na nawalan siya ng kontrol.
Kaya nagtanong ako tungkol sa kanyang konteksto, sa kanyang pamilya, at kung sino pa sa kanyang pamilya ang walang kontrol. Sinabi niya na madalas magpakita ng malakas na emosyon ang kanyang ama habang siya ay lumalaki. Ngunit imbis na matakot dito, siya mismo ay naging ganoon din...kaya ayaw niyang nawawalan ng kontrol pagdating sa kanyang galit, kahit pa may katwiran ito gaya ng nangyari sa taxi driver.
Naintindihan ko iyon, at minungkahi na ngayon at malaki na siya, siguro ay maaari na niyang piliin kung ano sa mga ugali ng kanyang ama ang gusto niyang gayahin, at kung ano ang ayaw niya. Kaya naglagay ako ng upuan sa harap niya upang tumayo bilang kanyang ama, at sinabihan siyang "kausapin ito ng direkta" tungkol sa bagay na ito. Tinulungan ko siyang linawin kung ano ang ikinatutuwa at nais niyang panatillihin, at kung ano ang nais niya nang bitawan, upang hindi magaya sa kanyang ama.
Gumaan ang kanyang pakiramdam pagkatapos nito, at naging mas kumportable na siya sa kanyang aggression bilang isang pwersa na kaya niyang kontrolin, imbis na isang bagay na kanyang ikinasasama ng loob o ikinagagalit.
Ito ang tinatawag nating "integration", at nangyayari ito hindi lamang cognitively sa pamamagitan ng insight, kundi pati somatically, kaya isa talaga itong shift na nakabase sa katawan.

Lunes, Oktubre 20, 2014

Case #38 - Ang babaeng pumalpak


Ang isyu ni Jemma ay kapalpakan. Pumapalpak daw siya sa lahat - nagkaroon siya ng limang aksidente habang nagtatrabaho para sa isang kumpanya, nagkaroon siya ng mga pagkakamali sa pagco-compute sa isa pang kumpanya, atbp., at pakiramdam niya ay isa siyang palpak na tao.
Nang banggitin niya ang isyung ito, naging alerto na ako. Naging sunud-sunod at tuluy-tuloy na ang kanyang mga kwento. Umiiyak siya at minsan ay nalalaglag, at nakikita ko na ang sarili kong katrabaho siya ng maraming oras ngunit wala paring nararating. Binanggit niya rin ang mga problema niya sa kanyang mga magulang matapos niyang umalis sa kanilang bahay; galit na galit siya sa kanila, at duda siya sa kanyang ama at sa mga intensyon nito. Malinaw na desperado siyang magpatulong, at hindi maganda ang pakiramdam ko sa pagiging desperado niya. Napansin ko na nagrereact na pala ako; parang gusto kong umatras.
Kaya alam ko na kailangan ko nang puntahan kaagad ang puno't dulo nito, at isama ang aking sarili sa proseso. Sabi ko - Pagtuunan natin ng pansin ang kapalpakan. Sa katunayan ay nangyayari na ito ngayon - pumapalpak ka na sa pag-uusap natin, at nagkakaroon ng impact sa akin ang estilo mo. Tumango siya - naramdaman niya na nagkaroon ako ng ganoong reaksyon at siyempre, pamilyar sa kanya ang ganitong karanasan.
Ang unang hakbang para sa isang taong nakakulong sa self-destuctive na paraan ng pamumuhay ay ang paglalagay nito ng buo sa kasalukuyan, imbis na makinig lamang sa mga kwento "tungkol" dito. At ang pinakamagandang paraan upang gawin iyon ay pansinin kung paano ito nagaganap sa relasyon.
Inimbitahan ko siya sa isang maliit na laro. Gusto kong hulaan niya kung paano ako nagre-react sa kanyang pagpalpak ngayon - matapos niyang magbigay ng hula, sasabihin ko kung tama ba ito o mali.
Hula niya raw ay ginagawa ko ang makakaya ko upang pagpasensiyahan siya. Mali, sabi ko. Baka raw nakakaramdam ako ng awa para sa kanya. Mali, sabi ko.
Sabi ko - naiirita ako sayo.
Sunod ay pinahula ko sa kanya kung ano ang pakiramdam noon para sa akin. Hula niya raw ay pinipigilan ko ang mga pakiramdam na iyon. Sabi ko, medyo totoo lang iyan. Baka raw nararamdaman ko ito sa aking tiyan at dibdib.
Sunod ay sinabi ko na sa totoo lang ay nagagalit na ako sa kanya, at na nararamdaman ko iyon sa aking dibdib bilang isang uri ng internal pressure.
Pinagawa ko sa kanya ang eksperimentong ito dahil gusto ko siyang ilabas sa kanyang nakasanayan na self pity at failure formula. Gusto kong makita niya na isa itong co-created na karanasan, at na hindi lang talaga siya ang nagdurusa. Hindi rin ito nakakatuwa para sa akin. Pinakiusapan ko siyang gawin din ito, dahil malinaw na paranoid siya (lalo pagdating sa kanyang ama), at mas mabuti nang manghula siya ng harapan at magkaroon ng pagkakataong malaman ang talagang nararamdaman ng isang tao, imbis na maiwang mag-isa sa kanyang mga hula.
Sunod ay nakipagpalit ako sa kanya ng upuan. Ako ang magiging siya, at siya naman ang magiging ako. Kaya, ako ay malungkot, diskumpiyado, at pakiramdam ay palpak ako, at siya naman ang galit.
Sinabi niya na "para akong mga magulang ko - nanenermon, naninigaw, nambabatikos, nang-iinsulto, nampe-pressure na maging magaling."
Nakatulong ito dahil muli, hinila siya nito palabas ng kanyang kinabibilangang dulo sa polarity, at sa gayon ay binigyan siya ng mas malawak ng karanasan ng mga nangyayari.
Sunod ay nilarawan ko ito sa kanya bilang proseso ng recruitment - para niya akong kinuha upang magalit sa kanya, at naging sobrang matagumpay siya dito na sa loob lamang ng isang minuto ng pakikinig ko sa kanya ay talagang nagalit na nga ako.
Pinaliwanag ko na isa itong two-person game. Sabi niya - noong ginagampanan niya ang galit na karakter, naalala niya ang pressure na galing sa kanyang lolo at lola.
Ganito gumana ang kanyang field.
Binigyan ko siya ng isa pang metapora - isang script, at mga aktor at aktres na handa itong isadula. Siya ang gumagawa ng script para sa bawat aspeto ng kanyang buhay. Sumang-ayon siya. Nilagay nito sa konteksto ang nangyayari sa field, imbis na ilarawan lamang ito sa indibidwal na konteksto (ang kanyang problema), at tumuturo sa pagiging compulsive at paulit-ulit ng kanyang karanasan sa transactional na prosesong ito.
Sunod ay inimbitahan ko siyang pumili ng kahit anong sikat na dula na alam niya, na may mga karakter na bagay sa kanyang personal na field. Naglarawan siya ng isang partikular na drama na ganito nga.
Sunod ay humingi ako ng halimbawa ng isa pang kwento, pelikula o teatro, na may ibang script. Dito ay nilalawakan ko ang aking paghahanap ng iba pang resources sa field, at iba pang paraan ng pamumuhay. Pinili niya ang Harry Potter, at nang tanungin ko kung sinong karakter ang gusto niyang maging, ang sinagot niya ay si Harry.
Kaya sinabihan ko siyang tingnan ako na para bang siya si Harry Potter. Ito ay dahil hinanda niya ang kanyang script bilang biktima gamit ang kanyang mga mata - may partikular siyang paraan ng pagtingin sa akin.
Sinubukan niya ang eksperimentong ito, at habang inuusisa namin ang karakter ni Harry Potter sa mga pelikula - na hindi siya kayang patayin, atbp. - nagsimula siyang magkaroon ng mas matibay na pagkakakilala sa kanyang sarili habang nasa karakter ni Harry Potter.
Nakaramdam siya ng pagbabago sa kanyang identidad, at ako naman ay nagkaroon ng bagong karanasan sa kanya.
Upang maging matagumpay ang sesyong ito, kinailangan kong maging present kasama niya, at maging totoo hanggang sa huli. Tinrabaho ko ang relasyon gamit ang iba't ibang eksperimento, at ang huling eksperimento ang naging "ground shifter"...ngunit kinailangan muna naming pagdaanan ang lahat ng nangyari bago nito upang maging posible ang shift.

Martes, Oktubre 14, 2014

Case #37 - Ang spear na nananakit, at ang spear na pumoprotekta

Akala ko ay nasa bandang 30 anyos pa lamang si Celia, ngunit ang totoo ay 51 na siya, at mayroon na siyang mga anak. Kahanga-hanga na kahit naging mahirap ang kanyang buhay ay kalmado parin siya - dahil dito, nanatiling bata ang kanyang itsura. Mga bagay ito na hindi ko na nausisa pa, ngunit tinandaan para sa mga susunod na sesyon. Palaging mahalaga ang pagtanda sa mga unang impresyon, pati sa bagong pagtingin sa mga pamilyar na kliyente, upang matukoy ang mga discrepancy at iba pang mahahalagang bagay habang isinasagawa ang therapy.
Ang isyu na binanggit niya ay ang kanyang takot sa pagsabak sa trabahong sampung taon niya nang pinaghahandaan. Gusto niyang maging social worker, at ngayong wala na sa bahay ang kanyang mga anak, ito na ang bago niyang layunin sa buhay.
Imbis na pataasin ang kanyang kumpiyansa sa sarili o alamin ang kanyang mga takot, mas pinili kong usisain ang kanyang konteksto - ang suporta mula sa kanyang paligid. Mayroon nga siyang propesyonal na suporta mula sa isang grupo ng mga social worker, kaya hindi na iyon problema.
Ngunit sinabi ng kanyang asawa na hihiwalayan siya nito kung talagang itutuloy niya ang pagpasok sa ganoong linya ng trabaho. Ito ay isang malakas na reaksyon, ngunit hindi naman nakakagulat dahil patriarkal ang kultura na pinagmumulan ng mga tao sa sesyong ito.
Ngunit nang magtanong pa ako tungkol dito, inamin niya na ilang dekada na pala siyang sinasaktan ng kanyang asawa.
Nagulat ako na sa sampung taon ng kanyang pag-aaral at therapy na may kinalaman sa pagiging social worker ay hindi lumabas ang isyung ito, o kaya hindi lang naramdaman ng kanyang mga guro na responsibilidad nila na kumilos laban sa pananakit na ito.
Sa therapy, mahalaga na hindi lamang mga emosyon ang pinagtutuunan ng pansin kundi pati ang konteksto, lalo na kung kasalukuyang nakakasakit ang kontekstong iyon. Kailangan nitong manatili bilang pokus ng therapy.
Kaya tumanggi na akong pagtuunan ng pansin ang iba pang isyu hangga't hindi nabibigyan ng kaukulang pansin ang puno't dulo ng kanyang takot. Ngayun-ngayon lang naman daw tumigil ang pananakit.
Sinabi ko sa kanya ang aking mga nararamdaman habang katabi ko siya - naging bukas ako sa kanya, habang ramdam na ramdam ko ang aking koneksyon sa bigat ng kanyang mga isyu at ang kagustuhan kong suportahan siya, pati narin ang kagustuhan kong maging maingat sa aking mga galaw.
Sinabi ko na halos miyembro na ng pamilya ang kanyang takot. Sumang-ayon siya. Sinabihan ko siyang bigyan ng identidad ang takot - isa raw itong pigurang naka-itim, may malalaking mata, nakangiti, at may hawak na sibat. Nakakakilabot daw ito.
Humingi pa ako ng mas maraming detalye - ano ang itsura ng damit nito? Gusto ko kasing mas i-ground ang kanyang koneksyon sa kanyang takot. Sunod ay inimbitahan ko siyang lumahok sa isang Gestalt na eksperimento: Ipapakita niya sa akin kung paano tumayo ang Takot, kasama ang sibat nito at malalaking mga mata.
Ginawa niya nga ito, at ginawa ko ito kasama niya. Kadalasan ay magandang gawin ang ganitong mga klase ng eksperimento kasama ang kliyente.
Pagkatapos ay pinaupo ko siya ulit - ayokong gumugol masyado ng oras doon. Ang simpleng paglalarawan at pag-ako ng karakter nito ay malaking bagay na.
Pakiramdam niya raw ay marami akong binigay sa kanya sa prosesong ito, at na nag-aalangan siyang tumanggap pa - na para bang kailangan niya namang magbalik sa akin. Pinaliwanag niya na sinanay siya sa pagiging "nandiyan" para sa mga lalaki (pagiging suporta para sa kanila, sa madaling salita), at bagamat nagrebelde siya rito bilang bata, naging bahagi na ito ng kanyang pagpapalaki.
Kaya sinakyan ko ang sitwasyon na ito, at tumigil. Sabi ko, "Sige. Ano naman ang gusto mong ibigay sa akin? Bukas ako sa pagtanggap nito." Natahimik kami, at sinabi niya na gusto niya akong bigyan ng pasasalamat para sa lahat ng ginawa ko para sa kanya.
Pagkatapos niya itong sabihin, pakiramdam niya ay ligtas na siya ulit sa akin, at sa gayon ay handa nang magpatuloy. Mahalaga na pakinggan kung ano ang eksaktong nangyayari sa kliyente sa bawat sandali, at na samahan sila sa bawat sandaling iyon habang sinasabayan ang kanilang rhythm.
Tinanong ko kung nasaan na ang takot ngayon - nasa loob niya na raw, tugon niya. Tinutusok daw ng sibat nito ang kanyang utak, at sa gayon ay sinasaktan siya.
Pumasok ako sa isang direktang relational mode kasama niya. Sinabi ko na nakakaramdam ako ng lungkot dahil nasasaktan siya - malalim na lungkot. Gusto ko siyang "iligtas" at protektahan, ngunit hindi ko alam kung paano iyon gagawin.
Nakurot nito ang kanyang puso, at naupo kami doon ng ilang sandali ng may tahimik na koneksyon. Isa itong mahalagang pagbabago - isang tao na may pakialam at maaari siyang samahan at handa siyang protektahan, ngunit hindi nagmamadaling ayusin ang mga bagay bagay.
Isa itong "I-thou moment": dalawang tao na naging buo ang koneksyon. Ako ang therapist at siya ang kliyente, ngunit sa sandaling iyon kami ay dalawang tao lamang na magkatabi, kasama ang malalim na sakit ng sitwasyon. Talagang sineryoso ko ang kanyang nararamdamang sakit - hindi lamang ito isang mapaglarong eksperimento, at hindi lamang ito pagsasapigura ng takot, kundi ilang dekada ng takot na may kinalaman sa pananakit na dinanas niya.
Bumukas ang aming mga puso habang nakaupo kami dito. Naging malalim ang epekto nito sa akin, at ganoon din sa kanya. Parehong ganito ang sinabi namin.
Tapos sabi ko - "Ang totoo niyan, may sibat din ako. Isa itong sibat na pumoprotekta." Inimbitahan ko siyang "papasukin" ako, kasama ang aking sibat, sa kanyang puso.
Madali niya itong nagawa, at naiyak siya. Pakiramdam niya raw ay ligtas at alaga siya.
Ito ang tinatawag na "self object" - ang pagpapasok sa akin ay nangangahulugan na mayroon siyang authority figure sa loob niya na para sa kanya, dahil ang kanyang karanasan sa awtoridad habang lumalaki ay suppressive, at inaasahan siya na maging nandoon para sa mga lalaki sa buhay niya.
Bagamat wala masyadong "nangyari" sa therapy, nagkaroon ito ng malaking impact. Sa huli, tinanong ko kung nasaan na ang kanyang takot pagdating sa paglipat ng propesyon. Hindi na raw siya natatakot. Kahit may posibilidad ng divorce? tanong ko. Oo, tugon niya.
Ngayon, simula lamang ito ng trabaho na nangangailangan ng patuloy na therapy, lalo hinggil sa kanyang relasyon at pagharap dito matapos ang mahabang panahon ng pananakit. Gusto kong bantayan ito dahil posible pang bumalik ang pananakit, at bilang isang propesyonal at maalagang tao, gusto kong makasiguro na hindi ako magiging bahagi, sa kahit anong paraan, ng cycle ng pananakit na iyon.

Linggo, Oktubre 5, 2014

Case #36 - Ang babaeng walang nararamdaman

Nagkuwento si Brenda tungkol sa kawalan niya ng malinaw na identidad - madali niyang nakakalimutan ang kanyang mga hangganan, at minsan ay nasosobrahan ang pagi-identify niya sa iba.
Binanggit niya rin ang kanyang pagiging mahiyain; ayaw niyang kinukunan ng litrato o nilalagay sa ilalim ng spotlight.
Tumuturo ang mga ito sa pangangailangan na maging maingat at sensitibo, at mukhang may kinalaman din ito sa mga potensyal na shame issues (may kinalaman sa exposure).
Pinaalam ko sa kanya na hindi niya kailangang piliting magkwento ng higit sa gusto niya.
Sinabi ko na nasa harap kami ng isang grupo ng mga tao, at tinanong ko kung kamusta ba siya doon. Sinagot niya na nakatingin sila sa kanya, ngunit pakiramdam niya ay hindi naman nila siya nakikita. Tinanong ko kung dahil ba ito sa kanilang limitadong kaalaman tungkol sa kanya, o dahil nagtatago siya. Pareho raw, sagot niya.
Nakatulong ito upang linawin sa akin ang relational dynamic. Kaya binalik ko ito sa kanya - nakatingin nga ako sa kanya, ngunit pinagtataguan niya naman ako. Sinabi niya na oo, ginagawa niya talaga ito sa lahat ng tao.
Nagpalutang ito ng isang relational impasse - may bahagi sa kanya na naghahangad na makita ng iba, ngunit may bahagi rin na hindi ito pinapayagan. Isa itong babala na kailangan kong maging maingat, dahil kung hindi ay mafu-frustrate lang ako at makukulong sa ganitong dynamic.
Kaya imbis na mag-usisa, sinabi ko ulit sa kanya ang mga bagay tungkol sa kanyang sarili na ibinunyag niya na sa akin - mga personal na impormasyon na kanyang ibinahagi. Sinabi ko rin kung ano ang nakita ko - halimbawa, ang mga kulay ng damit na suot niya.
Bumuo ito ng ground sa pagitan namin nang walang nangyayaring pang-uusisa, na siyang nagpapakita ng aking maiging pakikinig sa kung ano man ang ibinabahagi at ginagawa niyang available. Sa mga kaso kung saan may kinalaman ang hiya, mas maganda ang pagbabahagi tungkol sa sarili kaysa pag-uusisa tungkol sa taong iyong kausap.
Ngunit hindi parin nakapokus ang kanyang mga mata, at inamin niya na parang nawawala na siya. Ibig sabihin nito ay sumosobra na ang contact. Kaya tinanong ko - kung nawawala siya, saan naman siya papunta? Sa isang lugar na naglalaman ng iba't ibang mundo - mga nakaraang buhay, sagot niya.
Nakita ko ito bilang dissociation, at mukhang isyu ng kaligtasan ang pinakalutang dito.
Minungkahi ko na maaari naman siyang mawala na tila nanaginip, at na maaari ko rin itong gawin, at na maaari kong imbitahan ang lahat sa grupo na mawala na tila nananaginip, at maaari kaming umupo na lamang ng magkakasama habang nananaginip.
Tinaas ng mungkahing ito ang kanyang momentum, at inudyukan nito ang kanyang paggalaw patungo sa direksyong iyon. Ang tawag nito sa Gestalt ay paradoxical theory of change - ang pagiging konektado sa kasalukuyan (sa what is), at pagsandal dito.
"Wala akong maramdaman," sabi niya.
Sa madaling salita, siya ay tuluyan nang dissociated. Sa lugar na ito, tanging mga espesyal na uri ng contact lamang ang maaaring gamitin.
Tinanong ko kung anong klase ng suporta ang kailangan niya upang mas maramdaman niya na ligtas siya. Sabi niya - ayokong makita ng iba.
Kaya sinabi ko na hindi ako titingin sa kanya, at habang ginagawa ito ay binahagi ko ang aking lungkot - na dahil hindi ko na siya titingan, dahil hindi ko na siya susubukang tingnan, magiging tuluyan na ang kanyang pagtatago. Sinabi ko na mainit ang pakiramdam ko sa kanya, ngunit wala akong mahanap na paraan upang abutin siya.
Tiningnan ako ni Brenda, sabay sabing: "Ayokong tumatanggap ng suporta."
Ito ang pagbubunyag na nagbigay sakin ng ideya kung paano magpatuloy.
Nagmungkahi ako ng isang eksperimento. Itataas niya ang kanyang dalawang kamay - ang isang kamay ay manunulak palayo, habang ang isang kamay naman ay nakabukas upang tumanggap ng suporta.
Ginawa namin ito, at nakayanan niya namang tanggapin ang aking suporta - dahan dahan kong nilapit ang aking kamay sa kanyang nakabukas na palad at hinawakan ito.
Sinabi niya na tila may "pwersa" na pumipigil sa kanyang makaramdam. May pinakiusapan akong tumayo sa harap namin upang tumayo bilang pwersang iyon. Hindi niya kayang (o ayaw niyang) tukuyin kung sino ang pwersang iyon, at ayos lang naman ito.
Naudyukan ko siyang magbigay ng pahayag sa pwersang ito. Sabi niya, "Makikinig lamang ako sayo kung makakatulong ito sa akin; kung hindi, pahihintulutan ko ang aking sariling makaramdam ng suporta."
Isa itong pahayag ng differentiation at integration.
Kaya niyang pahintulutan ang kanyang sariling makaramdam, tumanggap ng suporta, pumasok sa relasyon, makita ng iba, at magkaroon ng sense ng choicefulness.
Naging mabagal ang prosesong ito; kinailangan kong tuloy tuloy na galangin ang kanyang mga hangganan, at huwag masyadong mag-usisa ng mga detalye, pati ng kanyang mga nararamdaman...ngunit hindi rin dapat ako sumuko. Kadalasan ay nagre-react ang mga tao sa mga gumagawa ng mga hangganan na may kinalaman sa privacy - maaaring lumayo sila, o makipagtagpo sa taong ito ng hindi nakakabuo ng koneksyon, o lunurin ito sa sobrang interes o kabaitan. Ang kailangan ay isang presensyang neutral, na may tamang bilang ng init at tamang bilang ng interes - ang tawag dito ay attunement, at isa itong mahalagang relational skill.

© Lifeworks 2012

Contact: admin@learngestalt.com

Who is this blog for?

These case examples are for therapists, students and those working in the helping professions. The purpose is to show how the Gestalt approach works in practice, linking theory with clinical challenges.

Because this is aimed at a professional audience, the blog is available by subscription. Please enter your email address to receive free blog updates every time a new entry is added.

Gestalt therapy sessions

For personal therapy with me: www.qualityonlinetherapy.com

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

© Lifeworks 2012

Contact: admin@learngestalt.com

Wikang:

HOME

Informed Consent & Rates

PROFESSIONAL TRAINING

Gestalt Therapy Defined

PROFESSIONAL SERVICES

PAYMENTS

OTHER STUFF

Links

Book:Advice for Men about Women

BLOGS

• English

Bahasa

Čeština

Deutsch

Español

Français

Greek ελληνικά

Hindi हिंदी

Magyar

Melayu

Italiano

Korean한국의

Polski

Português

Română

Russian Русский

Serbian српски

Chinese 中文

Japanese 日本語

Arabic العربية

English Bahasa Čeština Deutsch Español Filipino Français ελληνικά हिंदी Magyar Melayu Italiano 한국의 Polski Português Română Русский српски 中文 日本語 العربية

If you are interested in following my travels/adventures in the course of my teaching work around the world, feel free to follow my Facebook Page!

Can you translate into Filipino? I am looking for volunteers who would like to continue to make this translation available. Please contact me if you would like to contribute.

Interested in Gestalt Therapy training?

Contact us!

vinaysmile

I publish this blog twice a week. It is translated into multiple languages. You are welcome to subscribe

logosm1

Links

Career Decision Coaching

Here

and here

Lifeworks

Gestalt training and much more

http://www.depth.net.au

For Men

Here is a dedicated site for my book Understanding the Woman in Your Life

http://www.manlovesawoman.com

The Unvirtues

A site dedicated to this novel approach to the dynamics of self interest in relationship

http://www.unvirtues.com

Learn Gestalt

A site with Gestalt training professional development videos, available for CE points

http://www.learngestalt.com

We help people live more authentically

Want more? See the Archives column here

Gestalt therapy demonstration sessions

Touching pain and anger: https://youtu.be/3r-lsBhfzqY (40m)

Permission to feel: https://youtu.be/2rSNpLBAqj0 (54m)

Marriage after 50: https://youtu.be/JRb1mhmtIVQ (1h 17m)

Serafina - Angel wings: https://youtu.be/iY_FeviFRGQ (45m)

Barb Wire Tattoo: https://youtu.be/WlA9Xfgv6NM (37m)

A natural empath; vibrating with joy: https://youtu.be/tZCHRUrjJ7Y (39m)

Dealing with a metal spider: https://youtu.be/3Z9905IhYBA (51m)

Interactive group: https://youtu.be/G0DVb81X2tY (1h 57m)