Lunes, Oktubre 20, 2014
Case #38 - Ang babaeng pumalpak
Ang isyu ni Jemma ay kapalpakan. Pumapalpak daw siya sa lahat - nagkaroon siya ng limang aksidente habang nagtatrabaho para sa isang kumpanya, nagkaroon siya ng mga pagkakamali sa pagco-compute sa isa pang kumpanya, atbp., at pakiramdam niya ay isa siyang palpak na tao.
Nang banggitin niya ang isyung ito, naging alerto na ako. Naging sunud-sunod at tuluy-tuloy na ang kanyang mga kwento. Umiiyak siya at minsan ay nalalaglag, at nakikita ko na ang sarili kong katrabaho siya ng maraming oras ngunit wala paring nararating. Binanggit niya rin ang mga problema niya sa kanyang mga magulang matapos niyang umalis sa kanilang bahay; galit na galit siya sa kanila, at duda siya sa kanyang ama at sa mga intensyon nito. Malinaw na desperado siyang magpatulong, at hindi maganda ang pakiramdam ko sa pagiging desperado niya. Napansin ko na nagrereact na pala ako; parang gusto kong umatras.
Kaya alam ko na kailangan ko nang puntahan kaagad ang puno't dulo nito, at isama ang aking sarili sa proseso. Sabi ko - Pagtuunan natin ng pansin ang kapalpakan. Sa katunayan ay nangyayari na ito ngayon - pumapalpak ka na sa pag-uusap natin, at nagkakaroon ng impact sa akin ang estilo mo. Tumango siya - naramdaman niya na nagkaroon ako ng ganoong reaksyon at siyempre, pamilyar sa kanya ang ganitong karanasan.
Ang unang hakbang para sa isang taong nakakulong sa self-destuctive na paraan ng pamumuhay ay ang paglalagay nito ng buo sa kasalukuyan, imbis na makinig lamang sa mga kwento "tungkol" dito. At ang pinakamagandang paraan upang gawin iyon ay pansinin kung paano ito nagaganap sa relasyon.
Inimbitahan ko siya sa isang maliit na laro. Gusto kong hulaan niya kung paano ako nagre-react sa kanyang pagpalpak ngayon - matapos niyang magbigay ng hula, sasabihin ko kung tama ba ito o mali.
Hula niya raw ay ginagawa ko ang makakaya ko upang pagpasensiyahan siya. Mali, sabi ko. Baka raw nakakaramdam ako ng awa para sa kanya. Mali, sabi ko.
Sabi ko - naiirita ako sayo.
Sunod ay pinahula ko sa kanya kung ano ang pakiramdam noon para sa akin. Hula niya raw ay pinipigilan ko ang mga pakiramdam na iyon. Sabi ko, medyo totoo lang iyan. Baka raw nararamdaman ko ito sa aking tiyan at dibdib.
Sunod ay sinabi ko na sa totoo lang ay nagagalit na ako sa kanya, at na nararamdaman ko iyon sa aking dibdib bilang isang uri ng internal pressure.
Pinagawa ko sa kanya ang eksperimentong ito dahil gusto ko siyang ilabas sa kanyang nakasanayan na self pity at failure formula. Gusto kong makita niya na isa itong co-created na karanasan, at na hindi lang talaga siya ang nagdurusa. Hindi rin ito nakakatuwa para sa akin. Pinakiusapan ko siyang gawin din ito, dahil malinaw na paranoid siya (lalo pagdating sa kanyang ama), at mas mabuti nang manghula siya ng harapan at magkaroon ng pagkakataong malaman ang talagang nararamdaman ng isang tao, imbis na maiwang mag-isa sa kanyang mga hula.
Sunod ay nakipagpalit ako sa kanya ng upuan. Ako ang magiging siya, at siya naman ang magiging ako. Kaya, ako ay malungkot, diskumpiyado, at pakiramdam ay palpak ako, at siya naman ang galit.
Sinabi niya na "para akong mga magulang ko - nanenermon, naninigaw, nambabatikos, nang-iinsulto, nampe-pressure na maging magaling."
Nakatulong ito dahil muli, hinila siya nito palabas ng kanyang kinabibilangang dulo sa polarity, at sa gayon ay binigyan siya ng mas malawak ng karanasan ng mga nangyayari.
Sunod ay nilarawan ko ito sa kanya bilang proseso ng recruitment - para niya akong kinuha upang magalit sa kanya, at naging sobrang matagumpay siya dito na sa loob lamang ng isang minuto ng pakikinig ko sa kanya ay talagang nagalit na nga ako.
Pinaliwanag ko na isa itong two-person game. Sabi niya - noong ginagampanan niya ang galit na karakter, naalala niya ang pressure na galing sa kanyang lolo at lola.
Ganito gumana ang kanyang field.
Binigyan ko siya ng isa pang metapora - isang script, at mga aktor at aktres na handa itong isadula. Siya ang gumagawa ng script para sa bawat aspeto ng kanyang buhay. Sumang-ayon siya. Nilagay nito sa konteksto ang nangyayari sa field, imbis na ilarawan lamang ito sa indibidwal na konteksto (ang kanyang problema), at tumuturo sa pagiging compulsive at paulit-ulit ng kanyang karanasan sa transactional na prosesong ito.
Sunod ay inimbitahan ko siyang pumili ng kahit anong sikat na dula na alam niya, na may mga karakter na bagay sa kanyang personal na field. Naglarawan siya ng isang partikular na drama na ganito nga.
Sunod ay humingi ako ng halimbawa ng isa pang kwento, pelikula o teatro, na may ibang script. Dito ay nilalawakan ko ang aking paghahanap ng iba pang resources sa field, at iba pang paraan ng pamumuhay. Pinili niya ang Harry Potter, at nang tanungin ko kung sinong karakter ang gusto niyang maging, ang sinagot niya ay si Harry.
Kaya sinabihan ko siyang tingnan ako na para bang siya si Harry Potter. Ito ay dahil hinanda niya ang kanyang script bilang biktima gamit ang kanyang mga mata - may partikular siyang paraan ng pagtingin sa akin.
Sinubukan niya ang eksperimentong ito, at habang inuusisa namin ang karakter ni Harry Potter sa mga pelikula - na hindi siya kayang patayin, atbp. - nagsimula siyang magkaroon ng mas matibay na pagkakakilala sa kanyang sarili habang nasa karakter ni Harry Potter.
Nakaramdam siya ng pagbabago sa kanyang identidad, at ako naman ay nagkaroon ng bagong karanasan sa kanya.
Upang maging matagumpay ang sesyong ito, kinailangan kong maging present kasama niya, at maging totoo hanggang sa huli. Tinrabaho ko ang relasyon gamit ang iba't ibang eksperimento, at ang huling eksperimento ang naging "ground shifter"...ngunit kinailangan muna naming pagdaanan ang lahat ng nangyari bago nito upang maging posible ang shift.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento