lifeworksgestaltl1

Miyerkules, Disyembre 24, 2014

Case #47 - Ang katapusan ng isang relasyon ay isang bagong simula

Matagal nang may problema ang relasyon ng magkasintahang ito.
Ang pinakaunang sinabi ni Rhonda sa sesyon ay - "Nagdiborsyo ang aking mga magulang, at pinangako ko sa sarili ko na kahit kailan ay hindi ko ito hahayaang mangyari sa aking magiging pamilya." Talagang nababagabag siya. Inakbayan siya ni Brian, ngunit nilayuan niya ito.
Sinabihan ko si Brian na lumipat sa bandang harap ni Rhonda upang makita nila ng maayos ang isa't isa.
Ang pangalawang bagay na sinabi niya ay, "Ayoko na. Hindi ko na kaya. Tapos na ang relasyong ito para sa akin."
Nagulat si Brian. Maraming beses niya na raw itong narinig dati, at ginawa niya ang lahat ng makakaya niya nitong mga nakaraang buwan upang magbago at pagandahin ang sitwasyon. Sinimulan niyang ipaliwanag ito...ngunit pinigilan ko siya. Sa perspektibong Gestalt kasi, tinitingnan bilang pag-iwas sa kasalukuyan ang pagpapaliwanag.
Inudyukan ko siyang sabihin na lamang kay Rhonda ang kanyang nararamdaman. Pagkatapos humingi ng maraming suporta, sinabi niya na para siyang natataranta, at pakiramdam niya ay inabanduna siya. Nagsimula siyang umiyak.
Naupo lamang si Rhonda ng walang sinasabi. Nang sabihan ko siyang sagutin ito, sinabi niya lang na tila blangko na siya - sobra na ito para sa kanya, at lumabas na siya sa kanyang awareness. Sa Gestalt, hindi natin pinipilit ang isang tao kapag dumating na sila sa ganitong punto.
Kaya si Brian na lamang ang kinausap ko - pinaliwanag ko na hindi na available si Rhonda, kaya wala nang silbi kung magpupumilit pa siya. Dinamayan ko siya sa kanyang mga nararamdaman, at tinulungan siyang samahan ang kanyang sarili sa pagkakataong ito. Kinilala ko ang kanyang nararamdaman; kung gaano kasakit para sa kanya ang sitwasyong ito, at kung gaano kahirap tanggapin na "binaba na [ni Rhonda] ang bintana" at sa gayon ay hindi na available para sa kanya sa oras ng lungkot at pangangailangan.
Pagkatapos ay tumingin si Ronda sa kanya ng may luha sa kanyang mga mata. Sabi niya - nangyari ito sa iyong nanay, pati sa dati mong asawa, at kahit kailan ay hindi ko ginustong gawin ito sayo.
Bumigay si Brian, at tila umurong papasok sa sarili niya habang umiiyak. Inudyukan ko siyang manatili sa kasalukuyan, upang makita na ngayon ay may luha na si Rhonda at sa gayon ay available na, at upang kilalanin ang koneksyon nila sa sandaling iyon. Naging mahirap ito para sa kanya.
Sinabi niya na nagui-guilty siya, dahil pakiramdam niya ay pumalpak siya, at binanggit niya ang kanyang kagustuhang gawin muli ang lahat ng kanyang makakaya. Ngunit pinigilan ko siya, dahil wala nang sapat na emosyonal na espasyo si Rhonda upang pag-usapan ang hinaharap.
Sunod ay tinanong ko si Rhonda kung kaya niyang tanggapin ang sinabi ni Brian. Tila blangko parin siya - kaya minungkahi ko na sabihin niya kay Brian na hindi niya pa ito kayang tanggapin. Ito ang kanyang magiging awtentikong emosyonal na pahayag.
Napakahirap para kay Brian na marinig iyon. Inudyukan ko siyang sabihin ito kay Rhonda. Tumugon si Rhonda sa pamamagitan ng pagpansin sa galit, hinanakit, at lungkot na nakita niya sa mga mata nito. Kaya pinapaliwanag ko kay Brian ang mga emosyon na iyon.
Nakinig nga si Rhonda, ngunit sinabi niya na "Ayoko nang magpatuloy pa; hindi na maganda ang pakiramdam ko dito, kasi alam ko na napakahirap nito para sayo."
Bigla na lamang nagsara si Brian at umatras muli papasok sa kanyang sarili; malinaw na hindi na siya available. Minungkahi ko na sabihin niya kay Rhonda na hindi niya ito kayang pakinggan sa kasalukuyan, ngunit maski iyon ay mahirap para sa kanyang gawin.
Kaya sinabihan ko si Rhonda na kausapin ako. Isa itong technique sa couples therapy - ang pagsuporta sa isang tao, habang hindi available ang isa pa, upang mawala ang pressure at pahintulutang maging witness lamang ang isa.
Sinabi ni Rhonda na gusto niyang bigyan si Brian ng maraming oras upang tanggapin ang sitwasyong ito, at inamin ko na tingin ko ay hindi niya naman ito matatanggap kahit kailan. Mahal siya nito, at malamang ay wala itong balak sumuko. Nagulat si Rhonda dito.
Kaya mas pinalabas ko pa ang kanyang mga nararamdaman at mga personal na pahayag.
Pagkatapos ay naging available si Brian, at sinabi niya dito na nagui-guilty siya, at na nagsisisi siya na naging ganito ang sitwasyon. Sabay silang umiyak. Gusto sanang lumapit ni Brian, ngunit sabi ni Rhonda - Huwag. Pakiusap, huwag ka masyadong lumapit sa akin.
Tinanong ko kung bakit niya ito sinabi - Hindi niya na raw kasi mahal si Brian. Hinamon ko ang pahayag na ito - nakabase kasi ito sa maling ideya na tungkol lamang sa emosyon ang pag-ibig. Kaya sinabihan ko siyang gawin itong personal na pahayag. Sabi niya, "Sinara ko na ang aking mga emosyon."
Isa itong mahalagang pahayag, dahil mula noon ay naging tungkol sa aksyon, choice, at volition ang buong isyu.
Kaya inudyukan ko si Brian na sabihing narinig niya ito, at na sabihin dito ang kanyang mga nararamdaman. Nagawa niya naman ito, at pareho silang umiyak.
Ngunit may nagbago na sa pagitan nila. Kahit tila imposible, at wala namang nakakaalam ng mangyayari sa hinaharap, nakayanan nilang magkaroon ng malalim at awtentikong contact. Pareho silang umabot sa punto na parang sobra na ang sitwasyon, ngunit sa tulong ng aking pagsuporta, nakayanan nilang magpatuloy at harapin ng magkasama ang pakiramdam ng kawalan at paghihinagpis.
Hindi ko na nalaman ang kinahinatnan ng kanilang relasyon. Ngunit ang pokus ng Gestalt ay nasa pag-abot ng malalim at awtentikong contact; ito ang sandigan ng isang tunay na relasyon, ang bagay na malinaw na wala sa kanilang relasyon noon.

Lunes, Disyembre 15, 2014

Case #46 - Mga uod

Nagkwento si Felicity tungkol sa kanyang mga bangungot. Wala tayong mga pre-set na interpretasyon para sa mga panaginip sa Gestalt, ngunit kadalasan ay tungkol sa aggression ang mga bangungot; malinaw na lahat ng aspeto ng isang panaginip ay tungkol sa nananaginip, kaya lahat ng bangungot ay may kinalaman sa aggression ng tao.
Madalas umulit ang panaginip ni Felicity, ngunit sa iba't ibang anyo. Ganito ang karaniwan nitong takbo:
Nasa basement siya at kumukuha ng mga uod. Daan daang libong uod ang nandoon.
Sa susunod na eksena ay nagsusuka na siya ng mga uod - punong puno ng uod ang kanyang buong katawan. Nakayanan niya namang isuka itong lahat, maliban lamang sa isa.
Isang tingin lang sa panaginip ay maaari ka nang magpakawala ng maraming interpretasyon. Sa pinakapalasak na antas, ang basement ay kung ano ang nasa pinakakaibuturan ng kanyang puso, at malinaw na tumutukoy ang mga uod sa isang bulok na aspeto ng kanyang pagkatao.
PERO, hindi namin ito ginagawa sa Gestalt.
Nananatili lamang kami sa kasalukuyan, sa karanasan ng tao, at sa kanilang sariling pagpapakahulugan dito.
Kaya inanyayahan ko si Felicity na gampanan ang bawat karakter sa kanyang panaginip at magsalita bilang ang karakter na ito. Bilang uod, sinabi niya na siya ay mataba, tamad, at walang kapangyarihan.
Sinabi naman ng nag-iisang uod na naiwan sa loob niya na gusto narin nitong lumabas.
Ang susunod na dapat gawin ay ang pagsasadula nito. Kaya sinamahan ko siya sa pagkukunwari bilang uod - naglakad lakad kami na parang uod.
Sinabi ko na lahat tayo ay may uod sa loob - mga bagay na ayaw nating ipakita sa iba.
Nagkwento ako tungkol sa aking mga "uod" - ang pagiging pangit ng ugali ko sa mga partikular na sitwasyon, at nagbigay din ako ng ilang halimbawa.
Pagdating sa pagbubuking ng mga bagay na mahirap sabihin sa iba, maganda kung mangunguna sa pagbibigay ng halimbawa ang therapist.
Nung una ay nag-aalangan siyang magbanggit ng mga ganoong bagay tungkol sa kanyang sarili. Nakita ko ang expression niya - nakanguso siya na parang inosenteng bata. Nagkomento ako tungkol dito, at ginaya ito upang makita niya.
Sabi ko - parang hindi naman ganyan ang itsura ng taong may mga uod sa loob niya!
Pinamukha nito sa kanya ang persona na kanyang pinapakita, at ginawa siyang mas handa na maging awtentiko.
Tumukoy siya ng ilang aspeto ng kanyang sarili na mala-uod, at kinilala ko kung gaano kahirap ito para sa kanya. Ganoon parin ang expression sa kanyang mukha. Binanggit ko kaagad ang incongruity na ito, dahil para bang binabawi niya ang kanyang sinabi sa pamamagitan ng pagpapakita ng ganoong expression.
Tinaas nito kaagad ang kanyang awareness tungkol sa kanyang disowning process. Ang Gestalt awareness ay palaging agad agad - palagi itong papunta sa mas malalim na pagkakakilala sa iyong sarili, ngayon din.
Pagkatapos ay inanyayahan ko ang grupong magbahagi rin tungkol sa kanilang "mala-uod na sarili". Lalo nitong pinababa ang hiya para kay Felicity, at bumuo ito ng bond sa loob ng grupo sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng aming mas malalim at sikretong sarili, sa paraang masaya at kaaya aya para sa lahat.

Lunes, Disyembre 8, 2014

Case #45 - Paano harapin ang kalungkutan

Gustong pag-usapan ni Betty ang kanyang takot. Hindi niya matukoy kung tungkol saan ito, o kung saan ito konektado.
Ngunit bago ko sakyan ang kanyang pokus, sinubukan ko muna siyang kilalanin. Nagtanong ako tungkol sa kanyang mga anak, sa kanyang buhay may-asawa, at sa kanyang trabaho. Kaka-resign niya lang sa kanyang trabaho matapos ang 20 taon, at kasalukuyang nasa transition period. Maayos naman ang kanyang buhay pamilya; maganda at talentado ang kanyang anak na babae, at mahal na mahal naman siya ng kanyang asawa.
Ngunit nakikita ko na hindi siya masaya. Tinanong ko kung masaya ba siya - hindi raw. Ngunit iniisip ng lahat na perpekto ang buhay niya, pati ang kanyang pamilya. Tinanong ko kung ano ang problema.
Sabi niya - mas mahal ako ng asawa ko kaysa mahal ko siya. Secure ako sa kanya, ngunit arranged marriage lang kami at hindi ko siya "type". Tinanong ko kung ano ba ang tipo niya: isang tao raw na may malakas na karakter, malinaw na vision sa buhay, at magandang taste. Wala ni isa dito ang kanyang asawa.
Nagulat ako dito, at natagalan bago ko ito maproseso. Isang magandang buhay, ngunit may kulang na mahalagang bagay. Tumingin ako muli sa kanyang mga mata, at nakita ko kung gaano siya kamiserable. Tinanong ko kung ilang taon na siya - 44 daw. Tinanong ko kung 44 na taon niya pa bang makakasama ang kanyang asawa, at sabi niya ay oo.
Kaya malinaw na ang desisyon niya ay maging nandoon kasama ang kanyang asawa, kahit ang kapalit nito ay ang kawalan ng koneksyon sa kanilang relasyon. Ang palasak na pangangailangan para sa passion, meeting, at synergy ay wala doon. Nagpakakuntento siya sa isang mababaw ngunit maayos na buhay, kahit mayroon itong malalim na pangangailangang hindi naaabot.
Sa Gestalt, interesado kami sa choice, at tinitingnan namin ito gamit ang  existential notions. Nilalagay tayo ng buhay sa iba't ibang klase ng sitwasyon, ngunit palagi tayong may pagpipilian. Ang pakiramdam ng pagkakakulong ay hindi nanggagaling sa ating mga sitwasyon, kundi sa ating pagkalimot na may pagpipilian pala tayo sa bawat sandali.
Kasama rin ng choice ang consequences, at ang isang sulit na buhay ay isang buhay kung saan pinananagutan ng tao ang kanyang mga aksyon, imbis na subukang sisihin ang iba, o maghangad na sana ibang tao na lamang siya.
Ganito nga ang sitwasyon ni Betty. Malinaw ang kanyang mga desisyon, pati ang mga kinalabasan nito. Ngunit miserable siya, at kailangan nitong magbago, pwera na lamang kung gusto niyang manatiling ganito.
Maraming siyang pagpipilian sa loob ng istrukturang pinili niyang panindigan.
Gumugol ako ng oras sa pagtabi lamang sa kanya, at pagkilala sa kanyang pagiging miserable. Ito ang relational na espasyo kung saan walang kailangang magbago, walang agenda, at ang pokus lamang ay nasa pag-iral; pag-iral ng magkasama, at pagkilala sa presensya ng isa't isa. Ang tawag dito ay "I-Thou".
Pagkatapos nito, tinanong ko kung ano ang mga posible niyang gawin. Ang pagtatanong nito sa una pa lang ay parang pagmumungkahi ng "solusyon" sa isang sitwasyon na wala naman talagang solusyon. Ngunit matapos ang ilang sandaling pamamalagi sa kanyang isyu, maaari na naming usisain ng magkasama ang iba't ibang pagpipilian at perspektibo.
Tinanong ko kung alam ba ng asawa niya ang tungkol sa pagiging miserable niya, at kung pinapakita ba niya ito sa kanyang asawa gaya ng pagpapakita niya nito sa akin. Hindi raw. Kaya nagbahagi ako ng isang pangyayari sa sarili kong buhay, kung saan nagkaroon sa akin ng malaking impact ang pagkukwento ng aking asawa tungkol sa isang bagay na nagpapamiserable sa kanya. Dahil mahal na mahal siya ng kanyang asawa, maaari itong magsimula ng pagbabago.
Sinabi ko na kahit kailan ay hindi niya ito magiging "type", ngunit kung motivated ito, maaari nitong subukang gumawa ng mga hakbang upang maging "type" niya. Nakasalalay sa kanya ang pag-amin dito ng kanyang totoong sarili at mga pangangailangan. Ang hamon ay na gawin niya ito sa isang paraan na magbibigay ng mga positibong resulta.
Minungkahi ko na sabihan itong tingnan siya sa mata ng sampung minuto, ng hindi nag-uusap, para lang maipakita niya dito ang kanyang pagkamiserable. Pagkatapos nito, maaari niyang banggitin dito ang ilang maliliit na pagbabago na nais niyang gawin nito, na magiging makahulugan para sa kanya.
Ngunit hindi nito ibig sabihin na ito na talaga ang solusyon sa kanyang pagkamiserable. Ang totoo ay nasa sitwasyon siya kung saan hindi natutugunan ang kanyang mga pangangailangan. Kaya minungkahi ko na aktibo niyang tuklasin ang kanyang pagkamalikhain, at sumubok ng mga spiritwal na gawain. Baka matulungan siya nitong makahanap ng kaligayahan na hindi matatagpuan sa kanyang paligid.
Hindi sinusuportahan ng Gestalt ang pagmumungkahi ng mga ganitong bagay bilang solusyon. Ngunit sa konteksto ng isang malalim na contact sa personal na pagkaka-stuck, nagiging makahulugan para sa tao ang ganitong mga posibilidad, at nagkakaroon siya ng malalim na kagustuhang gumalaw papunta sa direksyong iyon. Kung mayroong interes, maaaring makatulong ang praktikal na suporta sa taong iyon - halimbawa ay ang pag-uusap tungkol sa kung paano niya magagawa ang pagbabago, at ang buong range ng kanyang mga pwedeng pagpilian.

Huwebes, Nobyembre 27, 2014

Case #44 - Ang cocoon, at muling pagsilang

Halata na nagugulumihanan si Nicole. Nagkwento siya tungkol sa kanyang panaginip - tungkol ito sa kanyang takot na lumabas sa isang cocoon, dahil hindi niya alam kung magbabagong-anyo ba siya pagkatapos, o mamamatay lang.
Pinagtuunan ko ng pansin ang imahe ng cocoon. Nagmungkahi ako ng eksperimento na base dito. Minsan hindi naman kailangang gamitin ang lahat ng detalye na binigay ng kliyente; minsan sapat nang magsimula sa isang malinaw at malakas na metapora na galing din sa kanya. Sa kasong ito, lumutang ang isang metapora na may kinalaman sa pagbabagong-anyo, may kinalaman sa isyu na binubuno sa therapy, at naglalaman ng parehong paghahangad para at takot sa pagbabago. Kilala din ang Gestalt Experiment bilang "safe emergency", at ang balanse sa pagitan ng "safe" at "emergency" ay palagi nating sinusubukang abutin - ang pagtulong sa kliyente na harapin at pagbigyan ang kanyang paghahangad para sa isang bagong karanasan, habang naghahanap ng paraan upang gawin itong ligtas.
Kaya inanyayahan ko ang kalahating dosenang tao mula sa grupo na palibutan siya at maging "cocoon". Agad agad ay lumakas ang pag-iyak niya, at nalaglag siya sa sahig. Pinaupo ko rin ang mga tao na nakapalibot sa kanya. Sinabihan ko siyang huwag mangimi, at imbis ay panatilihin ang eye contact sa mga tao sa paligid niya. Kung hindi ay mapapaatras siya, mahahatak sa sarili niyang mundo, at mahahatak palabas ng relasyon. Sa kasong iyon, magpapatuloy lamang sa pag-ikot ang kanyang emosyon ng walang pinatutunguhan, at hindi ito makakatulong.
Maya maya ay tumingin siya sa isa sa mga babae at sinabi dito, "Ayoko sayo." Malinaw na hindi ito tungkol sa babae mismo - naalala niya lang kasi ang kanyang ina. Kaya inudyukan ko siyang kausapin ito ng direkta, at na sabihin kung ano man ang nais niyang sabihin dito.
"Bakit mo ako inabanduna?" tanong niya. Sa Gestalt, tinitingnan bilang walang silbi ang tanong na "bakit", kaya mas inuudyukan namin silang magbigay ng pahayag imbis na magtanong ng "bakit".
Mula dito lumabas ang kanyang mga pahayag - ang kanyang hinanakit nang abandunahin siya ng kanyang ina noong bata pa siya. Muli, hindi ko na kailangang malaman ang buong kwento at lahat ng detalye nito. Sapat na na lubog siya sa proseso.
Kinailangan ko siyang suportahan upang manatili siya sa kasalukuyan, magpanatili ng eye contact, at huminga ng maayos. Maraming emosyon na lumutang sa kanya, pati sa babaeng tumayo bilang kanyang "ina".
Mahalaga ang suporta ng grupong nakabilog sa kanya, upang iparamdam sa kanya ang suporta sa isang lugar kung saan madalas ay mahina siya.
Sa wakas ay napagod na siya, at gusto niya na lamang humiga.
Kaya pinahiga ko siya sa hita ng kanyang "ina", at sinabihan siyang hayaan ang kanyang sariling makatulog doon.
Paggising niya sampung minuto ang makalipas, pakiramdam niya ay pinanganak siyang muli, at nagkaroon ng pakiramdam ng init at koneksyon sa kanyang puso na dati ay puro hinanakit lang ang laman.

Lunes, Nobyembre 17, 2014

Case #43 - Ang toxic na boses ni nanay

Iniwan ni Theresa ang kanyang magandang trabaho upang magsimula ng sarili niyang kumpanya. "Para sa hamon," ang dahilan na binigay niya.
Ngunit madalas siyang makaranas ng pangangamba - puwera na lamang kapag alam niya na palpak na talaga. Habang papalapit siya sa tagumpay, nananatili ang kanyang pangamba hanggang sa maabot niya na talaga ang tagumpay. Kita rin sa kanyang personal na buhay ang pangambang ito.
Hindi niya naiintindihan kung saan ito galing, o kung ano ang maaari niyang gawin hinggil dito.
Tingin ko ay may kinalaman ito sa kontrol - ang pangangailangan na magkaroon ng kontrol sa mga bagay bagay. Nagtanong ako tungkol sa kanyang konteksto. Nalaman ko na mapangkontrol din pala ang kanyang ina.
Habang pinag-uusapan namin ito, sumakit ang ulo niya. Naging malinaw sa akin na "nasa ulo niya" ang kanyang ina. Kaya inimbitahan ko siyang "ilagay" sa cushion ang kanyang ina, at kausapin ito. Ito ang klasikal na Gestalt experiment - ang paglalabas at paglilinaw ng intrapsychic dialogue.
Inanyayahan ko siyang kausapin ang kanyang ina, at pagkatapos ay makipagpalit - umupo sa lugar ng kanyang "ina", at magbigay ng sagot.
Nagulat ako sa mga bagay na sinabi ng kanyang "ina". Sobrang nakakapahiya nito - halimbawa, ininsulto niya si Theresa dahil "pangit" daw ito, di gaya ng kanyang magandang kapatid. Masama raw siyang tao; ayaw naman daw talaga niya sanang magkaanak, tungkulin lang naman daw ito, at lalaki naman talaga sana ang gusto niya.
Hindi lang ito ordinaryong tipo ng pangit na mothering. Maaari itong tawaging "toxic mothering". Hindi ito magandang gawan ng dialogue.
Pinatigil ko ang kanyang "ina" sa pagkausap kay Theresa, at sinabi na nais ko itong "kapanayamin" upang mas maintindihan ito.
Ginawa ko nga ito...at nagbigay ng maraming interesanteng sagot ang kanyang "ina", na siyang nagkumpirma ng aking nabanggit na "diagnosis". Pabigat ang tingin niya kay Theresa, at ang tanging interes niya sa kanyang mga anak ay ang pagpapaganda nila ng kanyang imahe. Nakakamit na ng pinansyal na tagumpay si Theresa, at nakadagdag ito sa kanyang magandang imahe, kaya hindi na siya ganoon kairitable dito.
Maaari mong sabihin na projection lang ni Theresa ang lahat ng ito. Ngunit ang mga sinabi ng "nanay" kay Theresa sa dayalogong ito ay mga aktwal na salita na ginamit nito sa kanya.
Ang punto nito ay hindi upang palabasin na may pathology ang kanyang ina - malinaw na mayroon din itong sariling mga isyu. Ngunit malinaw na toxic ang pagkakaroon ng mababang pagtingin sa sarili mong anak...lalo kung nagbunga ito ng kakulangan sa kumpiyansa sa sarili, na siya namang nagbunga ng pangangamba.
Kaya inimbitahan ko siyang kausapin ang kanyang ina, at sa pagkakataong ito ay maglatag ng mga malinaw na hangganan. Nagsimula siya sa pagsasabi ng "Huwag niyo na po sanang gawin ang..." Ngunit pinigilan ko siya, dahil nakadepende parin ito sa gagawin ng kanyang ina, at mukhang malabo na may gawin nga ito.
Kaya pinasabi ko ulit ito sa kanya sa paraang manggagaling talaga sa kanya - "Hindi ko tatanggapin ang..." Nagbibigay ito ng malinaw na hangganan, na siyang isa sa mga pinakamahalagang pokus ng Gestalt.
Naging makapangyarihan ang paggawa ng mga ganitong klase ng pahayag. Nangailangan siya ng tulong sa paggawa nito. Pagkatapos, pakiramdam niya ay mas kalmado na siya, at mas malinaw na sa kanya ang dapat niyang gawin upang pigilan ang boses ng kanyang ina sa pagsasabotahe ng kanyang kumpiyansa sa sarili.
Nangailangan ito ng paggamit ng isang klasikong Gestalt experiment: pagpapalabas ng stuck na internal dialogue, at pagbibigay ng suporta na kailangan upang mapalabas iyon.

Lunes, Nobyembre 10, 2014

Case #42 - Ligtas at di-ligtas

Kakagaling lang ni Yasmin sa divorce. Binanggit niya ang kanyang kagustuhang mag-mature at mas humiwalay mula sa kanyang mga magulang. Maraming emosyon sa kanyang mga mata, na aking pinansin at kinomentuhan, pati ang iba pang mga bagay tungkol sa kanya - isang makulay na tela at beads na nakapalupot sa kanyang leeg.
Sabi niya - "Pakiramdam ko ay ligtas ako sayo." Tugon ko - "Mukhang projection iyan, kasi ako lang naman ako - ligtas ako sa maraming paraan, ngunit sa isang punto ay baka ma-miss kita at sa gayon ay hindi na maging ligtas." Nahirapan siyang marinig ito; naalala niya ang mga naging hirap niya sa kanyang ama, at ang pangangailangan niyang maglinaw ng mga hangganan dito tuwing nalilito at nalalabuan siya.
Natutuwa raw siya na nakikita ko siya sa kanyang sitwasyon...at kailangan niya raw ito. Nagkwento siya tungkol sa pagtingin sa kanya ng kanyang mga magulang bilang isang hiwalay na indibidwal, at kung gaano kahirap ito, pati ang hirap ng pagsusumikap na maging mabait na bata para lamang mahalin nila, dahil kundisyonal ang kanilang pagmamahal sa kanya.
Sinabi ko na nakikita ko ang kanyang batang sarili, pati ang kanyang paghahangad sa pagkilala, pagtanggap, at alaga; kasabay nito ay nakikita ko rin ang kanyang sarili ngayon, na naghahangad at nangangailangan ng paghiwalay, pagkakaroon ng sariling identidad, at paglilinaw ng kanyang mga hangganan.
Naging malalim ang epekto nito sa kanya - ang makita sa dalawang sitwasyong iyon, at na sabay itong mabigyan ng pansin. Isa ito sa mga I-thou moments. Sinabi ko na sa lugar na ito kung saan ang pakiramdam ko ay maluwag, grounded, at present, talaga ngang magagawa kong ligtas ang mga kondisyon upang maramdaman niya na inaakay/sinusuportahan/inaalagaan siya, at pinapalaya - at inuudyukan na magsarili sa kanyang buhay, upang magtagpo kami bilang equals.
Tumama ito sa kanya. Kinausap ko siya bilang isang adult; kinilala ko ang harang sa pagitan namin, pati ang aming koneksyon. Sunod ay inanyayahan ko siyang kausapin ako bilang bata; na sabihin kung ano ang nais niya mula sa akin.
Nais niya raw marinig mula sa kanyang ama na mahalaga siya rito. Sinabi ko na masaya akong lumipat sa "father" mode - mayroon din kasi akong mga anak na babae na malaki na...at maaari kong gamitin ang sitwasyon kong ito sa pagkausap ko sa kanya. Kaya kinausap ko siya "bilang" ang kanyang ama, at sinabi sa kanya kung gaano siya kahalaga sa akin.
Sunod, gusto niya namang marinig na mahal siya nito kahit anong mangyari. Sinabi ko nga ito, at binanggit na kahit minsan ay hindi ako sang-ayon sa mga desisyon niya, at na kahit may mga hindi ako gusto sa kanya, bilang pamilya ay konektado parin kami, kaya mahal ko parin siya.
Sa paraang ito ay natugunan ko ang kanyang malalim na pangangailangan na makita sa kanyang tunay na sitwasyon. Sa prosesong ito ng therapy, hindi naman talaga ako ang kanyang ama, ngunit halos pareho lang din naman ang naging impact sa kanya sa kung ako talaga ang kanyang ama.
Pakiramdam niya ay mas naging buo siya, at nakayanan niyang pagtagpuin ang kanyang bata at matandang sarili.

Lunes, Nobyembre 3, 2014

Case #41 - Ang kliyenteng nakakaistorbo

Umuubo si Francis, at nairita ako dito. Binanggit ko ito sa kanya - sabi ko, "Nakuha mo ang atensyon ko sa pag-ubo mong yan." Sabi niya, Oo, madalas nga akong makaistorbo ng mga tao. Tugon ko, "Talaga ngang naistorbo mo ako sa pag-ubo mo."
Kaya inusisa namin ang "pang-iistorbo". Pinaliwanag ko na may mga positibong paraan ng pang-iistorbo ng ibang tao - halimbawa, ginagawa ito ng mga komedyante. Pati ng mga rebolusyonaryo. At mga tao na nanggugulo ng status quo sa isang grupo - kailangan natin sila. Gusto kong i-frame ang "pang-iistorbo" sa ibang paraan, upang palawakin ang kanyang mga pagpipilian.
Inimbitahan ko siyang "mang-istorbo" ng ilang mga tao sa grupo. Kinurot niya ang pisngi ng isa, at humiga siya sa paa ng isa pa.
Ito ay naging spontaneous, magaan, at masaya, at agad siya nitong binigyan ng ibang pagtingin sa "pang-iistorbo".
Nagtanong ako tungkol sa kanyang konteksto - sino ba ang mapang-istorbo sa kanyang pamilya? Sinabi niya na ngayun-ngayon niya lang nalaman na may kabit pala ang kanyang ina. Mukhang ilang taon naring nagkakaroon ng iba't ibang kabit ang kanyang ama.
Malinaw na nakakaistorbo ito sa kanya, ngunit ayokong masyadong usisain ang mga ginagawa ng kanyang mga magulang. Sinabi niya na nagui-guilty siya...na para bang kasalanan niya ang pangangalunya ng kanyang ina, dahil umalis siya sa kanilang bahay. Sabi ko, "Hindi naman nakasalalay sayo ang pagbabantay sa mga ginagawa ng nanay mo."
Gusto kong ibalik ang pokus sa kanya. Kaya sabi ko, "Nakatingin ka sa akin ng may maalab na pokus - nasayo ang atensyon ko ngayon." Sinabi niya na may kulang noong lumalaki siya - naging masyadong abala ang kanyang mga magulang sa kanilang mga problema at away, kaya hindi siya nakakuha ng sapat na atensyon. Kapag naman nakukuha niya ito, mas madalas itong reactive. Ang gusto niya raw ay mapagmahal na atensyon, hindi kiritikal na atensyon. Sinabi ko na para sa mga bata, mas kaaya-aya ang negatibong atensyon kaysa walang atensyon...sa pagsabi nito ay kinilala ko ang choicefulness ng pagiging "mapang-istorbo" niya ngayon upang makakuha ng atensyon, kahit na hindi ganoon kaganda ang atensyon na nakukuha niya.
Sinabihan ko siyang pansinin ang pakiramdam ng paghawak ng atensyon ko sa kasalukuyan, at ng atensyon ng grupo. Pinansin niya ang maliliit na pagbabago sa atensyon ng grupo - ang ilang tao ay tila nalingat na. Nakita ko kung gaano niya pinakikiramdaman ang atensyon ng mga tao sa grupo.
Kaya sabi ko, "Gusto ko na maging present ka sa atensyon na binibigay ko sa iyo ngayon." Naupo kami doon ng matagal. Napansin ko na parang napaka-flat ng pakiramdam ko...kadalasan ay madali lang akong makaisip ng mga gagawin - mga malikhaing eksperimento, mga insight, at mga awareness. Ngunit flat lang talaga ang pakiramdam ko sa kanya, gaya ng isang patag at walang laman na landscape.
Kaya inamin ko ito sa kanya at sinabi niya na Oo, narinig niya narin yan mula sa kanyang asawa at sa ibang tao...at na parang flat din ang kanyang pakiramdam.
Kaya kinilala ko itong shared space na ito bilang isang I-thou moment.Kadalasan, nakikita ang mga sandali ng intimacy at koneksyon bilang mga sandaling puno ng malalalim na emosyon. Ngunit ang sharedness na nangyari dito ay isa lamang uri ng bareness. Sabi ko, "Mahirap ito para sa akin; para bang nawala lahat ng pagkamalikhain ko. Hindi ako sanay na ganito." Bigla siyang sumigla - nagustuhan niya ang salitang "pagkamalikhain".
Sabi niya, "Gusto kong gumawa sayo ng bagay na nakakaistorbo at mapusok." Inanyayahan ko siyang magpatuloy. Hinalikan niya ako sa pisngi. "Ah," sabi ko, "nagkaroon ng kulay sa landscape!"
Isa itong sandali ng makinang na contact, sa konteksto ng isang malalim na sandali ng pagbabahaginan. Dahil dito ay nagkaroon ng isang malalim na shift sa kanya, at para siyang pinalaya.
Ito ang resulta ng non-linear na proseso ng pagsunod sa daloy ng awareness na lumabas sa pagitan namin - ang tema ng atensyon at pang-iistorbo. Sa Gestalt, hindi palaging linear o goal-focused ang proseso - mas kagaya ito ng daloy ng isang ilog na sumusunod lamang sa agos, mas paglulubog ng aming mga sarili sa phenomenology ng kliyente, at pagpansin sa aming mga sariling pagtugon. Ang panghuling resulta ay integration, o ang matatawag na embodied insight.

© Lifeworks 2012

Contact: admin@learngestalt.com

Who is this blog for?

These case examples are for therapists, students and those working in the helping professions. The purpose is to show how the Gestalt approach works in practice, linking theory with clinical challenges.

Because this is aimed at a professional audience, the blog is available by subscription. Please enter your email address to receive free blog updates every time a new entry is added.

Gestalt therapy sessions

For personal therapy with me: www.qualityonlinetherapy.com

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

© Lifeworks 2012

Contact: admin@learngestalt.com

Wikang:

HOME

Informed Consent & Rates

PROFESSIONAL TRAINING

Gestalt Therapy Defined

PROFESSIONAL SERVICES

PAYMENTS

OTHER STUFF

Links

Book:Advice for Men about Women

BLOGS

• English

Bahasa

Čeština

Deutsch

Español

Français

Greek ελληνικά

Hindi हिंदी

Magyar

Melayu

Italiano

Korean한국의

Polski

Português

Română

Russian Русский

Serbian српски

Chinese 中文

Japanese 日本語

Arabic العربية

English Bahasa Čeština Deutsch Español Filipino Français ελληνικά हिंदी Magyar Melayu Italiano 한국의 Polski Português Română Русский српски 中文 日本語 العربية

If you are interested in following my travels/adventures in the course of my teaching work around the world, feel free to follow my Facebook Page!

Can you translate into Filipino? I am looking for volunteers who would like to continue to make this translation available. Please contact me if you would like to contribute.

Interested in Gestalt Therapy training?

Contact us!

vinaysmile

This Gestalt therapy blog is translated into multiple languages. You are welcome to subscribe

logosm1

Links

Career Decision Coaching

Here

and here

Lifeworks

Gestalt training and much more

http://www.depth.net.au

For Men

Here is a dedicated site for my book Understanding the Woman in Your Life

http://www.manlovesawoman.com

The Unvirtues

A site dedicated to this novel approach to the dynamics of self interest in relationship

http://www.unvirtues.com

Learn Gestalt

A site with Gestalt training professional development videos, available for CE points

http://www.learngestalt.com

We help people live more authentically

Want more? See the Archives column here

Gestalt therapy demonstration sessions

Touching pain and anger: https://youtu.be/3r-lsBhfzqY (40m)

Permission to feel: https://youtu.be/2rSNpLBAqj0 (54m)

Marriage after 50: https://youtu.be/JRb1mhmtIVQ (1h 17m)

Serafina - Angel wings: https://youtu.be/iY_FeviFRGQ (45m)

Barb Wire Tattoo: https://youtu.be/WlA9Xfgv6NM (37m)

A natural empath; vibrating with joy: https://youtu.be/tZCHRUrjJ7Y (39m)

Dealing with a metal spider: https://youtu.be/3Z9905IhYBA (51m)

Interactive group: https://youtu.be/G0DVb81X2tY (1h 57m)