lifeworksgestaltl1

Miyerkules, Disyembre 24, 2014

Case #47 - Ang katapusan ng isang relasyon ay isang bagong simula

Matagal nang may problema ang relasyon ng magkasintahang ito.
Ang pinakaunang sinabi ni Rhonda sa sesyon ay - "Nagdiborsyo ang aking mga magulang, at pinangako ko sa sarili ko na kahit kailan ay hindi ko ito hahayaang mangyari sa aking magiging pamilya." Talagang nababagabag siya. Inakbayan siya ni Brian, ngunit nilayuan niya ito.
Sinabihan ko si Brian na lumipat sa bandang harap ni Rhonda upang makita nila ng maayos ang isa't isa.
Ang pangalawang bagay na sinabi niya ay, "Ayoko na. Hindi ko na kaya. Tapos na ang relasyong ito para sa akin."
Nagulat si Brian. Maraming beses niya na raw itong narinig dati, at ginawa niya ang lahat ng makakaya niya nitong mga nakaraang buwan upang magbago at pagandahin ang sitwasyon. Sinimulan niyang ipaliwanag ito...ngunit pinigilan ko siya. Sa perspektibong Gestalt kasi, tinitingnan bilang pag-iwas sa kasalukuyan ang pagpapaliwanag.
Inudyukan ko siyang sabihin na lamang kay Rhonda ang kanyang nararamdaman. Pagkatapos humingi ng maraming suporta, sinabi niya na para siyang natataranta, at pakiramdam niya ay inabanduna siya. Nagsimula siyang umiyak.
Naupo lamang si Rhonda ng walang sinasabi. Nang sabihan ko siyang sagutin ito, sinabi niya lang na tila blangko na siya - sobra na ito para sa kanya, at lumabas na siya sa kanyang awareness. Sa Gestalt, hindi natin pinipilit ang isang tao kapag dumating na sila sa ganitong punto.
Kaya si Brian na lamang ang kinausap ko - pinaliwanag ko na hindi na available si Rhonda, kaya wala nang silbi kung magpupumilit pa siya. Dinamayan ko siya sa kanyang mga nararamdaman, at tinulungan siyang samahan ang kanyang sarili sa pagkakataong ito. Kinilala ko ang kanyang nararamdaman; kung gaano kasakit para sa kanya ang sitwasyong ito, at kung gaano kahirap tanggapin na "binaba na [ni Rhonda] ang bintana" at sa gayon ay hindi na available para sa kanya sa oras ng lungkot at pangangailangan.
Pagkatapos ay tumingin si Ronda sa kanya ng may luha sa kanyang mga mata. Sabi niya - nangyari ito sa iyong nanay, pati sa dati mong asawa, at kahit kailan ay hindi ko ginustong gawin ito sayo.
Bumigay si Brian, at tila umurong papasok sa sarili niya habang umiiyak. Inudyukan ko siyang manatili sa kasalukuyan, upang makita na ngayon ay may luha na si Rhonda at sa gayon ay available na, at upang kilalanin ang koneksyon nila sa sandaling iyon. Naging mahirap ito para sa kanya.
Sinabi niya na nagui-guilty siya, dahil pakiramdam niya ay pumalpak siya, at binanggit niya ang kanyang kagustuhang gawin muli ang lahat ng kanyang makakaya. Ngunit pinigilan ko siya, dahil wala nang sapat na emosyonal na espasyo si Rhonda upang pag-usapan ang hinaharap.
Sunod ay tinanong ko si Rhonda kung kaya niyang tanggapin ang sinabi ni Brian. Tila blangko parin siya - kaya minungkahi ko na sabihin niya kay Brian na hindi niya pa ito kayang tanggapin. Ito ang kanyang magiging awtentikong emosyonal na pahayag.
Napakahirap para kay Brian na marinig iyon. Inudyukan ko siyang sabihin ito kay Rhonda. Tumugon si Rhonda sa pamamagitan ng pagpansin sa galit, hinanakit, at lungkot na nakita niya sa mga mata nito. Kaya pinapaliwanag ko kay Brian ang mga emosyon na iyon.
Nakinig nga si Rhonda, ngunit sinabi niya na "Ayoko nang magpatuloy pa; hindi na maganda ang pakiramdam ko dito, kasi alam ko na napakahirap nito para sayo."
Bigla na lamang nagsara si Brian at umatras muli papasok sa kanyang sarili; malinaw na hindi na siya available. Minungkahi ko na sabihin niya kay Rhonda na hindi niya ito kayang pakinggan sa kasalukuyan, ngunit maski iyon ay mahirap para sa kanyang gawin.
Kaya sinabihan ko si Rhonda na kausapin ako. Isa itong technique sa couples therapy - ang pagsuporta sa isang tao, habang hindi available ang isa pa, upang mawala ang pressure at pahintulutang maging witness lamang ang isa.
Sinabi ni Rhonda na gusto niyang bigyan si Brian ng maraming oras upang tanggapin ang sitwasyong ito, at inamin ko na tingin ko ay hindi niya naman ito matatanggap kahit kailan. Mahal siya nito, at malamang ay wala itong balak sumuko. Nagulat si Rhonda dito.
Kaya mas pinalabas ko pa ang kanyang mga nararamdaman at mga personal na pahayag.
Pagkatapos ay naging available si Brian, at sinabi niya dito na nagui-guilty siya, at na nagsisisi siya na naging ganito ang sitwasyon. Sabay silang umiyak. Gusto sanang lumapit ni Brian, ngunit sabi ni Rhonda - Huwag. Pakiusap, huwag ka masyadong lumapit sa akin.
Tinanong ko kung bakit niya ito sinabi - Hindi niya na raw kasi mahal si Brian. Hinamon ko ang pahayag na ito - nakabase kasi ito sa maling ideya na tungkol lamang sa emosyon ang pag-ibig. Kaya sinabihan ko siyang gawin itong personal na pahayag. Sabi niya, "Sinara ko na ang aking mga emosyon."
Isa itong mahalagang pahayag, dahil mula noon ay naging tungkol sa aksyon, choice, at volition ang buong isyu.
Kaya inudyukan ko si Brian na sabihing narinig niya ito, at na sabihin dito ang kanyang mga nararamdaman. Nagawa niya naman ito, at pareho silang umiyak.
Ngunit may nagbago na sa pagitan nila. Kahit tila imposible, at wala namang nakakaalam ng mangyayari sa hinaharap, nakayanan nilang magkaroon ng malalim at awtentikong contact. Pareho silang umabot sa punto na parang sobra na ang sitwasyon, ngunit sa tulong ng aking pagsuporta, nakayanan nilang magpatuloy at harapin ng magkasama ang pakiramdam ng kawalan at paghihinagpis.
Hindi ko na nalaman ang kinahinatnan ng kanilang relasyon. Ngunit ang pokus ng Gestalt ay nasa pag-abot ng malalim at awtentikong contact; ito ang sandigan ng isang tunay na relasyon, ang bagay na malinaw na wala sa kanilang relasyon noon.

Lunes, Disyembre 15, 2014

Case #46 - Mga uod

Nagkwento si Felicity tungkol sa kanyang mga bangungot. Wala tayong mga pre-set na interpretasyon para sa mga panaginip sa Gestalt, ngunit kadalasan ay tungkol sa aggression ang mga bangungot; malinaw na lahat ng aspeto ng isang panaginip ay tungkol sa nananaginip, kaya lahat ng bangungot ay may kinalaman sa aggression ng tao.
Madalas umulit ang panaginip ni Felicity, ngunit sa iba't ibang anyo. Ganito ang karaniwan nitong takbo:
Nasa basement siya at kumukuha ng mga uod. Daan daang libong uod ang nandoon.
Sa susunod na eksena ay nagsusuka na siya ng mga uod - punong puno ng uod ang kanyang buong katawan. Nakayanan niya namang isuka itong lahat, maliban lamang sa isa.
Isang tingin lang sa panaginip ay maaari ka nang magpakawala ng maraming interpretasyon. Sa pinakapalasak na antas, ang basement ay kung ano ang nasa pinakakaibuturan ng kanyang puso, at malinaw na tumutukoy ang mga uod sa isang bulok na aspeto ng kanyang pagkatao.
PERO, hindi namin ito ginagawa sa Gestalt.
Nananatili lamang kami sa kasalukuyan, sa karanasan ng tao, at sa kanilang sariling pagpapakahulugan dito.
Kaya inanyayahan ko si Felicity na gampanan ang bawat karakter sa kanyang panaginip at magsalita bilang ang karakter na ito. Bilang uod, sinabi niya na siya ay mataba, tamad, at walang kapangyarihan.
Sinabi naman ng nag-iisang uod na naiwan sa loob niya na gusto narin nitong lumabas.
Ang susunod na dapat gawin ay ang pagsasadula nito. Kaya sinamahan ko siya sa pagkukunwari bilang uod - naglakad lakad kami na parang uod.
Sinabi ko na lahat tayo ay may uod sa loob - mga bagay na ayaw nating ipakita sa iba.
Nagkwento ako tungkol sa aking mga "uod" - ang pagiging pangit ng ugali ko sa mga partikular na sitwasyon, at nagbigay din ako ng ilang halimbawa.
Pagdating sa pagbubuking ng mga bagay na mahirap sabihin sa iba, maganda kung mangunguna sa pagbibigay ng halimbawa ang therapist.
Nung una ay nag-aalangan siyang magbanggit ng mga ganoong bagay tungkol sa kanyang sarili. Nakita ko ang expression niya - nakanguso siya na parang inosenteng bata. Nagkomento ako tungkol dito, at ginaya ito upang makita niya.
Sabi ko - parang hindi naman ganyan ang itsura ng taong may mga uod sa loob niya!
Pinamukha nito sa kanya ang persona na kanyang pinapakita, at ginawa siyang mas handa na maging awtentiko.
Tumukoy siya ng ilang aspeto ng kanyang sarili na mala-uod, at kinilala ko kung gaano kahirap ito para sa kanya. Ganoon parin ang expression sa kanyang mukha. Binanggit ko kaagad ang incongruity na ito, dahil para bang binabawi niya ang kanyang sinabi sa pamamagitan ng pagpapakita ng ganoong expression.
Tinaas nito kaagad ang kanyang awareness tungkol sa kanyang disowning process. Ang Gestalt awareness ay palaging agad agad - palagi itong papunta sa mas malalim na pagkakakilala sa iyong sarili, ngayon din.
Pagkatapos ay inanyayahan ko ang grupong magbahagi rin tungkol sa kanilang "mala-uod na sarili". Lalo nitong pinababa ang hiya para kay Felicity, at bumuo ito ng bond sa loob ng grupo sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng aming mas malalim at sikretong sarili, sa paraang masaya at kaaya aya para sa lahat.

Lunes, Disyembre 8, 2014

Case #45 - Paano harapin ang kalungkutan

Gustong pag-usapan ni Betty ang kanyang takot. Hindi niya matukoy kung tungkol saan ito, o kung saan ito konektado.
Ngunit bago ko sakyan ang kanyang pokus, sinubukan ko muna siyang kilalanin. Nagtanong ako tungkol sa kanyang mga anak, sa kanyang buhay may-asawa, at sa kanyang trabaho. Kaka-resign niya lang sa kanyang trabaho matapos ang 20 taon, at kasalukuyang nasa transition period. Maayos naman ang kanyang buhay pamilya; maganda at talentado ang kanyang anak na babae, at mahal na mahal naman siya ng kanyang asawa.
Ngunit nakikita ko na hindi siya masaya. Tinanong ko kung masaya ba siya - hindi raw. Ngunit iniisip ng lahat na perpekto ang buhay niya, pati ang kanyang pamilya. Tinanong ko kung ano ang problema.
Sabi niya - mas mahal ako ng asawa ko kaysa mahal ko siya. Secure ako sa kanya, ngunit arranged marriage lang kami at hindi ko siya "type". Tinanong ko kung ano ba ang tipo niya: isang tao raw na may malakas na karakter, malinaw na vision sa buhay, at magandang taste. Wala ni isa dito ang kanyang asawa.
Nagulat ako dito, at natagalan bago ko ito maproseso. Isang magandang buhay, ngunit may kulang na mahalagang bagay. Tumingin ako muli sa kanyang mga mata, at nakita ko kung gaano siya kamiserable. Tinanong ko kung ilang taon na siya - 44 daw. Tinanong ko kung 44 na taon niya pa bang makakasama ang kanyang asawa, at sabi niya ay oo.
Kaya malinaw na ang desisyon niya ay maging nandoon kasama ang kanyang asawa, kahit ang kapalit nito ay ang kawalan ng koneksyon sa kanilang relasyon. Ang palasak na pangangailangan para sa passion, meeting, at synergy ay wala doon. Nagpakakuntento siya sa isang mababaw ngunit maayos na buhay, kahit mayroon itong malalim na pangangailangang hindi naaabot.
Sa Gestalt, interesado kami sa choice, at tinitingnan namin ito gamit ang  existential notions. Nilalagay tayo ng buhay sa iba't ibang klase ng sitwasyon, ngunit palagi tayong may pagpipilian. Ang pakiramdam ng pagkakakulong ay hindi nanggagaling sa ating mga sitwasyon, kundi sa ating pagkalimot na may pagpipilian pala tayo sa bawat sandali.
Kasama rin ng choice ang consequences, at ang isang sulit na buhay ay isang buhay kung saan pinananagutan ng tao ang kanyang mga aksyon, imbis na subukang sisihin ang iba, o maghangad na sana ibang tao na lamang siya.
Ganito nga ang sitwasyon ni Betty. Malinaw ang kanyang mga desisyon, pati ang mga kinalabasan nito. Ngunit miserable siya, at kailangan nitong magbago, pwera na lamang kung gusto niyang manatiling ganito.
Maraming siyang pagpipilian sa loob ng istrukturang pinili niyang panindigan.
Gumugol ako ng oras sa pagtabi lamang sa kanya, at pagkilala sa kanyang pagiging miserable. Ito ang relational na espasyo kung saan walang kailangang magbago, walang agenda, at ang pokus lamang ay nasa pag-iral; pag-iral ng magkasama, at pagkilala sa presensya ng isa't isa. Ang tawag dito ay "I-Thou".
Pagkatapos nito, tinanong ko kung ano ang mga posible niyang gawin. Ang pagtatanong nito sa una pa lang ay parang pagmumungkahi ng "solusyon" sa isang sitwasyon na wala naman talagang solusyon. Ngunit matapos ang ilang sandaling pamamalagi sa kanyang isyu, maaari na naming usisain ng magkasama ang iba't ibang pagpipilian at perspektibo.
Tinanong ko kung alam ba ng asawa niya ang tungkol sa pagiging miserable niya, at kung pinapakita ba niya ito sa kanyang asawa gaya ng pagpapakita niya nito sa akin. Hindi raw. Kaya nagbahagi ako ng isang pangyayari sa sarili kong buhay, kung saan nagkaroon sa akin ng malaking impact ang pagkukwento ng aking asawa tungkol sa isang bagay na nagpapamiserable sa kanya. Dahil mahal na mahal siya ng kanyang asawa, maaari itong magsimula ng pagbabago.
Sinabi ko na kahit kailan ay hindi niya ito magiging "type", ngunit kung motivated ito, maaari nitong subukang gumawa ng mga hakbang upang maging "type" niya. Nakasalalay sa kanya ang pag-amin dito ng kanyang totoong sarili at mga pangangailangan. Ang hamon ay na gawin niya ito sa isang paraan na magbibigay ng mga positibong resulta.
Minungkahi ko na sabihan itong tingnan siya sa mata ng sampung minuto, ng hindi nag-uusap, para lang maipakita niya dito ang kanyang pagkamiserable. Pagkatapos nito, maaari niyang banggitin dito ang ilang maliliit na pagbabago na nais niyang gawin nito, na magiging makahulugan para sa kanya.
Ngunit hindi nito ibig sabihin na ito na talaga ang solusyon sa kanyang pagkamiserable. Ang totoo ay nasa sitwasyon siya kung saan hindi natutugunan ang kanyang mga pangangailangan. Kaya minungkahi ko na aktibo niyang tuklasin ang kanyang pagkamalikhain, at sumubok ng mga spiritwal na gawain. Baka matulungan siya nitong makahanap ng kaligayahan na hindi matatagpuan sa kanyang paligid.
Hindi sinusuportahan ng Gestalt ang pagmumungkahi ng mga ganitong bagay bilang solusyon. Ngunit sa konteksto ng isang malalim na contact sa personal na pagkaka-stuck, nagiging makahulugan para sa tao ang ganitong mga posibilidad, at nagkakaroon siya ng malalim na kagustuhang gumalaw papunta sa direksyong iyon. Kung mayroong interes, maaaring makatulong ang praktikal na suporta sa taong iyon - halimbawa ay ang pag-uusap tungkol sa kung paano niya magagawa ang pagbabago, at ang buong range ng kanyang mga pwedeng pagpilian.

Huwebes, Nobyembre 27, 2014

Case #44 - Ang cocoon, at muling pagsilang

Halata na nagugulumihanan si Nicole. Nagkwento siya tungkol sa kanyang panaginip - tungkol ito sa kanyang takot na lumabas sa isang cocoon, dahil hindi niya alam kung magbabagong-anyo ba siya pagkatapos, o mamamatay lang.
Pinagtuunan ko ng pansin ang imahe ng cocoon. Nagmungkahi ako ng eksperimento na base dito. Minsan hindi naman kailangang gamitin ang lahat ng detalye na binigay ng kliyente; minsan sapat nang magsimula sa isang malinaw at malakas na metapora na galing din sa kanya. Sa kasong ito, lumutang ang isang metapora na may kinalaman sa pagbabagong-anyo, may kinalaman sa isyu na binubuno sa therapy, at naglalaman ng parehong paghahangad para at takot sa pagbabago. Kilala din ang Gestalt Experiment bilang "safe emergency", at ang balanse sa pagitan ng "safe" at "emergency" ay palagi nating sinusubukang abutin - ang pagtulong sa kliyente na harapin at pagbigyan ang kanyang paghahangad para sa isang bagong karanasan, habang naghahanap ng paraan upang gawin itong ligtas.
Kaya inanyayahan ko ang kalahating dosenang tao mula sa grupo na palibutan siya at maging "cocoon". Agad agad ay lumakas ang pag-iyak niya, at nalaglag siya sa sahig. Pinaupo ko rin ang mga tao na nakapalibot sa kanya. Sinabihan ko siyang huwag mangimi, at imbis ay panatilihin ang eye contact sa mga tao sa paligid niya. Kung hindi ay mapapaatras siya, mahahatak sa sarili niyang mundo, at mahahatak palabas ng relasyon. Sa kasong iyon, magpapatuloy lamang sa pag-ikot ang kanyang emosyon ng walang pinatutunguhan, at hindi ito makakatulong.
Maya maya ay tumingin siya sa isa sa mga babae at sinabi dito, "Ayoko sayo." Malinaw na hindi ito tungkol sa babae mismo - naalala niya lang kasi ang kanyang ina. Kaya inudyukan ko siyang kausapin ito ng direkta, at na sabihin kung ano man ang nais niyang sabihin dito.
"Bakit mo ako inabanduna?" tanong niya. Sa Gestalt, tinitingnan bilang walang silbi ang tanong na "bakit", kaya mas inuudyukan namin silang magbigay ng pahayag imbis na magtanong ng "bakit".
Mula dito lumabas ang kanyang mga pahayag - ang kanyang hinanakit nang abandunahin siya ng kanyang ina noong bata pa siya. Muli, hindi ko na kailangang malaman ang buong kwento at lahat ng detalye nito. Sapat na na lubog siya sa proseso.
Kinailangan ko siyang suportahan upang manatili siya sa kasalukuyan, magpanatili ng eye contact, at huminga ng maayos. Maraming emosyon na lumutang sa kanya, pati sa babaeng tumayo bilang kanyang "ina".
Mahalaga ang suporta ng grupong nakabilog sa kanya, upang iparamdam sa kanya ang suporta sa isang lugar kung saan madalas ay mahina siya.
Sa wakas ay napagod na siya, at gusto niya na lamang humiga.
Kaya pinahiga ko siya sa hita ng kanyang "ina", at sinabihan siyang hayaan ang kanyang sariling makatulog doon.
Paggising niya sampung minuto ang makalipas, pakiramdam niya ay pinanganak siyang muli, at nagkaroon ng pakiramdam ng init at koneksyon sa kanyang puso na dati ay puro hinanakit lang ang laman.

Lunes, Nobyembre 17, 2014

Case #43 - Ang toxic na boses ni nanay

Iniwan ni Theresa ang kanyang magandang trabaho upang magsimula ng sarili niyang kumpanya. "Para sa hamon," ang dahilan na binigay niya.
Ngunit madalas siyang makaranas ng pangangamba - puwera na lamang kapag alam niya na palpak na talaga. Habang papalapit siya sa tagumpay, nananatili ang kanyang pangamba hanggang sa maabot niya na talaga ang tagumpay. Kita rin sa kanyang personal na buhay ang pangambang ito.
Hindi niya naiintindihan kung saan ito galing, o kung ano ang maaari niyang gawin hinggil dito.
Tingin ko ay may kinalaman ito sa kontrol - ang pangangailangan na magkaroon ng kontrol sa mga bagay bagay. Nagtanong ako tungkol sa kanyang konteksto. Nalaman ko na mapangkontrol din pala ang kanyang ina.
Habang pinag-uusapan namin ito, sumakit ang ulo niya. Naging malinaw sa akin na "nasa ulo niya" ang kanyang ina. Kaya inimbitahan ko siyang "ilagay" sa cushion ang kanyang ina, at kausapin ito. Ito ang klasikal na Gestalt experiment - ang paglalabas at paglilinaw ng intrapsychic dialogue.
Inanyayahan ko siyang kausapin ang kanyang ina, at pagkatapos ay makipagpalit - umupo sa lugar ng kanyang "ina", at magbigay ng sagot.
Nagulat ako sa mga bagay na sinabi ng kanyang "ina". Sobrang nakakapahiya nito - halimbawa, ininsulto niya si Theresa dahil "pangit" daw ito, di gaya ng kanyang magandang kapatid. Masama raw siyang tao; ayaw naman daw talaga niya sanang magkaanak, tungkulin lang naman daw ito, at lalaki naman talaga sana ang gusto niya.
Hindi lang ito ordinaryong tipo ng pangit na mothering. Maaari itong tawaging "toxic mothering". Hindi ito magandang gawan ng dialogue.
Pinatigil ko ang kanyang "ina" sa pagkausap kay Theresa, at sinabi na nais ko itong "kapanayamin" upang mas maintindihan ito.
Ginawa ko nga ito...at nagbigay ng maraming interesanteng sagot ang kanyang "ina", na siyang nagkumpirma ng aking nabanggit na "diagnosis". Pabigat ang tingin niya kay Theresa, at ang tanging interes niya sa kanyang mga anak ay ang pagpapaganda nila ng kanyang imahe. Nakakamit na ng pinansyal na tagumpay si Theresa, at nakadagdag ito sa kanyang magandang imahe, kaya hindi na siya ganoon kairitable dito.
Maaari mong sabihin na projection lang ni Theresa ang lahat ng ito. Ngunit ang mga sinabi ng "nanay" kay Theresa sa dayalogong ito ay mga aktwal na salita na ginamit nito sa kanya.
Ang punto nito ay hindi upang palabasin na may pathology ang kanyang ina - malinaw na mayroon din itong sariling mga isyu. Ngunit malinaw na toxic ang pagkakaroon ng mababang pagtingin sa sarili mong anak...lalo kung nagbunga ito ng kakulangan sa kumpiyansa sa sarili, na siya namang nagbunga ng pangangamba.
Kaya inimbitahan ko siyang kausapin ang kanyang ina, at sa pagkakataong ito ay maglatag ng mga malinaw na hangganan. Nagsimula siya sa pagsasabi ng "Huwag niyo na po sanang gawin ang..." Ngunit pinigilan ko siya, dahil nakadepende parin ito sa gagawin ng kanyang ina, at mukhang malabo na may gawin nga ito.
Kaya pinasabi ko ulit ito sa kanya sa paraang manggagaling talaga sa kanya - "Hindi ko tatanggapin ang..." Nagbibigay ito ng malinaw na hangganan, na siyang isa sa mga pinakamahalagang pokus ng Gestalt.
Naging makapangyarihan ang paggawa ng mga ganitong klase ng pahayag. Nangailangan siya ng tulong sa paggawa nito. Pagkatapos, pakiramdam niya ay mas kalmado na siya, at mas malinaw na sa kanya ang dapat niyang gawin upang pigilan ang boses ng kanyang ina sa pagsasabotahe ng kanyang kumpiyansa sa sarili.
Nangailangan ito ng paggamit ng isang klasikong Gestalt experiment: pagpapalabas ng stuck na internal dialogue, at pagbibigay ng suporta na kailangan upang mapalabas iyon.

Lunes, Nobyembre 10, 2014

Case #42 - Ligtas at di-ligtas

Kakagaling lang ni Yasmin sa divorce. Binanggit niya ang kanyang kagustuhang mag-mature at mas humiwalay mula sa kanyang mga magulang. Maraming emosyon sa kanyang mga mata, na aking pinansin at kinomentuhan, pati ang iba pang mga bagay tungkol sa kanya - isang makulay na tela at beads na nakapalupot sa kanyang leeg.
Sabi niya - "Pakiramdam ko ay ligtas ako sayo." Tugon ko - "Mukhang projection iyan, kasi ako lang naman ako - ligtas ako sa maraming paraan, ngunit sa isang punto ay baka ma-miss kita at sa gayon ay hindi na maging ligtas." Nahirapan siyang marinig ito; naalala niya ang mga naging hirap niya sa kanyang ama, at ang pangangailangan niyang maglinaw ng mga hangganan dito tuwing nalilito at nalalabuan siya.
Natutuwa raw siya na nakikita ko siya sa kanyang sitwasyon...at kailangan niya raw ito. Nagkwento siya tungkol sa pagtingin sa kanya ng kanyang mga magulang bilang isang hiwalay na indibidwal, at kung gaano kahirap ito, pati ang hirap ng pagsusumikap na maging mabait na bata para lamang mahalin nila, dahil kundisyonal ang kanilang pagmamahal sa kanya.
Sinabi ko na nakikita ko ang kanyang batang sarili, pati ang kanyang paghahangad sa pagkilala, pagtanggap, at alaga; kasabay nito ay nakikita ko rin ang kanyang sarili ngayon, na naghahangad at nangangailangan ng paghiwalay, pagkakaroon ng sariling identidad, at paglilinaw ng kanyang mga hangganan.
Naging malalim ang epekto nito sa kanya - ang makita sa dalawang sitwasyong iyon, at na sabay itong mabigyan ng pansin. Isa ito sa mga I-thou moments. Sinabi ko na sa lugar na ito kung saan ang pakiramdam ko ay maluwag, grounded, at present, talaga ngang magagawa kong ligtas ang mga kondisyon upang maramdaman niya na inaakay/sinusuportahan/inaalagaan siya, at pinapalaya - at inuudyukan na magsarili sa kanyang buhay, upang magtagpo kami bilang equals.
Tumama ito sa kanya. Kinausap ko siya bilang isang adult; kinilala ko ang harang sa pagitan namin, pati ang aming koneksyon. Sunod ay inanyayahan ko siyang kausapin ako bilang bata; na sabihin kung ano ang nais niya mula sa akin.
Nais niya raw marinig mula sa kanyang ama na mahalaga siya rito. Sinabi ko na masaya akong lumipat sa "father" mode - mayroon din kasi akong mga anak na babae na malaki na...at maaari kong gamitin ang sitwasyon kong ito sa pagkausap ko sa kanya. Kaya kinausap ko siya "bilang" ang kanyang ama, at sinabi sa kanya kung gaano siya kahalaga sa akin.
Sunod, gusto niya namang marinig na mahal siya nito kahit anong mangyari. Sinabi ko nga ito, at binanggit na kahit minsan ay hindi ako sang-ayon sa mga desisyon niya, at na kahit may mga hindi ako gusto sa kanya, bilang pamilya ay konektado parin kami, kaya mahal ko parin siya.
Sa paraang ito ay natugunan ko ang kanyang malalim na pangangailangan na makita sa kanyang tunay na sitwasyon. Sa prosesong ito ng therapy, hindi naman talaga ako ang kanyang ama, ngunit halos pareho lang din naman ang naging impact sa kanya sa kung ako talaga ang kanyang ama.
Pakiramdam niya ay mas naging buo siya, at nakayanan niyang pagtagpuin ang kanyang bata at matandang sarili.

Lunes, Nobyembre 3, 2014

Case #41 - Ang kliyenteng nakakaistorbo

Umuubo si Francis, at nairita ako dito. Binanggit ko ito sa kanya - sabi ko, "Nakuha mo ang atensyon ko sa pag-ubo mong yan." Sabi niya, Oo, madalas nga akong makaistorbo ng mga tao. Tugon ko, "Talaga ngang naistorbo mo ako sa pag-ubo mo."
Kaya inusisa namin ang "pang-iistorbo". Pinaliwanag ko na may mga positibong paraan ng pang-iistorbo ng ibang tao - halimbawa, ginagawa ito ng mga komedyante. Pati ng mga rebolusyonaryo. At mga tao na nanggugulo ng status quo sa isang grupo - kailangan natin sila. Gusto kong i-frame ang "pang-iistorbo" sa ibang paraan, upang palawakin ang kanyang mga pagpipilian.
Inimbitahan ko siyang "mang-istorbo" ng ilang mga tao sa grupo. Kinurot niya ang pisngi ng isa, at humiga siya sa paa ng isa pa.
Ito ay naging spontaneous, magaan, at masaya, at agad siya nitong binigyan ng ibang pagtingin sa "pang-iistorbo".
Nagtanong ako tungkol sa kanyang konteksto - sino ba ang mapang-istorbo sa kanyang pamilya? Sinabi niya na ngayun-ngayon niya lang nalaman na may kabit pala ang kanyang ina. Mukhang ilang taon naring nagkakaroon ng iba't ibang kabit ang kanyang ama.
Malinaw na nakakaistorbo ito sa kanya, ngunit ayokong masyadong usisain ang mga ginagawa ng kanyang mga magulang. Sinabi niya na nagui-guilty siya...na para bang kasalanan niya ang pangangalunya ng kanyang ina, dahil umalis siya sa kanilang bahay. Sabi ko, "Hindi naman nakasalalay sayo ang pagbabantay sa mga ginagawa ng nanay mo."
Gusto kong ibalik ang pokus sa kanya. Kaya sabi ko, "Nakatingin ka sa akin ng may maalab na pokus - nasayo ang atensyon ko ngayon." Sinabi niya na may kulang noong lumalaki siya - naging masyadong abala ang kanyang mga magulang sa kanilang mga problema at away, kaya hindi siya nakakuha ng sapat na atensyon. Kapag naman nakukuha niya ito, mas madalas itong reactive. Ang gusto niya raw ay mapagmahal na atensyon, hindi kiritikal na atensyon. Sinabi ko na para sa mga bata, mas kaaya-aya ang negatibong atensyon kaysa walang atensyon...sa pagsabi nito ay kinilala ko ang choicefulness ng pagiging "mapang-istorbo" niya ngayon upang makakuha ng atensyon, kahit na hindi ganoon kaganda ang atensyon na nakukuha niya.
Sinabihan ko siyang pansinin ang pakiramdam ng paghawak ng atensyon ko sa kasalukuyan, at ng atensyon ng grupo. Pinansin niya ang maliliit na pagbabago sa atensyon ng grupo - ang ilang tao ay tila nalingat na. Nakita ko kung gaano niya pinakikiramdaman ang atensyon ng mga tao sa grupo.
Kaya sabi ko, "Gusto ko na maging present ka sa atensyon na binibigay ko sa iyo ngayon." Naupo kami doon ng matagal. Napansin ko na parang napaka-flat ng pakiramdam ko...kadalasan ay madali lang akong makaisip ng mga gagawin - mga malikhaing eksperimento, mga insight, at mga awareness. Ngunit flat lang talaga ang pakiramdam ko sa kanya, gaya ng isang patag at walang laman na landscape.
Kaya inamin ko ito sa kanya at sinabi niya na Oo, narinig niya narin yan mula sa kanyang asawa at sa ibang tao...at na parang flat din ang kanyang pakiramdam.
Kaya kinilala ko itong shared space na ito bilang isang I-thou moment.Kadalasan, nakikita ang mga sandali ng intimacy at koneksyon bilang mga sandaling puno ng malalalim na emosyon. Ngunit ang sharedness na nangyari dito ay isa lamang uri ng bareness. Sabi ko, "Mahirap ito para sa akin; para bang nawala lahat ng pagkamalikhain ko. Hindi ako sanay na ganito." Bigla siyang sumigla - nagustuhan niya ang salitang "pagkamalikhain".
Sabi niya, "Gusto kong gumawa sayo ng bagay na nakakaistorbo at mapusok." Inanyayahan ko siyang magpatuloy. Hinalikan niya ako sa pisngi. "Ah," sabi ko, "nagkaroon ng kulay sa landscape!"
Isa itong sandali ng makinang na contact, sa konteksto ng isang malalim na sandali ng pagbabahaginan. Dahil dito ay nagkaroon ng isang malalim na shift sa kanya, at para siyang pinalaya.
Ito ang resulta ng non-linear na proseso ng pagsunod sa daloy ng awareness na lumabas sa pagitan namin - ang tema ng atensyon at pang-iistorbo. Sa Gestalt, hindi palaging linear o goal-focused ang proseso - mas kagaya ito ng daloy ng isang ilog na sumusunod lamang sa agos, mas paglulubog ng aming mga sarili sa phenomenology ng kliyente, at pagpansin sa aming mga sariling pagtugon. Ang panghuling resulta ay integration, o ang matatawag na embodied insight.

Linggo, Oktubre 26, 2014

Case #40 - Nangangailangan ng suporta, nangangailangan ng independence

May mga luha sa mata ni Martha, at kinakagat niya ang kanyang labi. Pinansin ko ito, at ginagawa niya raw iyon dahil sinusubukan niyang lunukin ang kanyang mga emosyon. Pinahinga ko siya ng malalim at inudyukan siyang maging present...at lalong tumulo ang kanyang luha.
Nagkwento siya, isang mahaba at masakit na kwento, ng may kasamang luha. Sa ibang lungsod nagtatrabaho ang kanyang ama. Lumipat sila ng kanyang ina at kapatid sa isang maliit na baryo habang wala ang kanilang ama, at kinailangan nilang makitira sa mga magulang ng kanyang ina. Ngunit binubule sila ng kanilang lolo...kung masyadong maingay ang mga bata, nagbabanta itong ipatapon sila sa labas ng bahay, at talaga namang nilalagay nito sa labas ang mga maleta nila. Ilang beses na itong nangyari. Bago pa iyon, nakitira na ang kanyang kapatid dito at tuwing bumibisita siya at ang kanyang ina, hahanapan nila ng pintas si Martha at ikukumpara siya sa kanyang kapatid.
Sa wakas ay lumipat narin sila sa sarili nilang bahay. Ngunit magandang babae ang kanilang ina, at madalas pumupunta sa bahay ang mga lalaki mula sa tindahan na pinagtatrabahuhan niya upang hanapin siya. Pinaaalis niya mga ito, ngunit isang beses ay nagpapasok siya ng isang lalaki, at nagkaroon sila ng relasyon. Palaging natatakot si Martha tuwing pumapasok ito sa bahay.
Nang mabuking ang relasyon na ito, naging kahihiyan sa maliit na komunidad na kanilang tinitirhan ang kanilang ina. Pati si Martha ay inaaway ng mga bata sa eskuwelahan. Nang bumalik ang kanilang ama, binugbog ng lolo't lola nila ang kanilang nanay...tila nagpatung-patong na ang mga trauma.
Isa itong kwento na puno ng sakit at pagdurusa. Habang nagkukwento ay hinawakan niya ang kamay ko at pinisil ito. Naupo lang kami ng ganoon hanggang sa gumaan ang loob niya.
May iba't ibang klase ng kwento sa psychotherapy. Ang iba ay luma, patay, paulit-ulit, at ang tanging silbi ay ang pagpapatuloy ng helplessness at pagkuha ng simpatya. Kailangang dalhin sa kasalukuyan ang mga kwentong iyon, at gawing buhay sa pamamagitan ng mga embodied na eksperimento at mga breathed-through na emosyon.
Ngunit ang kwento na ito ay buhay at 30 taong nang naghihintay na makwento. Sa tamang panahon ay lumabas ito ng tuluy-tuloy habang unti-unting nag-iintegrate.
Nang kumalma na siya, binitawan ko ang kanyang kamay at nanatili sa tabi niya.
Nagkaroon naman daw ng mga "ilaw" sa daan, ayon kay Martha. Ang intimacy nila ng kanyang ina at kapatid, kahit tinapay at beans lang ang kinakain nila minsan. Ang mga naging nobyo niya, lalo na ang pinaka-una, na naging mapagmahal at sumuporta sa kanya habang kinakaharap niya ang kanyang mga kalbaryo.
Nagpatuloy ang suportang ito sa kanyang asawa, na talaga namang malapit sa kanya, at mayroon silang mapagmahal na relasyon. Lahat ay maayos sa kanila. Yun nga lang, matapos ang 20 taon (at ngayon na malaki na ang kanilang mga anak) ay tila nagsawa na siya sa trabaho na naging tahanan niya noong una niyang iwan ang masalimuot na mga pangyayari sa kanilang pamilya.
Naghahanap siya ng bagong direksyon para sa kanyang personal na pag-unlad, pati ng pagbabago sa kanyang karera. Ngunit nakahawak parin sa kanyang kamay ang kanyang asawa. Naging maganda ang kanilang sitwasyon dahil tuwing nangangailangan siya ng suporta, agad itong binibigay ng kanyang asawa. Ngayon, gusto niya nang maging independent, ngunit nakahawak parin ito sa kanya.
Tinuro ko sa kanya ang parallel nito sa sesyon. Kinailangan niya ang presensya ko habang dinadaanan niyang muli ang trauma. Ngunit sa huli, nakayanan ko nang bitawan ang kanyang kamay, at tinabihan siya ng hindi na kumakapit pa.
Binigyan ko siya ng outline ng maaari niyang sabihin sa kanyang asawa, upang tulungan itong maintindihan at matanggap na kailangan niya ring matutong gumalaw sa mundo ng mag-isa, at siguro'y tulungan din itong harapin ang mga insecurity na posibleng lumabas dahil dito. Mabibigay din nito ang tamang klase ng suporta na kailangan niya mula dito - ang pagiging kumportable sa kanyang pagbalik at pag-alis.
Sa pamamagitan ng pagtalakay ng paksang ito sa sesyon, natutunan niya kung paano mas mag-mature at magbago, at sa gayon ay nakayanang harapin ang nagbabagong dynamic sa kanyang relasyon at sa kanyang posisyon sa buhay.

Huwebes, Oktubre 23, 2014

Case #39 - Ang malakas na florist

Noong nagtawag ako ng mga volunteer, tumayo kaagada si Fran. Binanggit ko sa kanya na dati, siya rin ang pinakaunang nagtanong.
Imbis na tanungin siya ng kung anu-ano, nagsimula ako sa mga koneksyon na mayroon na ako sa kanya - mga bagay na napapansin ko sa kanya, at ang aking pagtugon sa mga ganoong aspeto ng aking karanasan sa kanya.
Sinabi niya madalas daw siyang maunang magvolunteer, at sinabi ko na ganoon din ako. Agad itong gumawa ng ground sa pagitan namin. Tinanong ko kung ano ang trabaho niya - florist daw, ngunit gusto niyang gumawa ng sarili niyang florist shop at desidido siyang maging matagumpay dito. Nakikita ko na isa siyang matalinong dalaga na may kumpiyansa sa sarili, at sinabi ko na habang nakikinig ako sa pagkukwento niya ng kanyang mga plano, ay naniwala ako na kaya niya ngang gawin ito.
Muli, bahagi ito ng pagtatatag ng groundwork ng relasyon, at pagtukoy sa kung ano ang lutang sa proseso.
Tinanong ko kung ano ang paborito niyang bulaklak upang malaman kung ano ang figural para sa kanya. Sunflower daw, tugon niya. Kinuwento ko na gusto ko rin ito, at kinwento ko pati ang mga bagay na gusto ko tungkol dito. Sinabi niya na marami syang gusto - mga bagay na masaya, masigla, malakas, matangkad...
Parang may diin ang pagsabi niya ng "malakas", kaya tinanong ko kung sa anong mga paraan niya nararamdaman na malakas siya. Pinaliwanag niya na talagang malakas siya, at na masaya siya sa ugali niyang iyon, ngunit pakiramdam niya ay maaari siyang maging destructive tuwing galit siya.
Kaya inimbitahan ko siya sa isang "therapeutic wrestling", kung saan tumayo kami sa harap ng isa't isa at nagbuno gamit ang aming mga palad. Naging masaya ito, at pinahintulutan siyang maramdaman ang buong pwersa ng kanyang aggression sa isang ligtas, mapaglaro, at contactful na paraan. Pinakita rin sa kanya ng eksperimento na maaari ring maging positibo ang galit at aggression, at hindi lang palaging negatibo. Lumika ito ng mas maraming ground sa pagitan namin.
Sinabi ko na hindi palaging kinikilala ang mga malakas na babae sa lipunan, at sa paraang ito ay tumukoy ako ng mga potensyal na contextual factors upang makita kung ano ang karanasan niya sa mga ito. Sinabi niya na minsan pakiramdam niya ay masyadong malakas ang paglapit niya, at sa gayon ay nakakalula ng mga tao. Humingi ako ng halimbawa, at nagkuwento siya tungkol sa isang taxi driver na ayaw gumamit ng metro, na nasigawan niya. Naiintindihan ko ang kanyang reaksyon, at binanggit na baka ganoon din ang gawin ko. Ngunit hindi parin siya natutuwa na nawalan siya ng kontrol.
Kaya nagtanong ako tungkol sa kanyang konteksto, sa kanyang pamilya, at kung sino pa sa kanyang pamilya ang walang kontrol. Sinabi niya na madalas magpakita ng malakas na emosyon ang kanyang ama habang siya ay lumalaki. Ngunit imbis na matakot dito, siya mismo ay naging ganoon din...kaya ayaw niyang nawawalan ng kontrol pagdating sa kanyang galit, kahit pa may katwiran ito gaya ng nangyari sa taxi driver.
Naintindihan ko iyon, at minungkahi na ngayon at malaki na siya, siguro ay maaari na niyang piliin kung ano sa mga ugali ng kanyang ama ang gusto niyang gayahin, at kung ano ang ayaw niya. Kaya naglagay ako ng upuan sa harap niya upang tumayo bilang kanyang ama, at sinabihan siyang "kausapin ito ng direkta" tungkol sa bagay na ito. Tinulungan ko siyang linawin kung ano ang ikinatutuwa at nais niyang panatillihin, at kung ano ang nais niya nang bitawan, upang hindi magaya sa kanyang ama.
Gumaan ang kanyang pakiramdam pagkatapos nito, at naging mas kumportable na siya sa kanyang aggression bilang isang pwersa na kaya niyang kontrolin, imbis na isang bagay na kanyang ikinasasama ng loob o ikinagagalit.
Ito ang tinatawag nating "integration", at nangyayari ito hindi lamang cognitively sa pamamagitan ng insight, kundi pati somatically, kaya isa talaga itong shift na nakabase sa katawan.

Lunes, Oktubre 20, 2014

Case #38 - Ang babaeng pumalpak


Ang isyu ni Jemma ay kapalpakan. Pumapalpak daw siya sa lahat - nagkaroon siya ng limang aksidente habang nagtatrabaho para sa isang kumpanya, nagkaroon siya ng mga pagkakamali sa pagco-compute sa isa pang kumpanya, atbp., at pakiramdam niya ay isa siyang palpak na tao.
Nang banggitin niya ang isyung ito, naging alerto na ako. Naging sunud-sunod at tuluy-tuloy na ang kanyang mga kwento. Umiiyak siya at minsan ay nalalaglag, at nakikita ko na ang sarili kong katrabaho siya ng maraming oras ngunit wala paring nararating. Binanggit niya rin ang mga problema niya sa kanyang mga magulang matapos niyang umalis sa kanilang bahay; galit na galit siya sa kanila, at duda siya sa kanyang ama at sa mga intensyon nito. Malinaw na desperado siyang magpatulong, at hindi maganda ang pakiramdam ko sa pagiging desperado niya. Napansin ko na nagrereact na pala ako; parang gusto kong umatras.
Kaya alam ko na kailangan ko nang puntahan kaagad ang puno't dulo nito, at isama ang aking sarili sa proseso. Sabi ko - Pagtuunan natin ng pansin ang kapalpakan. Sa katunayan ay nangyayari na ito ngayon - pumapalpak ka na sa pag-uusap natin, at nagkakaroon ng impact sa akin ang estilo mo. Tumango siya - naramdaman niya na nagkaroon ako ng ganoong reaksyon at siyempre, pamilyar sa kanya ang ganitong karanasan.
Ang unang hakbang para sa isang taong nakakulong sa self-destuctive na paraan ng pamumuhay ay ang paglalagay nito ng buo sa kasalukuyan, imbis na makinig lamang sa mga kwento "tungkol" dito. At ang pinakamagandang paraan upang gawin iyon ay pansinin kung paano ito nagaganap sa relasyon.
Inimbitahan ko siya sa isang maliit na laro. Gusto kong hulaan niya kung paano ako nagre-react sa kanyang pagpalpak ngayon - matapos niyang magbigay ng hula, sasabihin ko kung tama ba ito o mali.
Hula niya raw ay ginagawa ko ang makakaya ko upang pagpasensiyahan siya. Mali, sabi ko. Baka raw nakakaramdam ako ng awa para sa kanya. Mali, sabi ko.
Sabi ko - naiirita ako sayo.
Sunod ay pinahula ko sa kanya kung ano ang pakiramdam noon para sa akin. Hula niya raw ay pinipigilan ko ang mga pakiramdam na iyon. Sabi ko, medyo totoo lang iyan. Baka raw nararamdaman ko ito sa aking tiyan at dibdib.
Sunod ay sinabi ko na sa totoo lang ay nagagalit na ako sa kanya, at na nararamdaman ko iyon sa aking dibdib bilang isang uri ng internal pressure.
Pinagawa ko sa kanya ang eksperimentong ito dahil gusto ko siyang ilabas sa kanyang nakasanayan na self pity at failure formula. Gusto kong makita niya na isa itong co-created na karanasan, at na hindi lang talaga siya ang nagdurusa. Hindi rin ito nakakatuwa para sa akin. Pinakiusapan ko siyang gawin din ito, dahil malinaw na paranoid siya (lalo pagdating sa kanyang ama), at mas mabuti nang manghula siya ng harapan at magkaroon ng pagkakataong malaman ang talagang nararamdaman ng isang tao, imbis na maiwang mag-isa sa kanyang mga hula.
Sunod ay nakipagpalit ako sa kanya ng upuan. Ako ang magiging siya, at siya naman ang magiging ako. Kaya, ako ay malungkot, diskumpiyado, at pakiramdam ay palpak ako, at siya naman ang galit.
Sinabi niya na "para akong mga magulang ko - nanenermon, naninigaw, nambabatikos, nang-iinsulto, nampe-pressure na maging magaling."
Nakatulong ito dahil muli, hinila siya nito palabas ng kanyang kinabibilangang dulo sa polarity, at sa gayon ay binigyan siya ng mas malawak ng karanasan ng mga nangyayari.
Sunod ay nilarawan ko ito sa kanya bilang proseso ng recruitment - para niya akong kinuha upang magalit sa kanya, at naging sobrang matagumpay siya dito na sa loob lamang ng isang minuto ng pakikinig ko sa kanya ay talagang nagalit na nga ako.
Pinaliwanag ko na isa itong two-person game. Sabi niya - noong ginagampanan niya ang galit na karakter, naalala niya ang pressure na galing sa kanyang lolo at lola.
Ganito gumana ang kanyang field.
Binigyan ko siya ng isa pang metapora - isang script, at mga aktor at aktres na handa itong isadula. Siya ang gumagawa ng script para sa bawat aspeto ng kanyang buhay. Sumang-ayon siya. Nilagay nito sa konteksto ang nangyayari sa field, imbis na ilarawan lamang ito sa indibidwal na konteksto (ang kanyang problema), at tumuturo sa pagiging compulsive at paulit-ulit ng kanyang karanasan sa transactional na prosesong ito.
Sunod ay inimbitahan ko siyang pumili ng kahit anong sikat na dula na alam niya, na may mga karakter na bagay sa kanyang personal na field. Naglarawan siya ng isang partikular na drama na ganito nga.
Sunod ay humingi ako ng halimbawa ng isa pang kwento, pelikula o teatro, na may ibang script. Dito ay nilalawakan ko ang aking paghahanap ng iba pang resources sa field, at iba pang paraan ng pamumuhay. Pinili niya ang Harry Potter, at nang tanungin ko kung sinong karakter ang gusto niyang maging, ang sinagot niya ay si Harry.
Kaya sinabihan ko siyang tingnan ako na para bang siya si Harry Potter. Ito ay dahil hinanda niya ang kanyang script bilang biktima gamit ang kanyang mga mata - may partikular siyang paraan ng pagtingin sa akin.
Sinubukan niya ang eksperimentong ito, at habang inuusisa namin ang karakter ni Harry Potter sa mga pelikula - na hindi siya kayang patayin, atbp. - nagsimula siyang magkaroon ng mas matibay na pagkakakilala sa kanyang sarili habang nasa karakter ni Harry Potter.
Nakaramdam siya ng pagbabago sa kanyang identidad, at ako naman ay nagkaroon ng bagong karanasan sa kanya.
Upang maging matagumpay ang sesyong ito, kinailangan kong maging present kasama niya, at maging totoo hanggang sa huli. Tinrabaho ko ang relasyon gamit ang iba't ibang eksperimento, at ang huling eksperimento ang naging "ground shifter"...ngunit kinailangan muna naming pagdaanan ang lahat ng nangyari bago nito upang maging posible ang shift.

Martes, Oktubre 14, 2014

Case #37 - Ang spear na nananakit, at ang spear na pumoprotekta

Akala ko ay nasa bandang 30 anyos pa lamang si Celia, ngunit ang totoo ay 51 na siya, at mayroon na siyang mga anak. Kahanga-hanga na kahit naging mahirap ang kanyang buhay ay kalmado parin siya - dahil dito, nanatiling bata ang kanyang itsura. Mga bagay ito na hindi ko na nausisa pa, ngunit tinandaan para sa mga susunod na sesyon. Palaging mahalaga ang pagtanda sa mga unang impresyon, pati sa bagong pagtingin sa mga pamilyar na kliyente, upang matukoy ang mga discrepancy at iba pang mahahalagang bagay habang isinasagawa ang therapy.
Ang isyu na binanggit niya ay ang kanyang takot sa pagsabak sa trabahong sampung taon niya nang pinaghahandaan. Gusto niyang maging social worker, at ngayong wala na sa bahay ang kanyang mga anak, ito na ang bago niyang layunin sa buhay.
Imbis na pataasin ang kanyang kumpiyansa sa sarili o alamin ang kanyang mga takot, mas pinili kong usisain ang kanyang konteksto - ang suporta mula sa kanyang paligid. Mayroon nga siyang propesyonal na suporta mula sa isang grupo ng mga social worker, kaya hindi na iyon problema.
Ngunit sinabi ng kanyang asawa na hihiwalayan siya nito kung talagang itutuloy niya ang pagpasok sa ganoong linya ng trabaho. Ito ay isang malakas na reaksyon, ngunit hindi naman nakakagulat dahil patriarkal ang kultura na pinagmumulan ng mga tao sa sesyong ito.
Ngunit nang magtanong pa ako tungkol dito, inamin niya na ilang dekada na pala siyang sinasaktan ng kanyang asawa.
Nagulat ako na sa sampung taon ng kanyang pag-aaral at therapy na may kinalaman sa pagiging social worker ay hindi lumabas ang isyung ito, o kaya hindi lang naramdaman ng kanyang mga guro na responsibilidad nila na kumilos laban sa pananakit na ito.
Sa therapy, mahalaga na hindi lamang mga emosyon ang pinagtutuunan ng pansin kundi pati ang konteksto, lalo na kung kasalukuyang nakakasakit ang kontekstong iyon. Kailangan nitong manatili bilang pokus ng therapy.
Kaya tumanggi na akong pagtuunan ng pansin ang iba pang isyu hangga't hindi nabibigyan ng kaukulang pansin ang puno't dulo ng kanyang takot. Ngayun-ngayon lang naman daw tumigil ang pananakit.
Sinabi ko sa kanya ang aking mga nararamdaman habang katabi ko siya - naging bukas ako sa kanya, habang ramdam na ramdam ko ang aking koneksyon sa bigat ng kanyang mga isyu at ang kagustuhan kong suportahan siya, pati narin ang kagustuhan kong maging maingat sa aking mga galaw.
Sinabi ko na halos miyembro na ng pamilya ang kanyang takot. Sumang-ayon siya. Sinabihan ko siyang bigyan ng identidad ang takot - isa raw itong pigurang naka-itim, may malalaking mata, nakangiti, at may hawak na sibat. Nakakakilabot daw ito.
Humingi pa ako ng mas maraming detalye - ano ang itsura ng damit nito? Gusto ko kasing mas i-ground ang kanyang koneksyon sa kanyang takot. Sunod ay inimbitahan ko siyang lumahok sa isang Gestalt na eksperimento: Ipapakita niya sa akin kung paano tumayo ang Takot, kasama ang sibat nito at malalaking mga mata.
Ginawa niya nga ito, at ginawa ko ito kasama niya. Kadalasan ay magandang gawin ang ganitong mga klase ng eksperimento kasama ang kliyente.
Pagkatapos ay pinaupo ko siya ulit - ayokong gumugol masyado ng oras doon. Ang simpleng paglalarawan at pag-ako ng karakter nito ay malaking bagay na.
Pakiramdam niya raw ay marami akong binigay sa kanya sa prosesong ito, at na nag-aalangan siyang tumanggap pa - na para bang kailangan niya namang magbalik sa akin. Pinaliwanag niya na sinanay siya sa pagiging "nandiyan" para sa mga lalaki (pagiging suporta para sa kanila, sa madaling salita), at bagamat nagrebelde siya rito bilang bata, naging bahagi na ito ng kanyang pagpapalaki.
Kaya sinakyan ko ang sitwasyon na ito, at tumigil. Sabi ko, "Sige. Ano naman ang gusto mong ibigay sa akin? Bukas ako sa pagtanggap nito." Natahimik kami, at sinabi niya na gusto niya akong bigyan ng pasasalamat para sa lahat ng ginawa ko para sa kanya.
Pagkatapos niya itong sabihin, pakiramdam niya ay ligtas na siya ulit sa akin, at sa gayon ay handa nang magpatuloy. Mahalaga na pakinggan kung ano ang eksaktong nangyayari sa kliyente sa bawat sandali, at na samahan sila sa bawat sandaling iyon habang sinasabayan ang kanilang rhythm.
Tinanong ko kung nasaan na ang takot ngayon - nasa loob niya na raw, tugon niya. Tinutusok daw ng sibat nito ang kanyang utak, at sa gayon ay sinasaktan siya.
Pumasok ako sa isang direktang relational mode kasama niya. Sinabi ko na nakakaramdam ako ng lungkot dahil nasasaktan siya - malalim na lungkot. Gusto ko siyang "iligtas" at protektahan, ngunit hindi ko alam kung paano iyon gagawin.
Nakurot nito ang kanyang puso, at naupo kami doon ng ilang sandali ng may tahimik na koneksyon. Isa itong mahalagang pagbabago - isang tao na may pakialam at maaari siyang samahan at handa siyang protektahan, ngunit hindi nagmamadaling ayusin ang mga bagay bagay.
Isa itong "I-thou moment": dalawang tao na naging buo ang koneksyon. Ako ang therapist at siya ang kliyente, ngunit sa sandaling iyon kami ay dalawang tao lamang na magkatabi, kasama ang malalim na sakit ng sitwasyon. Talagang sineryoso ko ang kanyang nararamdamang sakit - hindi lamang ito isang mapaglarong eksperimento, at hindi lamang ito pagsasapigura ng takot, kundi ilang dekada ng takot na may kinalaman sa pananakit na dinanas niya.
Bumukas ang aming mga puso habang nakaupo kami dito. Naging malalim ang epekto nito sa akin, at ganoon din sa kanya. Parehong ganito ang sinabi namin.
Tapos sabi ko - "Ang totoo niyan, may sibat din ako. Isa itong sibat na pumoprotekta." Inimbitahan ko siyang "papasukin" ako, kasama ang aking sibat, sa kanyang puso.
Madali niya itong nagawa, at naiyak siya. Pakiramdam niya raw ay ligtas at alaga siya.
Ito ang tinatawag na "self object" - ang pagpapasok sa akin ay nangangahulugan na mayroon siyang authority figure sa loob niya na para sa kanya, dahil ang kanyang karanasan sa awtoridad habang lumalaki ay suppressive, at inaasahan siya na maging nandoon para sa mga lalaki sa buhay niya.
Bagamat wala masyadong "nangyari" sa therapy, nagkaroon ito ng malaking impact. Sa huli, tinanong ko kung nasaan na ang kanyang takot pagdating sa paglipat ng propesyon. Hindi na raw siya natatakot. Kahit may posibilidad ng divorce? tanong ko. Oo, tugon niya.
Ngayon, simula lamang ito ng trabaho na nangangailangan ng patuloy na therapy, lalo hinggil sa kanyang relasyon at pagharap dito matapos ang mahabang panahon ng pananakit. Gusto kong bantayan ito dahil posible pang bumalik ang pananakit, at bilang isang propesyonal at maalagang tao, gusto kong makasiguro na hindi ako magiging bahagi, sa kahit anong paraan, ng cycle ng pananakit na iyon.

Linggo, Oktubre 5, 2014

Case #36 - Ang babaeng walang nararamdaman

Nagkuwento si Brenda tungkol sa kawalan niya ng malinaw na identidad - madali niyang nakakalimutan ang kanyang mga hangganan, at minsan ay nasosobrahan ang pagi-identify niya sa iba.
Binanggit niya rin ang kanyang pagiging mahiyain; ayaw niyang kinukunan ng litrato o nilalagay sa ilalim ng spotlight.
Tumuturo ang mga ito sa pangangailangan na maging maingat at sensitibo, at mukhang may kinalaman din ito sa mga potensyal na shame issues (may kinalaman sa exposure).
Pinaalam ko sa kanya na hindi niya kailangang piliting magkwento ng higit sa gusto niya.
Sinabi ko na nasa harap kami ng isang grupo ng mga tao, at tinanong ko kung kamusta ba siya doon. Sinagot niya na nakatingin sila sa kanya, ngunit pakiramdam niya ay hindi naman nila siya nakikita. Tinanong ko kung dahil ba ito sa kanilang limitadong kaalaman tungkol sa kanya, o dahil nagtatago siya. Pareho raw, sagot niya.
Nakatulong ito upang linawin sa akin ang relational dynamic. Kaya binalik ko ito sa kanya - nakatingin nga ako sa kanya, ngunit pinagtataguan niya naman ako. Sinabi niya na oo, ginagawa niya talaga ito sa lahat ng tao.
Nagpalutang ito ng isang relational impasse - may bahagi sa kanya na naghahangad na makita ng iba, ngunit may bahagi rin na hindi ito pinapayagan. Isa itong babala na kailangan kong maging maingat, dahil kung hindi ay mafu-frustrate lang ako at makukulong sa ganitong dynamic.
Kaya imbis na mag-usisa, sinabi ko ulit sa kanya ang mga bagay tungkol sa kanyang sarili na ibinunyag niya na sa akin - mga personal na impormasyon na kanyang ibinahagi. Sinabi ko rin kung ano ang nakita ko - halimbawa, ang mga kulay ng damit na suot niya.
Bumuo ito ng ground sa pagitan namin nang walang nangyayaring pang-uusisa, na siyang nagpapakita ng aking maiging pakikinig sa kung ano man ang ibinabahagi at ginagawa niyang available. Sa mga kaso kung saan may kinalaman ang hiya, mas maganda ang pagbabahagi tungkol sa sarili kaysa pag-uusisa tungkol sa taong iyong kausap.
Ngunit hindi parin nakapokus ang kanyang mga mata, at inamin niya na parang nawawala na siya. Ibig sabihin nito ay sumosobra na ang contact. Kaya tinanong ko - kung nawawala siya, saan naman siya papunta? Sa isang lugar na naglalaman ng iba't ibang mundo - mga nakaraang buhay, sagot niya.
Nakita ko ito bilang dissociation, at mukhang isyu ng kaligtasan ang pinakalutang dito.
Minungkahi ko na maaari naman siyang mawala na tila nanaginip, at na maaari ko rin itong gawin, at na maaari kong imbitahan ang lahat sa grupo na mawala na tila nananaginip, at maaari kaming umupo na lamang ng magkakasama habang nananaginip.
Tinaas ng mungkahing ito ang kanyang momentum, at inudyukan nito ang kanyang paggalaw patungo sa direksyong iyon. Ang tawag nito sa Gestalt ay paradoxical theory of change - ang pagiging konektado sa kasalukuyan (sa what is), at pagsandal dito.
"Wala akong maramdaman," sabi niya.
Sa madaling salita, siya ay tuluyan nang dissociated. Sa lugar na ito, tanging mga espesyal na uri ng contact lamang ang maaaring gamitin.
Tinanong ko kung anong klase ng suporta ang kailangan niya upang mas maramdaman niya na ligtas siya. Sabi niya - ayokong makita ng iba.
Kaya sinabi ko na hindi ako titingin sa kanya, at habang ginagawa ito ay binahagi ko ang aking lungkot - na dahil hindi ko na siya titingan, dahil hindi ko na siya susubukang tingnan, magiging tuluyan na ang kanyang pagtatago. Sinabi ko na mainit ang pakiramdam ko sa kanya, ngunit wala akong mahanap na paraan upang abutin siya.
Tiningnan ako ni Brenda, sabay sabing: "Ayokong tumatanggap ng suporta."
Ito ang pagbubunyag na nagbigay sakin ng ideya kung paano magpatuloy.
Nagmungkahi ako ng isang eksperimento. Itataas niya ang kanyang dalawang kamay - ang isang kamay ay manunulak palayo, habang ang isang kamay naman ay nakabukas upang tumanggap ng suporta.
Ginawa namin ito, at nakayanan niya namang tanggapin ang aking suporta - dahan dahan kong nilapit ang aking kamay sa kanyang nakabukas na palad at hinawakan ito.
Sinabi niya na tila may "pwersa" na pumipigil sa kanyang makaramdam. May pinakiusapan akong tumayo sa harap namin upang tumayo bilang pwersang iyon. Hindi niya kayang (o ayaw niyang) tukuyin kung sino ang pwersang iyon, at ayos lang naman ito.
Naudyukan ko siyang magbigay ng pahayag sa pwersang ito. Sabi niya, "Makikinig lamang ako sayo kung makakatulong ito sa akin; kung hindi, pahihintulutan ko ang aking sariling makaramdam ng suporta."
Isa itong pahayag ng differentiation at integration.
Kaya niyang pahintulutan ang kanyang sariling makaramdam, tumanggap ng suporta, pumasok sa relasyon, makita ng iba, at magkaroon ng sense ng choicefulness.
Naging mabagal ang prosesong ito; kinailangan kong tuloy tuloy na galangin ang kanyang mga hangganan, at huwag masyadong mag-usisa ng mga detalye, pati ng kanyang mga nararamdaman...ngunit hindi rin dapat ako sumuko. Kadalasan ay nagre-react ang mga tao sa mga gumagawa ng mga hangganan na may kinalaman sa privacy - maaaring lumayo sila, o makipagtagpo sa taong ito ng hindi nakakabuo ng koneksyon, o lunurin ito sa sobrang interes o kabaitan. Ang kailangan ay isang presensyang neutral, na may tamang bilang ng init at tamang bilang ng interes - ang tawag dito ay attunement, at isa itong mahalagang relational skill.

Martes, Setyembre 30, 2014

Case #35 - Galit sa Ex

Binanggit ni Marion ang isyu ng kanyang shared parenting arrangements sa dati niyang asawa. Naging malinaw na hindi ito ang malalim na isyu. Ang mas mahalaga ay ang kanyang pagkadi-kumportable at unfinished business sa kanyang asawa.
Bago ko ipaliwanag ang detalyeng nabanggit ko - ang karanasan ko tuwing tinitingnan kita ay na para bang tinutusok ako ng mga mata mo. Nagkaroon ito ng malakas na impact sa akin. Ang pagkakapareho ko sa iyong dating asawa ay ang aking pagiging lalaki, at baka ang ilan sa enerhiya na nararamdaman mo pagdating sa kanya ay narito rin habang kausap mo ako.
Tinanong ko kung ano ang isyu niya, at ang sagot niya ay galit.
Tinanong ko kung ano ang ikinagagalit niya. Nagsimula siyang magkwento ng mahaba tungkol sa sitwasyon...matapos ang ilang minuto ay nagtanong ako ulit: Okay, ano ba talaga ang eksaktong ikinagagalit mo? Muli ay nagkwento nanaman siya ng mahaba.
Kinailangan ko siyang tanungin ng ilang beses bago niya nasabi ng malinaw at direkta na kaya siya galit ay dahil pakiramdam niya ay niloko siya ng kanyang dating asawa, dahil tumigil ito sa pagbibigay ng pinansyal na suporta upang magbuhos ng pera sa kanyang negosyo. Galit din siya dahil nagsinungaling ito tungkol dito sa kanya at sa kanyang mga magulang (na kasama nila sa bahay).
Sabi ko, Oo, mukha ka ngang galit; nakikita ko ito sa mga mata mo. Ano ang nararamdaman mo ngayon?
Nagsimula siyang magkuwento ng mga bagay na mas evaluation, judgment, at opinyon kaysa emosyon.
Sinabi niya nga, "Nilulunok ko ang aking mga emosyon."
Kaya inimbitahan ko siyang isipin na ako ang kanyang dating asawa, at "kagatan" ako. Sinimulan niyang ipaliwanag kung paano niya naiisip na baka dapat din siyang sisihin sa sitwasyong iyon.
Kaya nagpokus ako ulit sa kanya, at hiniling ko na magsabi siya sa akin ng isang bagay ng direkta, na nagsisimula sa mga salitang "Ako ay galit..."
Sa wakas ay nagsimula na siyang magbigay ng mga direktang pahayag tungkol sa mga bagay na ikinagagalit niya.
Kinilala ko ang kanyang mga nararamdaman at sinabi na nakikita at naririnig ko ang kanyang galit - at nakikita ko kung paano ito nalilipat sa luha, kaya nakikita ko narin ang kanyang nararamdamang sakit.
Patuloy kong inudyukan ang direct expression na ito, at nagsalit salit ang kanyang galit at luha. Habang nararamdaman niya na pinakikinggan siya, naging mas kampante siya sa direktang page-express ng kanyang sarili. Nagkaroon din ng maraming katahimikan na puno ng kanyang mga emosyon at ng aking mga simpleng papuri.
Sa huli ay gumaan ang kanyang pakiramdam, at nakapaglabas siya ng maraming sakit at galit na dala niya na mula pa noong divorce.
Upang maging matagumpay ang ganitong proseso, kinailangan kong maging makulit, ipokus ang kanyang awareness, dalhin siya sa kanyang karanasan sa pamamagitan ng paglahok sa eksperimento kasama siya, at sa pagputol ng kwentuhan dahil bahagi ito ng kanyang pag-iwas sa masyadong malalim na pagdadamdam. Nagbigay ako ng isang relational na lalagyan para sa kanyang galit, at sinuportahan at inudyukan ko siya sa page-express ng kanyang sarili...natagalan bago niya naramdaman na ligtas itong gawin. Hindi ko rin sinakyan ang kanyang pag-iwas; sa halip ay inudyukan ko siya na talagang lubusin ang kanyang karanasan.
Bilang pagtugon, binigyan ko siya ng pagkilala na siyang inaasam asam niya - ang makita at marinig. Hindi ako ang kanyang dating asawa, ngunit sapat ang lakas ng enerhiya sa pagitan namin upang matuwa parin siya sa pag-eexpress sa akin bilang simpleng representatibo para sa kanyang asawa. Ang aking pagbibigay pansin sa simula sa aking pagkalalaki ay naging sapat upang palutangin ang lakas ng kanyang mga nararamdaman, at ang aking pagtanggap ay tila tunay na tunay para sa kanya kaya naramdaman niya na hindi na lamang ito "acting".
Maganda ring pansinin na hindi siya sumigaw, tumili, nanuntok ng mga unan, o nagtaas ng boses. Gumagalaw ang galit sa relasyon at sa pagmamay-ari, at hindi palaging nangangailangan ng dramatic therapy techniques.

Sabado, Setyembre 27, 2014

Case #34 - Contact at authenticity

Si Nathan ay isang lalaking matikas, mapag-alala sa iba, at may malakas na presensiya.
Ang isyu niya ay authenticity. Pakiramdam niya ay hindi siya tunay na authentic sa iba.
Halos hindi siya lumalaban o nakikipagtalo. Madali siyang kausap at katrabaho sa trabaho at sa bahay.
Bahagi ng nakaraan ng kanyang pamilya ang pag-aaway at sakitan sa pagitan ng kanyang nakatatandang kuya at ate, habang siya naman ang "good boy" sa pamilya.  Mayroong dalawang insidente na naging malaki ang epekto sa kanya noong bata pa siya. Una ay noong nagalit siya ng sobra sa kanyang kuya, at binato niya ito ng isang bagay na muntik nang makatusok sa mata nito. Ang pangalawa ay noong may sinuntok siyang batang lalaki sa eskwelahan, na bilang ganti ay pumunta sa kanyang bahay upang kalmutin ang kanyang mukha.
Mula noon, nagpigil na siya at hindi na nanakit pa.
Ginulat niya ako noong sinabi niya na walang siyang kumpiyansa sa kanyang sarili. Nagulat ako dahil malinaw na isa siyang makapangyarihang lalaki na grounded sa kanyang katawan.
Inamin niya nga na minsan ay may mga naiisip siyang mapanakit na bagay tungkol sa iba, na madalas niyang kinikimkim.
Kaya binigyan ko siya ng isang authenticity process, na una kong ginawa ko sa kanya.
Mayroon itong tatlong aspeto - sasabihin niya ang iniisip niya, ang nararamdaman niya, at kung ano ang nais niya mula sa isang tao.
Ginawa ko ito sa kanya, at siya sa akin. Madali niya itong nagawa.
Nilarawan ko ito bilang isang awtentikong pagtatagpo. Kung ipagpapatuloy, magiging awtentikong pag-uusap ito, na kalaunan ay magiging awtentikong relasyon.
Pagkatapos ay inimbitahan ko siyang gawin ito sa tatlong tao sa loob ng grupo. Ang una niyang kinausap ay naging direkta at madaling kausap. Ang pangalawa ay isang babae na naging kumplikado ang pagtugon sa kanya. Nawala siya, kaya sinabihan ko siyang tumugon gamit ang isang pahayag tungkol sa kanyang nararamdaman. Binigyan ko siya ng isang pormula na magagamit niya lalo sa pagtugon sa mga babae; pagkatapos ng paunang authentic meeting statement, nakagawa siya ng tatlong feeling statements sa bawat isang thinking statement na ginagawa niya.
Sinubukan niya ulit ito sa isa pang tao.
Nang kamustahin ko ang kanyang karanasan, sinabi niya na madali lang pala ito.
Naging malinaw sakin na ang kailangan niya lang talaga ay kaunting direksyon, ilang mga panuto, at suporta sa pag-eensayo nito.
Bilang lalaki, gusto niyang magkaroon ng malinaw na panuto. Bilang isang tao na maraming tagong kapangyarihan, kailangan niya lang ng ligtas na paraan upang magamit ang kapangyarihang iyon.
Naging kampante siya na maipagpapatuloy niya ang pagsasagawa ng prosesong ito.
Siyempre, pwede naman nating pagtuunan ng pansin ang pinanggalingan niyang sitwasyon sa kanyang pamilya, o ang kanyang pag-iwas sa gulo. Ngunit ang ginawa dito ay isang intervention na nakatuon hindi lamang sa kasalukuyan kundi pati sa hinaharap, at binigyan siya nito ng agarang karanasan ng tagumpay. Naging mahalaga ito dahil sa kanyang mahinang kumpiyansa sa sarili. Binigyan din siya nito ng oportunidad na matuto sa pamamagitan ng karanasan, upang maipagpatuloy niya ang pagtuklas para sa kanyang sarili ng proseso ng awtentikong contact.
Ang contact ang isa sa mga pinakamahalagang aspeto ng Gestalt theory at practice, at iyon ang naging pangunahing tema ng sesyon na ito.

Lunes, Setyembre 22, 2014

Case #33 - Isang buo at sinserong pagpapalagayan ng loob

Ang isyu ni James ay ganito: Buong linggo siyang kumakayod, madalas na pumupunta sa iba't ibang lungsod, at umuuwi lamang sa bahay tuwing Biyernes. Dahil matagal siyang nawala, palagi niyang kinasasabikan ang pagbalik. Mahalaga sa kanya na nasa bahay ang kanyang asawa't anak para pag-uwi niya ay maramdaman niya talaga ang pagiging "home".
Ngunit dahil isang high level na HR manager ang kanyang asawa, mas madalas itong wala sa bahay. Kapag kinakausap niya ito tungkol dito, sasabihin nito na mahalaga din ang kanyang trabaho, at na problema niya na ang kanyang mga nararamdaman.
Maraming taon na silang nagsasama ng kanyang asawa, at pareho silang interesado sa personal na pag-unlad at sa astrolohiya. Nilarawan niya ang kanyang sarili bilang isang Cancer, isang sign na malaki ang kinalaman sa emosyon.
Ang kanilang relasyon ay malalim at puno ng paglalambing, ngunit marami rin silang away na gusto niyang bawasan upang mas mapabuti pa ang relasyon.
Binigyan ako nito ng konteksto para sa aking intervention.
Tinanong ko kung anong bagay ang mahalaga para sa kanya na ganoon din kahalaga para sa kanyang asawa, at na nais nitong matanggap mula sa kanya. Sinabi niya na tuwing nagbibigay ito ng presentasyon sa trabaho, at pinapakita ito sa kanya, hinahangad nito ang kanyang pagkilala at pagpuri.
Humingi ako ng isa pa. Tuwing nagbabasa raw ito ng libro (kadalasan ay tungkol sa pagpapabuti ng sarili), gusto niyang basahin niya rin ito para mapag-usapan nilang dalawa.
Tinanong ko kung ginagawa niya ba ang mga bagay na iyon. Sabi niya, medyo...ngunit hindi sapat upang matuwa ang kanyang asawa.
Kaya minungkahi ko na seryosohin niya muna ang dalawang kahilingang iyon, at na gawin ang mga ito ng buong puso.
Matapos niya itong gawin, minungkahi ko na bigyan niya ang kanyang asawa ng isang buo, komprehensibo, at sinserong pahayag tungkol sa kahulugan ng pananatili nito sa bahay tuwing Biyernes ng gabi.
Pinakita ko sa kanya kung ano ang ibig sabihin ko sa pamamagitan ng isang halimbawa mula sa sarili kong buhay:
Noong lumalaki ako, palaging espesyal na panahon sa aming bahay ang mga kaarawan. Ngunit para sa asawa ko, bihira lamang itong pinagdiriwang, at may mga pagkakataon kung saan pinagdiriwang ang kaarawan ng kanyang kapatid, ngunit ang kanya ay hindi.
Dahil dito, nawala ang kanyang gana para sa mga kaarawan; mas gusto niya na pribado at simple lamang ang kanyang kaarawan.
Ako naman ay umaasang magkaroon ng isang espesyal na araw, at minamarkahan ko pa ito bilang "araw ko". May mga pagkakataon na hindi niya ito ginawa sa paraang gusto ko, at talagang nasasaktan ako; isang bagay na mahirap para sa kanyang intindihin.
-
Kaya ang aking buo, komprehensibo, at sinserong pahayag ay ganito:
Alam ko na makahulugan ang mga kaarawan para sayo, at na hindi naging ganoon kaganda ang iyong karanasan sa mga ito noong bata ka pa. Alam ko rin na talagang ginawa mo ang makakaya mo upang siguraduhin na magiging magandang okasyon ang aking mga kaarawan, at nagpapasalamat naman ako sayo para doon. Naiintindihan ko rin na may mga panahon na sadyang wala ka lang talaga sa tamang wisyo upang magbigay ng kaukulang effort, sa kung anumang dahilan. Naiintindihan ko na may kinalaman ito sa kung ano lang ang pakiramdam mo ay kaya mong ibigay, at na hindi ka umaasa ng mas higit pa dito para sa iyong sariling kaarawan. Ngunit magkaiba tayo. Makahulugan din ang mga kaarawan para sa akin; sa ibang paraan nga ang. Dahil naging tradisyon para sa akin ang pagiging espesyal ng mga kaarawan, mayroon akong ekspektasyon at umaasa ako na magiging "una" ako para sa inyo sa araw na iyon. At na kahit hindi ganoon kaganda ang mood mo, ay isasantabi mo ito para lamang sa araw na iyon, upang maramdaman ko na nakakatanggap ako ng espesyal na trato. Tunay kong ikakatuwa iyon, lalo na dahil alam kong hindi ito palaging madali para sayo. Medyo mahirap para sa aking sabihin ito sayo, dahil mahalaga ito sa akin at mahirap itong paksa para sayo. Ikatutuwa ko kung pakikinggan mong maigi ang hiling ko, at maaari mo itong pag-isipan kung kinakailangan, at pwede naman natin itong pag-usapan ulit sa ibang pagkakataon.
--
Sa pamamagitan ng pagbibigay kay James ng personal na halimbawa mula sa sarili kong buhay, maiintindihan niya kung paano siya gagawa ng isang kumplikado ngunit sinserong personal na pahayag para sa sarili niyang isyu.
Ang Gestalt ay tungkol sa pagdadala ng lalim at authenticity sa relasyon, at sa pagpapaigi ng koneksyon at intimacy. Halimbawa ito ng isang paraan na magagawa natin para sa isang kliyente na lagpas na sa basics ang kakayahan sa pakikipagtalastasan.

Martes, Setyembre 9, 2014

Case #32 - Mapagkakatiwalaang resources

Mayroong dalawang isyu si Diane. Una, ang kanyang anak na lalaki na labindalawang taong gulang ay hindi nag-aaral ng mabuti at ayon sa gusto niya.
Pina-rate ko sa isang scale kung gaano kaayos ang pag-aaral ng kanyang anak, at ang sagot niya ay 6 o 7. Ginagawa niya ba ang kanyang mga takdang aralin? Oo. Ngunit upang makapasok sa isang premyadong paaralan, kailangang magkaroon ng mga matataas na grado, kaya naroon parin ang pressure.
Una, tumugon ako mula sa sarili kong ground - ang aking paniniwala sa parent-centered na pagpapalaki ng anak, ang aking mga paniniwala tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng balanseng buhay para sa isang bata, at ang hindi pagiging ultimate goal para sa akin ng akademikong katanyagan.
Mahalaga na maging malinaw ang aking personal na posisyon, pakiramdaman ko ng maigi ang hangganan ng aming mga pagkakaiba, at isipin kung paano siya makakatagpo sa kinaroroonan niya ng aking kagustuhang sumuporta (kasama ang mga limitasyon nito)
Nabagabag siya, dahil marami na siyang nabasang libro tungkol sa pagiging magulang bago pa ang pag-uusap na ito. Sinubukan niyang intindihin ang kanyang anak ngunit nag-aalala siya sa kinabukasan nito, at hindi niya alam kung ano ang epektibong paraan upang udyukan ito.
Kaya ang mungkahi ko ay ito: Tabihan niya ito, at unang una ay sabihin dito kung ano ang mahalaga para sa kanya pagdating sa paglaki nito.
Sunod ay linawin niya rito ang itsura ng mundong kanyang kinakaharap - isang lipunan at sistema kung saan mabagsik ang labanan, at nangangailangan ng partikular na mga grado upang makapasok sa mga partikular na institusyon. Babanggitin niya rito ang iba't ibang institusyon na iyon, ang kanilang mga requirements, at ang mga magaganda at pangit na maidudulot ng pagpasok sa mga institusyong iyon.
Pagkatapos ay susuportahan niya ito sa pag-iisip ng mga personal na layunin, kung saan niya gustong mapunta, at kung ano ang mga kailangan niyang gawin upang maabot iyon.
Sa paraang ito, magiging sinsero siya habang sinusuportahan ang kanyang anak sa paghanap ng sarili niyang ground. Sa gayon, ang kanyang kahandaan at kagustuhang sumuporta ay magiging tunay na suporta para sa kanyang anak, imbis na maging paraan lamang ng kanyang pagpili para dito.
Ang pangalawang isyu naman ay ang kanyang relasyon sa kanyang asawa. Araw araw uuwi ito, iinom ng beer, magbabasa ng diyaryo, susulat sa kanyang blog, at iisnabin siya at ang kanilang mga anak.
Malinaw na hindi siya masaya sa sitwasyon, ngunit wala pa siyang nagagawa upang ayusin ito.
Sa ibang paraan ay nakikisalo naman ito sa buhay pamilya; nagpaplano ito ng mga outing para sa kanila, gumugugol ng oras para makasama sila, at madalas din itong magluto.
Kahit kailan ay hindi ito naging magaling sa pakikipagtalastasan, kaya hindi naman talaga ito bago.
Malinaw sa akin na ang pagkulit sa kanyang asawa, o pagmumungkahi na magbigay siya dito ng awtentikong kumunikasyon ay hindi magiging epektibo.
Kaya nagtanong ako tungkol sa blog ng kanyang asawa. Maganda raw ang pagkakasulat, nakakatawa, at may mga larawan na may mga interesanteng komento sa ilalim nito. Sana lang daw ay ganoon din ito makipag-usap sa kanya.
Naging malinaw sa akin ang direksyon. Hindi niya ito mababago, ngunit masasamahan niya ito. Tinanong ko kung mayroon ba itong iPad. Oo, pero tinago niya na raw.
Sinabihan ko siyang ibalik kaagad ang iPad, at bumili ng isa pa para sa sarili niya. Sa pamamagitan nito ay maaari niya itong kausapin sa pamamagitan ng pagsusulat. Maaari siyang tumugon sa blog nito (sumasagot kasi ito sa mga nagkokomento); maaari niya itong bigyan ng mga note o liham - mga maliliit na one liner. Habang nagbabasa ito ng diyaryo maaari niya itong padalhan ng mga maliliit na komento. Maaari siyang sumulat ng mga liham para ipadala sa kanya, o ilagay sa ilalim ng kanyang unan.
Sa paraang ito, ginamit ko kung ano ang maaaring gamitin. Hindi nito tinrabaho ang kanyang intrapsychic dynamics, at tumanggi akong sang-ayunan ang kanyang paniniwala na may mali sa kanya, dahil nga hindi siya pinapansin ng kanyang asawa. Sa halip ay hinanap ko kung nasaan ang resources at kung paano siya makakabuo ng contact dito, sa paraang malikhain at labas sa nakasanayang kahon ng kanilang relasyon.


Biyernes, Setyembre 5, 2014

Case #31 - Pagpapalit ng sex para sa intimacy

Sinabi ni Louise na naghahangad siya ng mas maraming passion sa kanyang relasyon.
Nangalunya ang kanyang asawa limang taon na ang nakaraan. Tumagal ito ng halos isang taon. Umamin ito, lumuhod, humingi ng patawad, at tinapos ang pangangalunya.
Mula noon ay unti unting bumuti ang sitwasyon, ngunit may mga isyu paring natitira para kay Louise.
Nung unang nalaman ni Louise ang tungkol sa relasyong ito, naging rasyonal ang kanyang pagtugon - tinanong niya ang kanyang asawa kung iiwan na ba siya nito o hindi. Ang kanyang unang paraan ng pagharap sa isyu ay ang pagsuri ng sitwasyon, at pag-alam ng kanilang posisyon dito. Maganda itong gamitin bilang panimulang survival strategy.
Ngunit makalipas ang ilang panahon, nakaramdam narin siya ng kalungkutan.
At sa kasalukuyan ay mas nararamdaman niya na ang kanyang galit.
Ngunit hindi niya ito binabanggit. Sinabi kasi ng kanyang asawa na kung galit talaga siya, handa siyang iwan ito (dahil sa kanyang guilt). Kaya natatakot siya na baka iwan talaga siya ng kanyang asawa kung ilalabas niya ang kanyan tunay na nararamdaman.
Ngunit nilalamon na siya ng kanyang galit, at kahit maraming magagandang bagay sa kanilang relasyon, hindi pa siya nagiging bukas muli sa kanyang asawa, pati sa sekswal na antas - medyo nagpipigil siya. Tinanong ko kung gaano kadalas sila nagtatalik - mga apat na beses daw sa isang buwan.
Tinanong ko kung gaano kadalas sila mag-usap - mga kalahating oras isang araw daw ang karaniwan.
Pina-rate ko sa kanya ang emotional intelligence level ng kanyang asawa. 3 raw. Malinaw sakin na kung tama nga ang rating na iyon, hindi niya makukuha ang klase ng pakikinig na hinahangad niya mula sa kanyang asawa. Wala masyadong magiging silbi ang pagtulong sa kanyang maglabas ng kanyang mga damdamin sa kanyang asawa; maaaring maibsan nga nito ng kaunti ang kanyang galit, ngunit hindi naman ito makakatulong upang dagdagan ang kanilang intimacy, dahil wala nang ibang manggagaling pa mula sa kanyang asawa. At kung hindi niya sasabihin dito ang mga nangyayari sa kanya, mananatiling mababaw ang kanilang relasyon.
Hindi "pagpapatawad" ang layunin ng Gestalt, ngunit malakas parin ang pokus nito sa "what is". Ngunit sa kasong ito, marami pang ibang pagpipilian si Louise na hindi niya pa naiisip.
Guro si Louise, at nabanggit niya na binago niya ang kanyang estilo ng pagtuturo sa loob ng ilang taon upang bitawan ang mga "dapat at hindi dapat gawin". Dahil dito, nagkaroon siya ng paunti unti ngunit mahalagang pagbabago sa kanyang silid-aralan. Kasabay nito ay ang kanyang "paglalakbay" upang "hanapin ang kanyang sarili".
Kaya alam ko na may resources siya, at malinaw na tinatrabaho niya ang kanyang sariling pag-unlad bilang tao.
Ngunit hindi niya pa ito naipapasok sa kanyang relasyon.
Ang aking pokus ay ang isyu sa kanyang relasyon at hindi ang intrapsychic na interaksyon ni Louise sa kanyang sarili, o interpersonal na interaksyon sa akin.
Kaya nagmungkahi ako ng takdang gawain.
May kinalaman ito sa isang deal: mas maraming sex para sa mas maraming intimacy.
Minungkahi ko na sabihin niya sa kanyang asawa na gusto niyang mas makipagtalik pa dito, at na gusto niyang maging mas malapit sila sa isa't isa. At na para magawa niya iyon, kailangan niya ng mas maraming intimacy.
Upang maabot iyon, kailangan nilang gumugol ng kalahating oras isang araw para sa isa't isa upang mapagyaman nila ang kanilang intimacy. Nagmungkahi ako ng mga maaari nilang gawin - pag-eensayo ng sinserong pakikipag-usap sa isa't isa tungkol sa mga maliliit na bagay; pagbabasa ng libro ng magkasama at pagtalakay nito; pag-eensayo ng pakikinig o pagpapahayag ng emosyon sa isa't isa; pagbuo ng espasyo upang pakinggan ang mga hinanakit ng bawat isa; o simpleng paggawa lamang ng mga bagay ng magkasama sa loob ng oras na iyon upang pagbutihin ang kanilang bonding at pagiging malapit sa isa't isa.
Sumang-ayon ako nang sabihin niya na unfair ito, dahil tila naging guro siya na huhubog sa kanyang asawa para lamang mailabas niya na dito ng maayos ang kanyang galit. Hindi raw ito patas dahil madodoble ang trabaho na gagawin niya.
Subalit may dala itong iba pang mga benepisyo, at makakatulong ito upang maabot ang kanyang inaasam na passion sa kanilang relasyon.
Ang magiging resulta nito ay ang mas pagkakaintindihan nila, at hindi lamang ang personal awareness journey kung saan siya lamang ang makikinabang.
Ginamit ng lapit na ito ang tinatawag na "working with a couple relationship with one person". Ibig sabihin, pinapanatili natin sa gitna ng pakikipag-usap sa kliyente ang kanilang relasyon, at imbis na magpokus lamang sa kanila, tinitingnan din natin kung paano mapapatibay ang relasyon.
Maraming emosyon, identidad, at kwento ang produkto ng isang relasyon sa pagitan ng dalawang tao. Kaya isang hakbang papunta sa pagbabago ay ang paggawa ng mahalagang shift sa relasyon, imbis na pagtuunan lamang ng pansin ang indibidwal na karanasan. Gumagamit ito ng isang field approach - ang pagtuon ng pansin sa buo, kaysa mga bahagi nito.
Parang napakatusong pag-usapan ng pagbibigay ng sex kapalit ng pagbabago ng ugali, ngunit ginagawa naman talaga ito ng mga tao nang hindi nila namamalayan. Ang pag-amin ng iyong ginagawa at paglilinaw nito sa konteksto ng relasyon ay tunay na nakapagbibigay ng pagpipilian para sa iyong partner. Dahil dito, ang ganitong gawain ay hindi mapangkontrol, kundi pagiging totoo sa sarili. Sa ganitong konteksto, ang ganoong klase ng palitan ay isang paraan upang pagandahin ang relasyon sa pagitan ng magkasintahan.

Martes, Setyembre 2, 2014

Case #30 - Isang magandang dahilan upang huwag maging sekswal

Nireklamo ni Bridgit ang pakiramdam ng paninigas sa bandang ibaba ng kanyang likod, pati sa bandang ari. Limang taon na siyang divorced at mula noon ay hindi pa siya nakakahanap ng panibagong karelasyon.
Nasaktan daw siya ng kanyang asawa. Kahit kailan ay hindi siya naging sexually responsive dito, ngunit maganda naman sa ibang aspeto ang kanilang relasyon.
Tinanong ko siya kung paano eksakto siya nasaktan nito, ngunit nahirapan siyang tumukoy ng ganoong pagkakataon. Pakiramdam niya raw ay naging sarado siya dito, at sa ganitong paraan niya naranasan ang sakit.
Ngunit mukhang wala naman talagang nagawang masama ang kanyang asawa, kaya baka iba ang dahilan.
Kaya inamin niya na wala talaga masyadong pakiramdam ang kanyang katawan.
Sinama ko ang sarili ko sa usapan at nagkwento tungkol sa karanasan ko ng dissociation, at tungkol sa pagiging hirap ko na maging tunay na kaisa ng aking katawan.
Hinala niya raw ay nanggaling ito sa pagkakasaksi niya ng panggugulpi ng kanyang mga magulang sa kanyang kapatid na lalaki, mula noong 8 anyos hanggang 16 anyos ito. Pagkatapos noon ay na-kidnap ito ng mga people smuggler, at limang taon ang lumipas bago ito nakasulat sa kanila at naligtas mula doon. Ngunit pagkatapos noon, nagpagala gala ito sa kalye kasama ang mga manlilimos, nagnakaw, at nakulong ng ilang beses, at ninakawan pa nga siya na ito nang sinubukan niya itong tulungan.
Labinlimang taon na ang nakalipas nang mamatay ang kanyang ama, at sinabi niya na mula noon ay naging maayos, masaya, at maganda na ang buhay ng kanyang kapatid.
Ngunit hanggang ngayon ay nakakaramdam parin siya ng sakit at hinayang na wala siyang nagawa upang pigilan ang mga pambubugbog na ito.
Sinabi ko na wala naman siyang suporta noong mga panahong iyon - wala siyang makausap tungkol dito, at walang nagpapagaan ng loob niya.
Dahil ramdam na ramdam niya parin sa kasalukuyan ang sakit, tinanong ko kung maaari ko ba siyang tabihan at akbayan, upang maramdaman niya ang suporta na hindi niya naranasan. Para lamang maranasan niya ang pakiramdam, na para bang nandoon din ako noong mga panahong iyon.
Habang ginagawa ko ito, nagsimula siyang humagulgol at nakaramdam ng malalim na sakit habang hinahabol ang kanyang hininga. Niyakap ko lang siya at nanatiling kasama niya sa kasalukuyan, habang pinakikinggan ang matinding sakit sa kanyang mga hikbi.
Matapos ang ilang minuto ay lumipas din ang kanyang pag-iyak, at nanahimik siya. Inalo ko siya.
Tapos, tumuwid siya ng upo at tumingin sa akin. Sabi niya, "Ngayon, may gusto naman akong ibigay sayo." Naramdaman ko ang pagbabago sa kanyang enerhiya, pati narin ng akin. Sabi ko, "Naramdaman ko yan, nakaramdam ako ng init." Sinabi niya na nakaramdam din siya ng init sa buo niyang katawan.
Tinanong ko kung ano ang gusto niyang ibigay sa akin, ngunit nahirapan siyang bumuo ng salita upang sabihin ito.
Tapos sinabi niya, "Gusto kong halikan ang mga mata mo gamit ang mga mata ko." Naramdaman ko ang kanyang pagiging bukas at ang daloy ng enerhiya sa pagitan namin. Sabi ko, ngayon ikaw ay tunay na nasa katawan mo na, at handa ka na para sa isang relasyon. Tumango siya.
Hindi ko agad sinunggaban ang unang figure na hinain niya (pakiramdam ng paninigas), pati ang pangalawa (kakulangan ng pakiramdam sa kanyang katawan). Tumugon ako sa paraang dialohikal at naghintay hanggang sa may iba pang lumitaw - ang kanyang unfinished business sa kanyang pamilya.
Nag-iwan ng malalim na galos sa kanya ang pagkakasaksi ng ganoong klase ng trauma, at sa kabila ng pagbangon sa buhay ng kanyang kapatid, nakakapit parin siya sa sakit at hinayang. Hindi siya makausad hangga't hindi napapansin ng iba ang pinagdadaanan niyang sakit, at hangga't walang sumusuporta sa kanya habang nararanasan niya ang ganoong sakit.
Nagbigay daan sa isang malalim na karanasan ng paghilom ang karanasang ito, kaya nakayanan niyang bitawan ang sakit at hinayang, pasukin ang kanyang katawan, at maging bukas sa kanyang mga sekswal na pakiramdam.

Miyerkules, Agosto 27, 2014

Case #29 - Paglaki bilang isang galit na batang babae

Binanggit ni Mary ang pagkakaroon ng tampo sa kanyang ama. Tinanong ko ang dahilan; nakipagdiborsyo raw kasi ito sa kanyang ina noong siya ay apat na taong gulang pa lamang.
Inusisa ko ang field na ito. 20 taon na ang nakaraan nang ito'y mangyari, at sampung beses niya pa lamang nakikita ang kanyang ama mula noon. Kakaunti lamang ang alam niya tungkol dito.
Naniwala siya na ang kanyang ina ang biktima dito - nagkaroon kasi ng kabit ang kanyang ama, at matapos ay nagpakasal muli.
Hindi niya sinubukang kausapin ito noong tumanda na siya. Nang tanungin ko kung bakit, sinagot niya na dinala kasi nito dati ang kanyang anak na babae mula sa kanyang pangalawang asawa, at sobrang nagselos si Mary nang lambingin ito ng kanyang ama.
Sinabi ko sa kanya na hindi ang isyu ng divorce o ang kanyang sama ng loob dito ang pagtutuunan ko ng pansin (dahil hindi naman talaga ito ang sentro ng kanyang mga isyu). Sa halip, ang pagtutuunan ko ng pansin ay ang kanyang pagiging adult, at ang pagtulong sa kanyang alamin kung ano ang dapat niyang gawin sa kasalukuyan.
Nagdalawang-isip siya noong una, ngunit malinaw ang aking mga patakaran.
Nagkwento ako sa kanya tungkol sa aking sariling divorce, tungkol sa naging pag-uusap namin ng aking pinakamatandang anak na babae noong tumanda na siya, at ang maling impormasyon na matagal niyang pinaniwalaan.
Sinabi ko na handa akong suportahan siya sa pagbuo ng kanyang sariling pakikipag-usap sa kanyang ama, ngunit hindi dapat siya manatili sa isang posisyon na walang magawa, mala-biktima, at mahina.
Namana niya ang mga kuwento ng kanyang ina, at naapektuhan siya ng mga ito. Ngunit bilang isang tao na nasa tamang edad na, maaari niyang alamin ng direkta mula sa kanyang ama ang bersyon nito ng kuwento. Hindi niya pa ito nagagawa, kaya ginawa kong pokus ang pag-usad papunta dito, hindi ang pag-uusisa pa ng nakaraan.
Maganda ring idagdag na habang nag-uusap kami, gumagamit si Mary ng isang maliit at pambatang boses, at mayroon siyang mga mannerism. Sinabi ko na naiintindihan ko siya at nakikiramay ako sa kanyang di-pagkakasundo sa kanyang ama, ngunit lumipas na ang mga iyon at maski therapy ay hindi na makakatulong upang ibalik ang mga nawalang taon..
Kailangan naming manatili sa pagiging trahedya nito sa kasalukuyan, at humanap ng mga maaaring gawin o mapagkukunan ng lakas habang nandoon.
Mahirap itong sabihin, ngunit kung hindi ko ito ginawa, tutulungan ko lamang siyang manatili sa kanyang walang katapusang paghahangad sa isang bagay na nakalipas na.
Nakakatulong minsan ang pakikiramay, ngunit minsan ay mas kailangan ang mga malinaw na patakaran, at umusad kaysa paulit ulit na lumingon sa  pinanggalingan. Sa kanyang pagiging "maliit na bata", wala siyang mapagpipilian, at wala siyang kakayahang lumapit patungo sa kanyang ama.
Noong bata raw siya, palagi niyang pinapalo ang kanyang ama tuwing nakikita niya ito. Malinaw na galit siya, at sinabi ko na normal lang naman ang kanyang reaksyon. Ngunit wala parin siyang nahahanap na ibang paraan upang makipag-ugnayan dito, at galit parin siya na para bang maliit na bata.
Kaya nagmungkahi ako ng isang eksperimento: tatayo siya sa isang bahagi ng kuwarto, at kunwari ay katabi niya ang kanyang ina. Mula dito ay lalakad siya "papunta" sa kanyang ama, siguro upang makipag-usap o tumayo lamang sa tabi nito.
Tila malaking hamon para sa kanya ang mungkahing ito, at natakot siya. Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang palakasin ang kanyang loob, ngunit binigyan ko parin siya ng kakayahang mamili. Pinaalala ko sa kanya ng maraming beses na 24 anyos na siya. Pinakiusapan ko siyang tigilan ang pagsasalita na tila maliit na batang babae, ituwid ang kanyang likod (sinabi niya kanina na palaging sumasakit ang kanyang likod), at umusad papunta sa pagiging taong nasa tamang edad na at may kakayahang pumili.
Unti unti ay pumayag din siyang gawin ang eksperimento. Lumakad siya ng paisa-isang hakbang, at nangailangan siya ng maraming suporta sa bawat hakbang upang hindi malaglag. Sa wakas ay naabot niya rin ang kinaroroonan ng kanyang ama, at may pinakiusapan ako upang magkunwari bilang kanyang ama.
Tingin niya ay imposible para sa kanya ang kausapin ito. Kaya tinanong ko kung ano ang kanyang nararamdaman, at na gawin niyang pangungusap ang mga pakiramdam na ito. Mga kalahating dosenang emosyon ang ginawa naming pangungusap upang magkaroon siya ng mga sasabihin. Nangailangan pa siya ng pagpapalakas ng loob upang mailabas ang mga salitang ito. Sa katunayan ay tila nahihirapan siyang huminga, at nang banggitin ko ito, sinabi niya na produkto raw siguro ito ng kanyang hinanakit sa atensyon na binibigay ng kanyang ama sa isa pa nitong anak na babae.
May mga bagay sana siyang nais tanungin dito, ngunit sinabi ko na mga pahayag lamang ang maaari niyang sabihin dito. Binanggit ko na may bias na ang mga tanong niya, at pinaalala ko sa kanya ang mga dahilan kung bakit niya gustong lumapit dito.
Sa wakas ay kinausap niya na ito; sinabi niya na siya ay galit at nasaktan, ngunit sa kabila ng lahat at nagagalak parin siyang makita ito. Karamihan ng mga sinabi niya ay may kinalaman sa kanyang hinanakit at sa kanyang mga takot. Sinabi ng kanyang "ama" na nagagalak din itong makita siya; hindi raw ito ang inaasahan niyang sagot.
Napakahirap para sa kanya ng buong proseso. Kinailangan kong padaliin ang eksperimento sa pamamagitan ng pagpapaalala sa kanya na isa lamang itong therapy group; wala talaga doon ang kanyang ama at ina, at naglalakad lamang siya sa ibabaw ng sahig na gawa sa bamboo - wala nang iba. Binawasan nito ng kaunti ang kanyang pangangamba. Sinamahan ko siya sa bawat hakbang upang gumabay, sumuporta, at manghamon upang manatili siya sa kanyang pagiging "adult".
Isa itong halimbawa ng "safe emergency" sa Gestalt experiment, kung saan sinusuong natin ang isang teritoryo na karaniwan ay mahirap pasukin habang nagbibigay ng kinakailangang suporta.
Nakakatulong itong bigyan ng bagong karanasan ang isang tao.
Ngunit hindi prescriptive ang ganitong klase ng mga eksperimento, at sinasabihan namin ang mga kliyente na huwag isipin na kailangan nila ang mga eksperimentong ito; sa halip, dapat ay tingnan nila ito bilang mga simpleng pagtuklas ng kanilang awareness at choicefulness.

Biyernes, Agosto 22, 2014

Case #28 - Ang nagsasalitang pantalon

Tinalakay ni Nancy ang kanyang samu't saring isyu. Pakiramdam niya raw ay malayo sa pagiging totoo sa sarili ang kanyang pag-uugali. Nagka-anak siya sa kanyang unang asawa, ngunit parang wala lang din ang relasyon nila dahil bihira lamang silang magsama.
Nagkuwento rin siya tungkol sa kanyang pangalawang pag-aasawa - nagkaroon siya ng maraming aborsyon; gusto ng asawa niya ng isa pang anak, ngunit ayaw niya na. Naging masaya siya sa kanyang pangalawang asawa, ngunit minsan ay tinatago niya rito ang kanyang pagdalo sa mga workshop. Nagkuwento siya tungkol sa kanyang pagiging mahina sa pisikal na aspeto, at sa kagustuhan niyang baguhin ito.
Sinabi ko sa kanya na sunod sunod ang pagbuhos ng kanyang isyu; tila walang isyu na sapat ang lalim upang mapagtuunan ng tamang pansin. Sinabi niya na nahirapan din ang iba niyang therapist sa pagtukoy ng isyu na kanilang pagtutuunan ng pansin.
Tinanong ko kung ano ang kailangan niya mula sa akin: "Magpaligtas," tugon niya. Pinaliwanag ko na matutuwa sana akong subukang iligtas siya, ngunit mukhang hindi ito umuubra; matutuwa rin sana akong tulungan siyang lumakas, ngunit mukhang hindi rin iyon umuubra ngayon.
Sa simula ng sesyon, pinansin ko ang kanyang mga pantalon - mayroon itong makulay at kumplikadong disenyo. Maraming beses ko itong pinansin. Napansin ko rin ang kanyang bibig - marami siyang expression. Madalas niyang kagatin ang kanyang labi, o ilabas ang kanyang ngipin sa isang partikular na paraan.
Nagkomento ako sa mga bagay na ito. Wala siyang awareness sa kanyang bibig, at hindi siya interesado sa kanyang mga pantalon.
Matapos ang kaunting talakayan, bumalik ako sa pagpansin sa kanyang pantalon, at minungkahi na tingnan namin kung matutulungan kaya kami nitong pumili ng isyu na bubunuin.
Tinanong ko kung anong aspeto nito ang pinakagusto niya. May pinakita siyang parte sa bandang bukong bukong na may tatlong magkakaibang kulay. Nilarawan niya ang mga ito bilang mga maiinit at malalamig na kulay.
Kaya pinaako ko sa kanya ang "pagkatao" ng bawat kulay na iyon, at pinalarawan ang kanyang sarili ayon sa mga kulay na iyon. Naglarawan siya ng isang sarili na mainit, masigla, entusiyastiko, at kumikinang. Pagkatapos ay isang sarili na mahinahon, mahilig magbulay bulay, at gustong mapag-isa. Sunod ay isang saril na malamig, mapagkalkula, at rasyonal.
Tumugon ako sa bawat isa sa mga paglalarawang ito. Pagdating sa huling paglalarawan, agad siyang nag-react - sinabi niya na hindi ito OK para sa kanya, at na sinisisi niya ang kanyang sarili.
Lumitaw na marami siyang batayan ng kung ano ang dapat, kaya naging "mali" ang bahaging iyon. Tinanong ko kung saan nanggaling ang mga batayang ito - sa kanyang ina raw. Kaya kumuha kami ng isang unan upang tumayo para sa kanyang ina, at kinausap niya ito. Inihayag niya dito ang kanyang koneksyon, pati narin ang kanyang mga hangganan, sa kanyang batayan ng mga dapat gawin.
Nariyan din ang kanyang dating biyenan na naging "ideal" para sa kanya sa iba't ibang paraan, ngunit mas puno pa ng mga batayan ng "dapat" gawin. Pinalagay ko ang kanyang biyenan sa unan, at muli ay inihayag niya ang kanyang mga koneksyon, pati narin ang kanyang mga hangganan.
Paulit ulit kong binalikan ang malamig/mapagkalkulang bahagi ng kanyang sarili upang subukang ipakita sa kanya na hindi ito mali. Tuwing hindi siya sumasang-ayon, tatanungin ko kung mas gusto niya bang madiktahan ng mga "dapat", at ang sagot niya ay "Hindi".
Sa wakas ay nakinig narin siya sa akin, dahil nagkwento ako sa kanya tungkol sa aking mapagkalkulang sarili. Sinabi ko na kung ako ay nasa work o business mode, magiging kumportable ako sa parteng iyon ng kanyang pagkatao. O kung ako ay nasa aking malamig o mapagkalkulang mode, ayos lang sa akin ito. Ngunit kung pakiramdam ko ay bulnerable o nangangailangan ako, maaaring masaktan ako.
Nakayanan niyang makinig sa akin ng hindi sumasabat, at intindihin ang aking pagpuri sa kanya. "Pero isa itong bahagi ng pagkatao ko na gusto kong baguhin dahil maaari itong makasakit ng mga tao," sabi niya. "Mas interesado ako sa pagtanggap mo nito bilang bahagi ng pagkatao mo, at kapag nagawa mo iyon, mararamdaman ko na ligtas ako sayo," tugon ko.
Naintindihan niya na ang mahalaga ay hindi ang pagtanggal o pagbago sa bahaging ito, kundi sa simpleng pagtanggap ng presensya nito.
Nahirapan akong simulan ang aktwal na sesyon. Tuwing nagsisimula siyang tumukoy ng isang malinaw na figure, bigla itong nag-iiba. Ito mismo ay kapansin pansin - ang kanyang palipat lipat na pokus. Pinili kong huwag muna itong pagtuunan ng pansin dahil wala pang sapat na ground sa pagitan namin. Pinag-isipan kong subukan ang pagiging "tagapagligtas", ngunit nagpasyang huwag na lang dahil hindi naman ito nagtagal bilang isang figure.
Kaya imbis na makipaghabulan kakahanap ng malinaw na tema, bumalik ako sa kung ano ang figural para sa akin - ang kanyang pantalon. Na wala itong kahalagahan sa kanya ay nangangahulugan na maaari tayong makahanap ng bagay na lulutang mula dito, sa kabila ng kanyang pagtangging magpalitaw ng malinaw na figure. Agad agad ay tumukoy siya ng tatlong mahahalagang bahagi ng kanyang sarili.
Inusisa ko ang mga ito sa pamamagitan ng relasyon - tumugon ako sa bawat isa sa mga ito.
Lumutang ang kanyang pagkadi-kumportable sa pangatlong bahagi, at malinaw itong tumuturo sa trabaho na kailangang gawin - harapin ang mga "dapat", at ang pinanggalingan nito.
Matapos niyang gawin ito, nakayanan niyang dalhin ang bahagi niyang iyon sa relasyon niya sa akin, at sa kanyang sarili.
Ang resulta ay ang natural na kinahahantungan ng isang Gestalt na proseso - integration.

© Lifeworks 2012

Contact: admin@learngestalt.com

Who is this blog for?

These case examples are for therapists, students and those working in the helping professions. The purpose is to show how the Gestalt approach works in practice, linking theory with clinical challenges.

Because this is aimed at a professional audience, the blog is available by subscription. Please enter your email address to receive free blog updates every time a new entry is added.

Gestalt therapy sessions

For personal therapy with me: www.qualityonlinetherapy.com

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

© Lifeworks 2012

Contact: admin@learngestalt.com

Wikang:

HOME

Informed Consent & Rates

PROFESSIONAL TRAINING

Gestalt Therapy Defined

PROFESSIONAL SERVICES

PAYMENTS

OTHER STUFF

Links

Book:Advice for Men about Women

BLOGS

• English

Bahasa

Čeština

Deutsch

Español

Français

Greek ελληνικά

Hindi हिंदी

Magyar

Melayu

Italiano

Korean한국의

Polski

Português

Română

Russian Русский

Serbian српски

Chinese 中文

Japanese 日本語

Arabic العربية

English Bahasa Čeština Deutsch Español Filipino Français ελληνικά हिंदी Magyar Melayu Italiano 한국의 Polski Português Română Русский српски 中文 日本語 العربية

If you are interested in following my travels/adventures in the course of my teaching work around the world, feel free to follow my Facebook Page!

Can you translate into Filipino? I am looking for volunteers who would like to continue to make this translation available. Please contact me if you would like to contribute.

Interested in Gestalt Therapy training?

Contact us!

vinaysmile

This Gestalt therapy blog is translated into multiple languages. You are welcome to subscribe

logosm1

Links

Career Decision Coaching

Here

and here

Lifeworks

Gestalt training and much more

http://www.depth.net.au

For Men

Here is a dedicated site for my book Understanding the Woman in Your Life

http://www.manlovesawoman.com

The Unvirtues

A site dedicated to this novel approach to the dynamics of self interest in relationship

http://www.unvirtues.com

Learn Gestalt

A site with Gestalt training professional development videos, available for CE points

http://www.learngestalt.com

We help people live more authentically

Want more? See the Archives column here

Gestalt therapy demonstration sessions

Touching pain and anger: https://youtu.be/3r-lsBhfzqY (40m)

Permission to feel: https://youtu.be/2rSNpLBAqj0 (54m)

Marriage after 50: https://youtu.be/JRb1mhmtIVQ (1h 17m)

Serafina - Angel wings: https://youtu.be/iY_FeviFRGQ (45m)

Barb Wire Tattoo: https://youtu.be/WlA9Xfgv6NM (37m)

A natural empath; vibrating with joy: https://youtu.be/tZCHRUrjJ7Y (39m)

Dealing with a metal spider: https://youtu.be/3Z9905IhYBA (51m)

Interactive group: https://youtu.be/G0DVb81X2tY (1h 57m)