lifeworksgestaltl1

Miyerkules, Marso 18, 2015

Case #56 - Nangangailangan ng atensyon ang batang babae

Inamin ni Wendy ang kagustuhan niyang magkaroon ng kabiyak. Diborsyado na siya, at mayroon siyang negosyo. Kinwento niya ang kanyang kakulangan ng pasensya sa kanyang mga empleyado, ang ganyang pagiging businesslike, at ang hindi niya pagpapakita ng kahinaan. Kinumpara niya ito sa pasensya na nakikita niya sa akin.
Tinalakay namin ang mga isyu ng kapangyarihan - ang kakayahang maging businesslike at direkta, ang sarap ng paghawak ng kontrol, at ang pagiging boss.
Tila nahihiya siya habang nagsasalita ako, at pinaglalaruan niya ang kanyang mga kamay...mukha siyang maliit na bata. Tinanong ko kung gaano kabata ang pakiramdam niya - 10 anyos daw, at tinanong ko kung ano ang nangyari sa kanya noong edad na iyon.
Nagtanong ako tungkol sa pasensya ng pamilya niya. Sinampal daw siya dati ng kanyang ama noong 10 siya dahil bumababa na ang mga grado niya sa eskwelahan. Sa katunayan, palagi nitong binubugbog ang kanyang nakababatang kapatid. Ngunit sa publiko, isa itong pasensyosong tao, na palaging may oras para sa mga tao.
Sinabi ko na baka kabahan siya sa pasensya na nakikita niya sa akin bilang therapist kasi ang tanong ay: sasabog din kaya ako gaya ng kanyang ama?
Sumang-ayon siya. Isyu raw niya ang kawalan niya ng tiwala sa mga lalaki. Pati ang kanyang unang asawa ay walang pasensya sa kanya; interesado lamang ito sa kung ano ang maaari niyang gawin para dito. Sinabi niya na gusto niya lang talagang makahanap ng bagong kabiyak.
Binunyag niya na kaya bumaba ang mga grado niya noon ay dahil nasa boarding school siya, at nabule siya ng sobra. Walang kaalam alam ang mga magulang niya, at wala rin silang interes dito. Pakiramdam niya ay nag-iisa siya.
Tinabihan ko lamang siya, at habang kausap ko siya ay nararamdaman ko ang kanyang pagiging sensitibo, ang kanyang pagiging vulnerable, at ang kanyang pangangailangang makita bilang kung sino talaga siya, imbis na maging simpleng bahagi lamang ng agenda ng isang tao. Kailangan niya ng isang taong interesado sa kanyang mga pinagdadaanan, at hindi lamang sa kanyang mga grado.
Nagsimula siyang umiyak, at lalo siyang lumambot. Dineklara ko ang aking interes sa kanya, at ang hindi ko paghahangad na maging iba siya sa kanyang tunay na sarili. Tila gutom siya para sa ganitong uri ng sitwasyon. Umupo lang kami ng ganoon ng ilang sandali habang inuudyukan ko siyang namnamin ang karanasang ito.
Sinabi ko na kailangan muna niya ng alaga, atensyon, at natural na pagmature, bago siya magkaroon ng matibay na pundasyon para sa isang relasyon.
Sa Gestalt, hindi lang ang pinresentang isyu ng kliyente ang ating pinagtutuunan ng pansin - mahalaga ring isama ang mga napapansin ng therapist, lalo ang mga bagay na hindi namamalayan ng kliyente. Dadalhin  natin ang mga ito sa kasalukuyang awareness, at uusisain ang mga nilalaman nito - kadalasan ay tungkol ito sa pamilya, ngunit hindi palagi. At dadalhin naman sa kasalukuyan ang impormasyong ito tungkol sa field, pati narin sa therapeutic na relasyon.
Nagbibigay ito ng malinaw na therapeutic agenda, at sa prosesong ito ay maaari nating ipagpatuloy ang trabaho sa tema na una iyang nilatag - ang kagustuhang magkaroon ng panibagong kabiyak.

Martes, Marso 10, 2015

Case #55 - Ang creative void

Sinabi ni Betina na natatakot siyang mamatay ang kanyang asawa - madalas kasi ang maagang pagkamatay sa pamilya nito. Sinabi rin dati ng isang manghuhula na posible rin itong mamatay ng maaga, at mula noon ay palagi na itong nagpupuyat tuwing gabi.
Habang nag-uusap kami, naging malinaw na ang isyu dito ay ang pagpapabaya nito sa kanya - disoras ng gabi na ito umuuwi, dahil nakakipag-inuman at nagsusugal pa ito kasama ang kanyang mga kaibigan. Maingay ito tuwing umuuwi na tila walang konsiderasyon sa mga tulog na, at nagigising palagi si Betina dahil dito. Kakaunting oras lang ang binibigay nito sa kanyang pamilya, at nakawaldas na ito ng pera na para sana sa kanyang pamilya sa pagsusugal.
Ilang dekada nang ganito ang sitwasyon ng kanilang pagsasama. Sa mga pamilya kung saan may abuso na nangyayari, mayroong co-created na aspeto ang dynamic, at madalas itong may kinalaman sa konteksto sa Field.
Sa puntong ito ay galit na siya, ngunit halos hindi parin sila nag-uusap.
Sinabi ko na, bagamat makakaramdam siya ng sakit kapag namatay ang kanyang asawa, malamang ay makakaramdam din siya ng ginhawa. Sumang-ayon siya. Sa Gestalt, interesado tayo sa magkabilang dulo ng isang polarity.
Tinanong ko kung ano ang nais niyang makuha mula sa akin - sabi niya, direksyon daw hinggil sa kung ano ang kanyang gagawin.
Binunyag niya na ganoon din pala ang kanyang ama - ginagabi sa labas, at palasugal. Ito ang indikasyon ng field.
Malinaw sa akin na isa itong seryoso, malalim, at nakakababang sitwasyon.
Nagsumbong ang kanyang asawa sa kapatid nito, na pinagsabihan naman si Betina.
Habang kinukwento niya ito, kinukurot niya ang kanyang sarili. Kaya inanyayahan ko siyang kurutin din ang kapatid ng kanyang asawa. Naglagay ako ng unan sa harap niya. Nag-alangan siya, at mas kinurot niya pa ang kanyang sarili. Naging mapilit ako sa pagpapagamit sa kanya ng unan - sinabi ko na "unan lang naman ito" at na walang masamang mangyayari. Mahirap ito para sa kanya, ngunit ginawa niya nga ito - binaon niya ang kanyang mga daliri sa unan. Ito ang tinatawag nating "retroflection" sa Gestalt - ang paggawa sa sarili ng isang bagay na nais mong gawin sa iba.
Inanyahan ko siyang ipagpatuloy ang kwento. Binunyag niya na nakikialam din pala pati ang iba pang mga kapatid ng kanyang asawa, at pinapagalitan din siya ng mga ito.
Kaya itinigil ko ang proseso. Nagbunyag ito ng malalim na pakiramdam ng kahinaan, kakulangan ng suporta, at isang intergenerational pattern na may mga pagkakapareho sa isang abusive na relasyon. Hindi ito masosolusyonan ng simpleng pagsasabi ng "Basta huwag mo nalang ito gawin". Tila malaking halaga ng suporta ang kinakailangan upang makaalis sa isyu na ganito kalaki, at hindi ito posibleng gawin sa iisang sesyon lamang - mahalaga na kilalanin natin ang ating mga limitasyon bilang therapist, upang hindi magtangkang gumawa ng mga bagay na magpapaasa lamang sa kliyente.
Kaya pinataas ko ang kanyang awareness. Tinanong ko kung tingin niya ba ay makasarili ang lahat ng lalaki. Hindi raw. Sinabi ko na tingin ko ay medyo makasarili ang mga lalaki. Sabi niya - "Hinahayaan kong magkaganon eh." Sa paraang ito, umako siya ng pananagutan sa pagiging makasarili na ito, nang hindi ko siya "kinukumpronta".
Tiningnan ko siya, at sinabi ko na nakikita ko na hindi siya masaya. Isa itong sandali ng pagtatagpo. Hindi ko gustong subukan na iligtas siya mula sa sitwasyon na iyon o subukang ayusin ang kahit ano - kahit gaano ko pa kagustong magkaroon siya ng panibagong buhay.
Sinamahan ko lang siya sa sandaling iyon. Sinabi ko kung ano ang nakikita ko - isang sitwasyon na kagaya ng sitwasyon ng kanyang ina. Isang sitwasyon na ilang dekada nang nagpapatuloy. Isang sitwasyon na tila palala lang ng palala. At isang sitwasyon kung saan hindi siya makaalis, kahit may kaalaman siyang sikolohikal.
Isang paraan upang hindi pagmukhaing mababaw ang sitwasyon ay ang pagpapatingkad ng pagiging depressing nito. Hindi ako nagkomento o nanghusga o nagmungkahi; kinilala ko lamang ang sitwasyon. Sa paraang ito, makikita at matatabihan ko siya habang tinitingnan ang realidad ng sitwasyon.
Ang tawag namin dito sa Gestalt ay "sitting with the creative void". Hindi ito mukhang malikhain, ngunit kung tatabihan lang natin ang kawalan nang hindi nalalaglag papunta dito o tinatakbuhan itong palayo, maaaring lumitaw ang iba pang mga bagay.
Sabi niya, "Tumigil na tayo sa pag-uusap, at medyo nakaginhawa ito para sa akin." Naintindihan ko ito - at sinabi ko na sa totoo lang, patay na talaga ang kanilang pagsasama. Ano nang gagawin ngayon?
Tinanong ko kung ilang porsiyento sa tingin niya ang pag-asa na magkakaroon pa ng pagbabago. Mababang porsiyento ang inasahan kong marinig. Kung ang isasagot niya ay zero, sisimulan ko sanang pagtuunan ng pansin ang kanyang pag-alis mula sa sitwasyong iyon.
Ngunit ginulat niya ako nang 15% ang isagot niya. Ibig sabihin, tingin niya ay may pag-asa pang magbago ang sitwasyon.
Tinanong ko kung ano ang magagawa niya tungkol dito - papunta na ito sa posibleng aksyon.
Sinabi niya na maaari raw siyang maghanap ng iba pang mga paraan upang maging mas masaya. Maganda ito - pagsisimula sa isang subhektibong solusyon.
Nang humingi ako ng iba pa, sinabi niya na mas pagtutuunan niya nalang ng atensyon ang mga bata, ngunit pinaalala ko na iyon na nga ang ginagawa niya ngayon.
Tumukoy siya ng iba pang mga paraan upang mas pasayahin ang kanyang sarili. Ngunit may iba pa akong hinihintay mula sa kanya - mga obhektibong aksyon na maaari niyang gawin upang baguhin ang relasyon.
Palagi raw nagrereklamo ang kanyang asawa na hindi niya na ito pinagluluto ng almusal. Kaya malinaw na naghahangad parin ito ng pag-aalaga, at na nami-miss niya na ito.
Tinanong ko kung anong kapalit ang maaari niyang hingin, kung ipagluluto niya nga ito ng almusal. Sabi niya, oras para sa pamilya. Tila maganda ngang magsimula dito - hindi masyadong intimate, ngunit hudyat parin ng pagbabago. Pinalinaw ko sa kanya kung gaano karaming oras ang gusto niya, at kung gaano kadalas. Minungkahi ko rin na kung gaano karaming oras ang gusto niya, ganoong karaming oras din ang igugol niya sa paggawa ng almusal para dito.
Nilinaw ko sa kanya na kung nais niya talagang panibaguhin ang relasyon, aabutin ito ng maraming taon, at mangangailangan siya ng maraming maraming suporta sa buong proseso.
Sa Gestalt, kuntento na tayo sa paunti-unting integration.
Sa kasong ito ay may lumitaw mula sa kawalan, at lahat ito ay kagagawan niya, imbis na manggaling sa paghingi niya ng direksyon. Ang aking "direksyon" ay ang pagtuon ng atensyon niya una sa kasalukuyan, at ang pag-ground sa kanya sa lumitaw na figure na kaya niya pang pagtuunan ng enerhiya.

Huwebes, Marso 5, 2015

Case #54 - Paglalapit ng demonyo at Diyos sa isa't isa

Doktor si Angelica, ngunit nagpalit siya ng propesyon ngayun-ngayon lang. Mayroon siyang anak, at gusto niya sana ng isa pa, ngunit takot siyang magkaroon ng isa pang anak. Habang nabubuo ang contact sa pagitan namin, sinabi niya nag-aalala raw siya sa tingin ko sa kanya. Sinabi ko sa kanya ang aking awtentikong obserbasyon, upang bumuo ng relational ground. Isa sa mga pinansin ko ay ang magandang bracelet na suot niya, na galing daw sa kanyang asawa.
Dati siyang gynaecologist, at kasama sa kanyang trabaho ang paglalaglag ng mga bata. Noong panahong iyon, wala siyang nararamdaman tuwing ginagawa niya ito; trabaho lang naman kasi ito. Wala rin siyang nararamdamang tuwa tuwing nagpapaanak siya; pati iyon ay bahagi lang ng kanyang trabaho.
Ilang taon ang makalipas, nagsimula siyang magtherapy, at naging mas in touch siya sa kanyang mga nararamdaman. Kasama dito ang sakit ng pagpapalaglag. Wala itong kinalaman sa kanyang ideolohiya o paniniwala - ito ay simpleng emosyonal na impact ng mahigit isang dekada ng paglalaglag ng mga bata.
Ngayun ngayon lang ay nakunan siya, at nakita niya ito bilang isang uri ng parusa. Sumakit daw ang ulo niya, at namanhid ang kanyang buong katawan. Napaka-intense daw para sa kanya ng usapang ito, at umiyak siya. Minungkahi kong tumigil muna kami. Kapag masyado nang maraming emosyon na kailangang i-integrate, nagcu-cut off ang mga tao. Kaya hindi maganda na tuloy tuloy lang ang therapy. Noong tumigil kami saglit, pinahintulutan kami nitong umatras at nakagawa ako ng relational contact. Sinabi ko sa kanya kung ano ang tingin ko sa kanya - nakakaramdam ako ng matinding awa para sa kanya, at wala akong negatibong panghuhusga. Kumalma siya ng kaunti.
Tinanong ko kung ano ang nararamdaman niya sa kanyang matres. Sabi niya - kulay itim ito. Muli, tila sumosobra nanaman ang intensity para sa kanya. Umaatras na siya papasok sa kanyang sarili. Sinabihan ko siyang tingnan ako sa mata - kung hindi niya ito gagawin, mananatili siyang sarado. Sinabi ko na habang tinitingnan ko ang kanyang bracelet, tila nagiiba-iba ang kulay nito - mayroon itong mga itim na beads, ngunit mayroon ding crystals, at may magandang kulay pink na bead. Sinabi ko na halos kapareho ng pink ang kulay ng kanyang matres - bilang doktor, alam niya na totoo ito. Sa paggawa nito, ni-ground ko siya sa isang bagay na mas matibay kaysa projection niya (ang pagiging "itim" ng kanyang matres), at dinala siya nito sa pakiramdam ng buhay; ng dugo.
Habang nag-uusap kami, tinitikom niya ang kanyang mga kamao. Binanggit ko ito - tinataas natin ang awareness sa mga mahahalagang punto ng energy expression, dahil makakatulong ang awareness upang mas ilabas ang enerhiya.
Nakakaramdam daw siya ng galit. Ilang beses itong nangyari habang nag-uusap kami. Ang tawag namin dito sa Gestalt ay "emerging figure" - isang bagay na parallel sa pinresentang isyu. Maaari itong pagtuunan ng pokus, o pagmukhaing higit sa kung ano talaga ito.
Pakiramdam niya raw ay nasa madalim na lugar siya, at gusto niyang tumakas.
Ang galit niya ay isang indikasyon ng enerhiya na kailagan niya upang lumikha ng pagbabago. Ngunit hindi pagsuntok ng mga unan ang kailangan ng isang kliyente.
Tinanong ko kung kanino siya galit - sa sarili niya raw, sabi niya.
Tinanong ko kung ano ang nais niyang sabihin sa kanyang sarili. Sabi niya na pakiramdam niya raw ay siya ang demonyo; pagkatapos ay sinabi niya sa sarili niya na masama siyang tao, at na hindi siya karapat dapat na magkaroon pa ng mga anak.
Muli, minungkahi kong tumigil muna kami - masyado nang masakit ang mga bagay na ito.
Tinanong ko kung mayroon siyang mga spiritwal na paniniwala. Wala raw.
Sinabi ko na kung naniniwala siya sa demonyo, edi mayroon din dapat na Diyos. Tila naghahanap siya ng pagliligtas mula sa mala-impyernong lugar na ito. Tinuturo ko sa kanya ang magkabilang dulo ng polarity - bahagi ito ng oryentasyon ng Gestalt sa kabuuan, o holism.
Sumang-ayon siya. Kaya pinapili ko siya ng dalawang bagay na tatayong simbolo para sa demonyo at sa Diyos.
Hinawakan niya ang "demonyo", ngunit nilagay niya ito sa tabi ng "Diyos". Sinabi niya na tulog ang Diyos, at gusto niya itong gisingin. Pinapalo niya ang sahig upang "gisingin" ito, ngunit nahuhulog lamang ito. Gusto niyang tumayo ito ng mag-isa. Kaya pumasok ako bilang "God-force" at tinayo ito.
Inanyahan ko siyang maging bukas sa God figure. Bigla ay nakaramdam siya ng pagod. Kaya minungkahi ko na matulog siya ng kaunti. Habang nakasandal siya sa akin, sinabi ko na paggising niya, mararamdaman niya na ang life-force na gumagalaw sa kanyang matres.
Nagpahinga siya ng ilang minuto, at pagkatapos ay binuksan niya na ang kanyang mga mata. Nakatanggap nga siya ng pagpapala - ng buhay - mula sa "Diyos". Nakaramdam siya ng init sa kanyang katawan, at maganda ang pakiramdam niya sa kanyang matres. Nilagay niya ang "demonyo" sa likod ng "Diyos"...isang perpektong simbolo ng integration. Kinilala niya na ang lakas sa loob ng "demonyong" iyon ay maaari niya ring gamitin.
Sa Gestalt, nais nating i-embody ang mga abstract na bagay at sa kasong ito, ang abstract na bagay na iyon ay ang polarity. Nangailangan siya ng tamang uri ng suporta upang maabot ang tunay na layunin - integration.

© Lifeworks 2012

Contact: admin@learngestalt.com

Who is this blog for?

These case examples are for therapists, students and those working in the helping professions. The purpose is to show how the Gestalt approach works in practice, linking theory with clinical challenges.

Because this is aimed at a professional audience, the blog is available by subscription. Please enter your email address to receive free blog updates every time a new entry is added.

Gestalt therapy sessions

For personal therapy with me: www.qualityonlinetherapy.com

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

© Lifeworks 2012

Contact: admin@learngestalt.com

Wikang:

HOME

Informed Consent & Rates

PROFESSIONAL TRAINING

Gestalt Therapy Defined

PROFESSIONAL SERVICES

PAYMENTS

OTHER STUFF

Links

Book:Advice for Men about Women

BLOGS

• English

Bahasa

Čeština

Deutsch

Español

Français

Greek ελληνικά

Hindi हिंदी

Magyar

Melayu

Italiano

Korean한국의

Polski

Português

Română

Russian Русский

Serbian српски

Chinese 中文

Japanese 日本語

Arabic العربية

English Bahasa Čeština Deutsch Español Filipino Français ελληνικά हिंदी Magyar Melayu Italiano 한국의 Polski Português Română Русский српски 中文 日本語 العربية

If you are interested in following my travels/adventures in the course of my teaching work around the world, feel free to follow my Facebook Page!

Can you translate into Filipino? I am looking for volunteers who would like to continue to make this translation available. Please contact me if you would like to contribute.

Interested in Gestalt Therapy training?

Contact us!

vinaysmile

This Gestalt therapy blog is translated into multiple languages. You are welcome to subscribe

logosm1

Links

Career Decision Coaching

Here

and here

Lifeworks

Gestalt training and much more

http://www.depth.net.au

For Men

Here is a dedicated site for my book Understanding the Woman in Your Life

http://www.manlovesawoman.com

The Unvirtues

A site dedicated to this novel approach to the dynamics of self interest in relationship

http://www.unvirtues.com

Learn Gestalt

A site with Gestalt training professional development videos, available for CE points

http://www.learngestalt.com

We help people live more authentically

Want more? See the Archives column here

Gestalt therapy demonstration sessions

Touching pain and anger: https://youtu.be/3r-lsBhfzqY (40m)

Permission to feel: https://youtu.be/2rSNpLBAqj0 (54m)

Marriage after 50: https://youtu.be/JRb1mhmtIVQ (1h 17m)

Serafina - Angel wings: https://youtu.be/iY_FeviFRGQ (45m)

Barb Wire Tattoo: https://youtu.be/WlA9Xfgv6NM (37m)

A natural empath; vibrating with joy: https://youtu.be/tZCHRUrjJ7Y (39m)

Dealing with a metal spider: https://youtu.be/3Z9905IhYBA (51m)

Interactive group: https://youtu.be/G0DVb81X2tY (1h 57m)